Tuesday, July 30, 2019

The Girl From The Coffee Shop 3 Chapter 7

TINANGGAP ko ba ang proposal na ‘yon ni Benjamin? Hindi. Dahil alam ko namang hindi matatapos doon ang problema namin. Katulad ng nangyari noon kung saan niyaya niya akong magpakasal dahil lang sa may gusto siyang patunayan na siya ang mas mahal ko at hindi si Noel. At ngayon, niyaya niya akong magpakasal para lang pagtakpan ang kasalanan niya. Oo, mahal ko si Benjamin at kung may isang tao na gusto kong makasama habang-buhay, siya iyon at wala nang iba. pero hindi naman ganoon kadali ang lahat. 

Hindi naging madali ang sumunod na mga linggo para kay Maya kaya naman para makahinga at makalayo sa mga problema sa trabaho at sa buhay, nagpasya siyang sumali sa dalawang araw na art workshop na pinangunahan ni Sir Nemiranda, na matalik na kaibigan ni Maestro Diestro. Gaganapin iyon sa Art Camp sa Angono, Rizal, na halos tatlong oras mula sa Maynila. Iyon lang ang naisip niyang maaaring gawin para makalimutan niya ang lahat ng bagay na may kinalaman kay Benjamin.

Napakaganda at napakatahimik ng lugar na ang tanging maririnig lang ay ang pagaspas ng mga dahon at huni ng mga ibon. Perpekto iyon para sa mga tulad niyang gustong makapag-isa. Alas kuwatro na ng hapon nang makarating si Maya sa lokasyon at agad niyang nakilala ang iba pang mga artists na naroon na. Eksakto’ng alas siyete ng gabi ang hapunan, na sinundan ng talumpati at pagtuturo mula sa iba’t-ibang kilalang virtual artists. Magaan ang pakiramdam ni Maya sa buong okasyon dahil na rin sa mga pamilyar na mukha’ng naroon – mga kasamahan sa art group nina Mr. Diestro, mga hinahangaan niyang pintor at ilang nakilala na niya sa mga nasaliha’ng exhibits. Ngayon, sigurado siyang habang naroon siya ay malilimutan niya ang mga dapat kalimutan at kahit na sa loob lang ng dalawang araw ay maging tahimik ang buhay n’ya.

“Maya!”

Hindi agad lumingon si Maya sa pinanggalingan ng boses kahit pa alam niya kung sino iyon. Nang marinig niya ang boses ni Noel, alam niyang ang hiling niyang ilang araw ng katahimikan ay biglang nawalang parang bula. Nakita na lamang niyang palapit ang binata sa kinauupuan niya at wala naman siyang ibang pagpipilian, wala siyang magagawa kundi ang ngumiti.

“H-hi, Noel! Ano’ng ginagawa mo rito?”

Ngumiti si Noel ng isang napagandang ngiti. “’Yung kaibigan ko dapat ang nandito, proxy lang ako. Nakiusap.  Ipi-feature kasi nila ‘tong seminar sa magazine nila. Eh, hindi na ako nakatanggi.” Nakasukbit sa leeg nito ang mamahaling camera na madalas niyang nakikitang dala-dala nito sa tuwing nagkikita sila.

Tumangu-tango si Maya. Hindi niya alam kung itatabi ang hawak na libro o ipagpapatuloy ang pagbabasa. Naroon siya sa balcony ng ikatlong palapag ng art camp, kung saan naroon ang mga kuwarto para sa mga participants ng seminar.

“Masaya ako na nakita kita rito, ngayon.” Lumapit sa kanya si Noel at nakiupo sa mahabang upuang kahoy na naroon.

“A-ako rin.” At pagkatapos, katahimikan. Ilang sandali pa bago ito nakaipon ng lakas ng loob makapagsalita.

“Naalala mo ‘yung sabi mo nung nando’n tayo sa resthouse?” sinabi nito iyon nang hindi tumitingin sa kanya.

Oo, naalala ko – na kung nakatadhana na magkikita kami, magkikita kami. At iyon ang dahilan kung bakit hindi siya sigurado kung magandang pangitain ang muli naming pagkikita ni Noel. Hangga’t maaari, ayoko na sanang magtagpo pa ang landas naming dahil ayoko ng mga posibilidad na maaring mangyari.

Kung bakit ba naman kasi hanggang ngayon ay ganoon pa rin ang kabutihang ipinapakita nito sa kanya? Tinulungan siya nito at pinatuloy sa bahay ng dalawang araw. Siguro dahil sa pag-aasikaso nito sa kanya – ang pagluluto nito, ang paghahanda ng pagkain para sa kanya at pati na ang paghuhugas ng pinggan. Habang nasa bahay siya nito ay ipinaramdam ng binata kung gaano siya ka-espesyal at kahit paano ay masarap sa pakiramdam na alam niyang pinahahalagahan pa rin siya nito at parati lang itong nasa tabi niya. Oo, sa loob ng dalawang araw ay naramdaman niya ang matagal na niyang hindi nararamdaman lalo na sa tuwing tinitingnan siya nito.

At hindi natapos doon ang lahat. Tinulungan siya nito noong lumipat siya ng bagong apartment at hindi siya nito iniwan hangga’t hindi ito nakakasiguro na maayos ang lahat. Tumulong ito sa pagbubuhat ng mga gamit, paglilinis ng mga kuwarto, pati sa paghahanda ng merienda nilang lahat na naroon.

“Maya? Kanina ka pa walang kibo, okay ka lang?” tanong ni Noel nang hindi na siya muling nagsalita.

Bahagyang tumango si Maya nang hindi tumitingin sa kausap. Pakiramdam niya ay parang nagbalik siya sa high school, noong mga panahong hindi niya mawagang tingnan ang binata sa mata.

“Sasama ka ba sa tour bukas?” narinig niyang tanong ni Noel.

Tumango siya at ngumiti. Kasama iyon sa buong seminar, ang bisitahin ang iba’t-ibang tourist attractions sa lugar, lalo na ang mga art museums at galleries. Known as the Artists Capital of the Philippines, she’s been looking forward to experiencing Angono, first hand.

“Ako rin. Excited na ko dun sa lunch sa Balaw-Balaw Restaurant. Kaya rin ako napilit ni Kat na pumunta dito, dahil do’n.”

“Kat?”

“Oo, si Kat, ‘yung sa The Glitz Magazine. Kilala mo siya, diba?”

Oo, kilala iyon ni Maya. Assistant editor ng The Glitz. Mabait, maganda. “So, siya ‘yung kaibigan mo na dapat narito ngayon?”

Tumango si Noel. “May emergency raw kaya ako ang pinakiusapan.”

“Close siguro kayo para mapapayag kang pumunta rito kahit malayo at overnight pa.”

“Si Kat? Oo naman, medyo madalas kami nagkikita ngayon…sa trabaho kasi.”

Ano nga ba ang dapat niyang maramdaman tungkol roon? Matamang pinakiramdaman ni Maya ang sarili. Hindi niya maitatanggi na hindi siya sanay na kausapin si Noel tungkol sa ibang babae. “So, dine-date mo siya?” hindi napigilang tanong ni Maya.

“Date? ‘Yung romantic date? H-hindi…ano lang, tipong kain sa labas, kape, ganoon lang,” natatawang sagot ng binata. “Bakit mo naitanong?”

“W-wala naman.” Muling binuksan ni Maya ang libro’ng hawak. Bakit nga ba niya naitanong pa iyon.

“Magkaibigan lang kami no’n, ha. Baka isipin mo-“

“Noel, okay lang naman ‘yon. Mukha naman siyang mabait.”

“Mabait talaga siya,” mabilis nitong sang-ayon.

“So…gusto mo siya?”

Nagkibit-balikat si Noel pagkatapos ay tumingin sa kanya. “Siguro.”

“So, ano pang hinihintay mo? Bakit hindi mo siya i-date?” Tiningnan ni Maya ang binata na noon ay nakatingin sa kawalan. Nakalapag na sa upuan ang kanina nitong hawak na camera.

“Alam mo naman kung bakit, hindi ba?”

Hindi na nakaringgan pa ni Maya ang binata ng anupaman pagkatapos noon dahil nagpaalam na rin ito at maaga pa raw ang tour bukas kaya naiwan siya roon, kasama ng mga kuliglig.

~~

IT’S about time na bumisita ka.”

Iyon ang bungad kay Benjamin ng ama nang dumating siya sa mansion nila sa Makati, alas sais ng gabi. Kadarating lang niya galing Palawan at doon agad siya tumuloy nang matanggap ang tawag ng ama.

“Ano nang plano mo?”

“Plano po sa’n?”

Tumayo si Jaime at tiningnan ang anak. Kinuha nito ang baso ng alak sa mesa at dinala doon sa kinaroroonan ni Benjamin. Tinabihan nito si Benjamin sa sofa. “Sa buhay mo. Kay Nicole. Kay Maya.”

“I’ll take care of it, Dad.”

“Armando is expecting you to marry his daughter. Nag-iisang anak si Nicole. He naturally wants what’s best for her.”

“Nicole and I have talked about it. No wedding.”

“Have you told her father?”

“I’ll take care of it, Dad.”

“The hell you should. He’s a good friend of mine, matagal na silang kaibigan ng pamilya. And you know that he’s an important asset to the company. Hindi ko sinasabi na magpakasal ka dahil doon. Gusto ko lang na kung ano man ang maging desisyon mo, kausapin mo nang maayos ang mga magulang ni Nicole. Ayokong magkaroon kami ng samaan ng loob dahil lang sa hindi pinanagutan ng anak ko ang anak nila.”

Sinalinan ni Jaime ang baso nito at pagkatapos ay ang baso ng anak. Sabay silang agad na inubos ang laman no’n. Ngayon, si Benjamin naman ang naglagay ng alak sa dalawang baso.

“How’s Maya? I heard she filed her resignation.”

Hindi na kailangang sagutin iyon ni Benjamin. Yes, he also heard about the news. Nasa Palawan siya noon nang sabihin ni Greg na nag-resign na si Maya. Anumang oras ay aalis na ito sa opisina at siguro, aalis na rin ito sa buhay niya. Hindi pa niya ito muling nakakausap at sa tingin niya ay wala nang dahilan para gawin pa iyon.

“The Esguerra Group has always been interested in pirating Maya for months. And now, I’m sure they are going to offer her a position which she couldn’t refuse.”

Yes, that’s true. At alam rin niya ang posibilidad na maglipatan ang mga kliyente nila sa Esguerra sa oras na malaman na wala na sa poder nila si Maya. A huge loss for the company, indeed.

“Do something about it, son.”

“That I can’t guarantee, Dad. Hindi ko kayang baguhin ang desisyon n’ya. She doesn’t want to work with the firm anymore and I think there’s nothing to change that.”

“It’s not that she doesn’t want to work there anymore. It’s more like she doesn’t want to see you again and doesn’t want to do anything with you anymore. Come on Benjamin. You’re better than that. Do whatever it takes. Ibalik mo si Maya sa The Forum. At kung maaari d’yan sa buhay mo dahil aminin mo man at hindi, your life is hell without her.”

Kung si Benjamin lang, gagawin nIya talaga lahat para mangyari iyon. Pero hindi nIya hawak ang utak at puso ni Maya. The last time they talked, she made it clear that she doesn’t want him in her life anymore…however, her kisses tell a different story.

~~

SA halip na umuwi ay tumuloy muna si Benjamin sa opisina. Tinawagan niya si Greg, siniguradong maaabutan pa niya roon si Maya. At eksakto naman raw na patapos pa lang ang meeting ng dalaga sa mga kliyente.

Halos wala nang tao sa opisina, maliban na lamang sa ilang staff na may hinahabol na deadline, kasama na si Maya. Wala na rin noon si Greg kaya tuluy-tuloy na siya sa opisina ni Maya na hindi pinansin ang pagbati ng mga tao roon.

Isang katok, dalawa, tatlo. Gusto niyang si Maya mismo ang magbukas ng pinto para sa kanya, sa halip na siya ang pumasok sa opisina nito. Apat, lima, anim na katok pero wala pa rin. Kaya naman hinawakan na niya ang doorknob at binuksan iyon.

At naroon rin si Maya, mahigpit ang pagkakahawak sa doorknob sa kabilang parte ng pinto. Kapwa nila hawak ang pinto – si Benjamin, pinipilit buksan iyon; si Maya, pilit isinasara. Pero kahit anong pigil ni Maya, tuluyan ring naitulak ni Benjamin ang pinto.

“Pinuntahan mo ba ako rito para siguruhin kung nakaalis na ako?” mataray na tanong ni Maya. Tumalikod ito sa kanya at bumalik sa work table nito kung saan mayroon itong tinatapos na draft. “Well, sorry to disappoint you, but I still have a week, according to my supervisor.”

“Okay, let me get this straight. I am here not because I wanted to. I am here because Dad asked me – no, he begged me to talk to you.”

Napataas ng tingin si Maya. Now he got her attention.

“He wants you to cancel your resignation.”

“At bakit ko naman ‘yon gagawin?” tanong ng dalaga.

Maya looked exhausted but for Benjamin, she still looked beautiful with that crinkle in her brow and her messy hair. Tumikhim siya at nagpatuloy bago pa niya makalimutan kung bakit siya naroon. “We’ll give you an offer – senior interior designer, higher compensation. Flexible work hours.”

Umiiling-iling si Maya habang nagsasalita si Benjamin. “Alam mong hindi ito tungkol sa sweldo. At lalong hindi ito dahil sa trabaho ko.”

“Exactly, Maya. This whole resignation thing has nothing to do with your job. This is between you and me. Ano ba ang kailangan kong gawin para magbago ang isip mo? Sabihin mo lang, kahit ano.”

“Kahit ano?” Nagtaas ng mukha si Maya.

Tumango si Benjamin. Basta matapos na lang ang usapan na iyon. Basta bumalik lang si Maya bilang designer ng kumpanya. Wala naman siguro siyang hindi kayang ibigay na kapalit dito.

“Fine.” Kinuha ni Maya ang nakatusok na lapis sa buhok at ipinagpatuloy ang pag-ii-sketch. In-adjust pa nito ang table lamp para mas makita ang ginagawa. “Stay away from me. Huwag na huwag mo akong kakausapin, maliban na lang kung sobrang importante.”

“O-okay. Deal. Anything else?” tanong niya. Nagulat siya sa reaksiyong nakuha mula kay Maya at hindi niya alam kung paano nito nagagawang tanggapin ang lahat na para bang wala na talaga siyang halaga rito.

“Pakasalan mo si Nicole.” Sa pagkakataong iyon, itinigil ni Maya ang ginagawa at matamang tumingin sa kanya.

“A-are you kidding?” Natigilan siya. Hindi siya sigurado kung tama ang narinig niya at muntik na siyang matawa sa sinabi ni Maya.

“Ayoko lang na may isang bata na lumalaki’ng sira ang pamilya, na walang ama nang dahil sa’kin. Naranasan ko na ‘yon at alam ko kung gaano kahirap lumaki nang sira ang pamilya.”

Alam ni Benjamin ang sinasabi ni Maya, na lumaki ito’ng walang nakagisnang ama. Pero hindi niya kaya ang ipinagagawa nito sa kanya. “I’ll stay away from you, kahit habang-buhay. Pero hinding-hindi ako magpapakasal sa kahit na kanino. You are the only woman I want to marry, Maya. You should know that by now.”

 “At ano, hahayaan mong lumaki ang anak mo na walang kinikilalang ama? Hindi tayo p’wedeng maging selfish dito, Benjamin. Hindi p’wedeng kung ano lang ang gusto mo, ‘yun lang ang gagawin mo. Kailangan ka ni Nicole. Kailangan ka ng anak mo.”

“But you’re asking too much and –“

“Do you want me to stay or not?”

Saglit na natahimik si Benjamin at pinag-isipang mabuti ang hinihingi ni Maya. To marry Nicole is like jumping on a bridge. But in exchange, he’ll be able to see Maya everyday, talk to her and be with her, kahit nga para sa trabaho lang. “Fine. If that’s what you really want, fine. Deal.”

~~

HINDI alam ni Maya kung ano ang mararamdaman niya pagkatapos ng pag-uusap nila’ng iyon ni Benjamin. Malinaw naman na ayaw nito na umalis siya sa firm, at malinaw rin ang pagpayag nito na pakasalan si Nicole – pakakasalan niya si Nicole, kapalit ng pananatili niya sa The Forum. Seryoso kaya ito sa desisyong iyon?

Iyon pa rin ang nasa isip ni Maya sa mga sumunod na araw. Kapag pumapasok siya sa opisina, hindi niya maiwasang hanapin si Benjamin doon at malaman kung kasama nito si Nicole. Gustung-gusto na niyang tanungin si Jeff o si Greg tungkol doon pero sumasalungat ang utak niya.

Ano nga ba naman ang pumasok sa isip niya at nakipag-bargain siya kay Benjamin ng ganon. Kung mayroon mang talo sa kanilang dalawa, siya iyon, walang iba. For her, working at The Firm together with Benjamin, seeing him there (probably with Nicole sometimes) and knowing that she won’t be able to talk to him and touch him and kiss him anymore is TORTURE.

Pero wala na siyang magagawa kundi tanggapin ang sitwasyon. Nang pumasok siya sa opisinia Lunes ng umaga ay nagulat siya nang pinatawag siya ni Benjamin sa opisina nito. Kung tungkol saan iyon ay hindi nabanggit ni Greg, basta raw umakyat siya sa opisina ni Mr. President, immediately. Awtomatiko ang pagkunot ng noo ni Maya dahil nananalangin siya ng isang tahimik na araw pero heto ang bubulaga sa kanya umagang-umaga. Inilapag niya ang mga bitbit sa work table at agad ring sumunod kay Greg palabas ng opisina niya.
Naabutan niya si Benjamin na abala sa harap ng laptop, katulad ng palagi nitong ginagawa. At nang dumating siya ay parang wala lang. Ni hindi nito nagawang tingnan siya.

“There you are. Sit down.”

“Ano ito? Akala ko ba may kasunduan tayo na-“

“Hindi ako lalapit sa iyo at hindi kita kakausapin kung hindi importante?” ang pagtutuloy ni Benjamin sa sasabihin ni Maya. “Well, this is important. Tungkol sa trabaho. Sit down.”

Pero nanatili lang nakatayo si Maya na para bang takot na lumapit sa binata at naitindihan naman iyon ni Benjamin at hindi na siya nito pinilit.

“Everybody is going to Palawan next weekend for the launch of The Marina, you included. The Marina will be a part of your training for the senior designer post.” Saglit na tumingin si Benjamin kay Maya pero agad ring tumungo. “And I just want to inform you that from now on, you’re going to report directly to me.”

“A-ano?” hindi makapaniwalang tanong ni Maya. “At sino ang nagdesisyon ng tungkol d’yan?”

“The Chief Executive Officer, who happens to be-“ at tumayo si Benjamin para kunin ang ilang folder na nasa file cabinet. “-me.”

Gustong sumigaw ni Maya sa sobrang frustation but she kept herself composed. She won’t give him the satisfaction of seeing her irritated. “Ang galing mo rin, ano?”

“Well, I’ll take that as a compliment,” nakangiting sabi ni Benjamin. “And by the way, meet me at the lobby by eleven. May condominium opening ang kaibigan ko, pupunta tayo.”

“Ano'ng klaseng laro ito, Engineer Contreras?”

“What do you mean, Miss Evangelista?” naguguluhang tanong ng binata, na napatingin sa nakatayo pa ring si Maya.

“Itong ginagawa mo ngayon.”

“Hindi ko alam ang ibig mong sabihin,” tugon nito nang matamis ang ngiti.

~~

1 comment:

What's New

The Girl From The Coffee Shop 3 EPILOGUE

KUNG tatanungin kung gagawin ko pa rin ang mga desisyong nagawa ko noon, ang sagot ko, oo. ‘Yung tungkol kay Noel, alam ko na nakatakda i...