Thursday, May 30, 2019

Mga Hindi Dapat Gawin sa Pagsusulat


1. Huwag i-edit at i-proofread ang gawa kung isang paragraph pa lang naman ang naisusulat. Ang sakit sa bangs no'n lalo na kung wala ka namang bangs. Basta sulat lang. Minsan kasi, sa sobrang edit at proofread mo along the way, darating ka sa punto na parang ayaw mo na lang ituloy kasi feeling mo ang daming mali, ang daming kailangang baguhin. Nakakasira rin 'yon ng rhythm ng pagsusulat.
2. Huwag isipin ang sandamakmak na opinionated at walang ginawa kundi mang-bash na mga readers. Bukod sa nakakawala ng lakas ng loob, nakakaapekto 'yon sa kung ano talaga ang gusto mong isulat. Basta sulat lang. Isulat mo lahat, kahit 'yung mga sa tingin mo ay hindi dapat isulat habang hinahanap mo ang paki mo sa kanila.

3. Huwag pilitin ang sarili na tapusin ang isang scene. 'Yung tipong inabot ka na ng ilang araw o ilang linggo o ilang buwan dahil hindi mo alam kung paano mairaraos 'yung scene na 'yon. Basta sulat lang. Laktawan mo muna 'yung parte na 'yon, tsaka mo na lang balikan uli. Minsan kasi, kaya pala hindi mo matapus-tapos ang isang scene kasi hindi naman pala talaga 'yon kailangan sa kwento.

4. Huwag munang magbasa ng gawa ng iba habang tutok ka sa pagsusulat, lalo na kung nagsisimula ka palang hanapin ang 'voice' mo at 'style' bilang manunulat. Minsan kasi, hindi maiiwasan na magaya mo 'yung style nung writer, lalo na kung idol mo. Basta sulat lang. Also, huwag magbabasa ng mga 'sabaw' na nobela dahil baka masanay ka sa gano'n at baka subconciously ay ma-acquire mo 'yung gano'ng style. Kanya-kanyang interpretation na lang ng 'sabaw'.

5. Huwag magsulat nang hindi nagre-research lalo na kung medyo complex ang plot ng story mo. Minsan, kahit gaano kaganda ang plot at ang composition mo, kung mali-mali naman ang mga facts, waley pa rin. Sasabihin mo na fiction naman kaya okay lang na imbento? Not really. P'wera na lang siguro kung super fantasy 'yan na gumawa ka ng sarili mong mundo with matching sariling language, sariling culture, sariling species, etc. Pero kailangan pa rin 'yon ng research. Basta sulat lang, with common sense.

6. Huwag mong isipin na alam mo na lahat. Kahit matagal ka nang nagsusulat at nakatapos ka na ng nobela at nakapag-publish na, may ii-improve at ii-improve ka pa rin.

7. Huwag maki-bandwagon. Huwag magsulat ng kung ano ang trend para lang sumikat o para kumita ng pera. Ang hirap kasi sa 'trend', nawawala sa uso at kapag nawala na sa uso, hindi na bebenta. Magsulat dahil gusto, hindi para maki-uso.

8. Huwag mangongopya ng gawa ng iba. Kung wala ka nang maisulat at feeling mo ay katapusan na ng mundo mo, huminto ka saglit pero huwag na huwag, kahit isipin man lang na mangopya ng gawa ng iba. Bukod sa very bad 'yun at p'wede kang mademanda, mabigat 'yon sa kunsensiya. Mumultuhin ka no'n habang buhay, sige ka.

9. Huwag mong isipin na makakatapos ka agad ng isang manuscript. Oo, 'yung iba kaya 'yon lalo na 'yung mga may super powers pero kung ikaw ay tulad kong normal na tao'ng kumakain ng tatlong beses isang araw, imposible 'yon. Huwag i-track ang sarili, huwag tingnan ang word count every 30 minutes. Nakakabaliw 'yon. Basta sulat lang. 'Yung tipong wala ka munang pakialam sa lahat, lalo na sa word count. Tingnan mo, patapos ka na pala, magugulat ka na lang.

10. Huwag isipin na madali lang magsulat. Pero sabi, kung 'yung iba nga, nagagawa, ikaw pa, diba? Well, magandang mindset 'yan kasi ibig sabihin lang, may tiwala ka sa sarili mo. Pero huwag kang ma-stuck sa ideya na 'kung kaya nila, kaya ko rin'. Minsan kasi, mas nakaka-frustrate 'yon kaysa nakakalakas ng loob. Okay lang mawalan ng confidence paminsan-minsan kasi iyon ang nagpapaalala sa atin na tao lang tayo.

11. Huwag susuko nang dahil lang sa mga negative comments, sa mga bashers, mga haters. Huwag paapekto dahil kapag huminto ka, sino ba ang talo, hindi ba ikaw rin? Aba bakit ka magpapatalo? Dahil lang sa writer's block, sa kawalan ng readers, sa kawalang support o sa rejections, susuko ka na? Basta sulat pa rin. Kahit feeling mo ay napag-iiwanan ka na ng iba, eh bakit ba? Kanya-kanya 'yan. May mga published na sila tapos ikaw, wala pa? So what? Basta ikaw, nagsusulat pa rin.

~~


What' You've Missed