Saturday, June 8, 2019

The Girl From The Coffee Shop 1 Chapter 10 (Last Chapter + Epilogue)

ILANG minuto pang nanatili si Noel sa loob ng sasakyan habang tinitingnan ang mga taong pumapasok sa hotel. Malamang ay naroon na si Maya, kasama ang Benjamin Contreras III na iyon. Matagal na panahon silang hindi nagkita ni Maya at ito ang kauna-unahang pagkakataon na magkakaharap sila. Hindi niya alam ang aasahan, hindi niya alam ang magiging reaksyon ng dalaga kapag nakita siya, lalo na kapag nalaman nito ang dahilan ng biglaan niyang pagbabalik mula sa Milan. Kinuha niya ang maliit at lumang envelope sa bulsa ng kanyang coat, dahan-dahan iyong binuksan at binasa ang laman niyon sa hindi na niya mabilang na pagkakataon. 

Iyon ang tanging dahilan kung bakit niya gustong makausap si Maya. May mga bagay siyang gustong linawin, may mga bagay siyang gustong sabihin, at may mga bagay rin siyang nais malaman mula dito.

Tumingin siya sa suot na relo at muli nang ibinalik ang sobre sa bulsa. Huminga muna siya ng malalim bago buksan ang pinto ng kotse. Iyon na ang tamang pagkakataon para maitama ang dapat ay noon pa. Pagkalipas ng sampung taon, magkakaroon na rin ng linaw ang lahat sa kanila ni Maya…

~~

SINUNDO si Maya ni Benjamin sa apartment niya, alas otso ng gabi, dala ang bagong itim na Mercedes Benz. He looked so elegant with his expensive tuxedo while Maya was wearing something a little less formal, and a bit more fashionable. It’s a simple sleeveless one piece red dress with black stripes. She actually looks like a charming seventeen year-old. Hinalikan muna siya nito sa labi bago sila pumasok sa loob ng magarang sasakyan.

Marami nang tao sa function hall nang dumating sina Maya at Benjamin. Iyon ang benefit para sa Children’s Hospital na ginaganap taun-taon, na pinamunuan ni Benjamin. Kinakabahan si Maya nang pumasok sila doon at gusto na niyang umuwi na lang. Ito ang unang pagkakataon na makikita silang magkasama ni Benjamin sa publiko kaya gusto na niyang umuwi na lang. Pero mahigpit ang pagkakahawak ni Benjamin sa kamay niya at lalo pa nito iyong hinigpitan nang mapansing parang nag-aalala siya.

“Relax,” bulong nito sa kanya habang papasok sila sa hall. Maraming bumabati kay Benjamin at walang tigil ang mga ilaw mula sa flash ng mga camera. Pakiramdam ni Maya, para siyang isang sikat na artista na dadalo sa isang award ceremony at hindi siya komportable sa gano’n.

Sigurado si Maya, nasa mga diyaryo at magazines na ang mga litratong iyon kinabukasan. At ngayon pa lang ayaw na niyang isipin ang mga sasabihin ng mga tao sa kanya tungkol doon. Hindi alam ni Maya kung paano at kung ano ang ikikilos niya. Katabi niya si Benjamin, ipinapakilala siya sa mga kaibigan nito at mga tao roon. Hindi man ito umaalis sa tabi niya at hindi man nito binibitiwan ang kamay niya, pakiramdam pa rin ni Maya ay nag-iisa.

Saglit siyang nagpaalam rito nang nagkaroon siya ng pagkakataon para makalayo sa maraming tao. Muli niyang nilingon si Benjamin. Marami itong kausap na mga importanteng tao at nang tumingin ito sa direksyon niya, ngumiti ito at kumaway.

Naglakad-lakad si Maya dala ang isang baso ng champagne hanggang makarating sa garden kung saan kaunti lamang ang tao. Dapat ay masaya siya ngayon dahil kasama niya si Benjamin sa isa sa mga importanteng gabi sa buhay nito. Pero bakit parang hindi niya maramdaman ang dapat na nararamdaman niya ngayon? Hindi niya alam, pero parang ngayon lang nagsi-sink in sa kanya ang lahat. Her relationship with Benjamin, and all the consequences concerning it.

Ano na ang mangyayari pagkatapos ng lahat? Paano kung isang araw, magising na lang siya na wala na ang lahat? Alam niyang masyado siyang masasaktana at baka habang buhay na sakit ang idulot no’n sa kanya. 

Tumingin-tingin si Maya sa paligid. Gusto na niyang umalis sa lugar na iyon pero hindi p’wede. Marami siyang gustong gawin pero hindi p’wede. At nang maisip na niyang muling bumalik sa loob ng hall, natanaw niya ang isang nilalang na kailanman ay hindi niya naisip na makikita sa ganoong lugar, sa ganoong pagkakataon.

Sa simula, akala niya ay kamukha lang, dinasal niya na sana ay kamukha lang. Dahil kahit sa pangarap ay hindi niya naisip na muli niya itong makikita. Pero hindi siya maaring magkamali. Hinding-hindi niya maaring maipagkamali si Noel sa iba.

Si Noel na dahilan ng walang hanggan niyang pagluha noon. Si Noel na buong buhay niyang inibig at pinangarap. Si Noel na pilit na niyang kinalimutan sa mahabang panahon. Nakatayo roon si Noel, nakatingin sa kanya. Walang ngiti sa mga labi, seryoso lamang na nakatingin sa kanya. Inisip ni Maya na tumalikod at lumayo na lang, na siyang tama niyang gawin. Pero nanatili lamang siya’ng nakatayo at hinintay ang paglapit nito.

“Hi,” seryoso nitong bati. Maganda ang suot nitong pormal na suit. Naalala tuloy niya noong JS Prom nila dahil ganoon rin ang suot nito, at may kasayaw na ibang babae.

Hindi handa si Maya sa ganoong tagpo at hindi niya alam kung ano ang magiging reaksyon. Pinilit ni Maya na iiwas ang mga mata kay Noel pero hindi niya magawa. Halos sampung taon silang hindi nagkita, at malaki na ang pinagbago nito. Kung sa bagay, high school pa sila noon, mga bata pa sila noon.

 “Kumusta?” tanong ni Noel.

Ano ba ang dapat niyang isagot? Wala siyang maisip na sagot sa simple nitong tanong. “Ikaw, kumusta?”

Nagkibit-balikat si Noel. “Congratulations, nakita ko sa diyaryo ‘yung tungkol sa exhibit n’yo. Alam kong matagal mo nang pangarap ‘yon.”

Bahagyang tumango si Maya. Noon, pareho sila ng pangarap - ang maging mahusay na painter, ang magkaroon ng maraming exhibits. Ngayon, hindi na niya alam kung ano na nga ba ang pangarap nito sa buhay. Marami siyang gustong itanong dito -gusto niyang malaman kung ano na nga ba ang pinagkakaabalahan nito, kung ano na nga ba ang nangyayari rito.

“A-ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niya. Sa napakaraming gusto niyang itanong rito, iyon lang ang naisip niyang tama.

Tiningnan siya nito. “G-gusto sana kitang makausap.” Huminga siya ng malalim at ngumiti.

Lumakas ang pintig ng puso ni Maya nang muling masilayan ang ngiti na iyon ni Noel. Matagal na panahon na nang huli niyang makita ang magandang ngiti ng binata. At sa isang saglit, pakiramdam niya ay muling nanumbalik ang panahon na akala niya ay nawala na.

“P-p’wede ba tayong mag-usap?”

“Ah…eh-“

“Maya! I’ve been looking all over for you,” narinig niyang sigaw ni Benjamin. Palapit na ito sa kanila nang lingunin nila ito. “Come on, Tito Victor is waiting for you inside.”

Tiningnan niya ito, at pagkatapos ay tiningnan niya si Noel. At muli, si Benjamin. Bahagyang tumango si Maya. Halos makalimutan niya na naroon siya, kasama si Benjamin. Biglang muntik na niyang makalimutan ang karakter ni Benjamin sa kuwento ng kanyang buhay.

“S-susunod na ‘ko, Benjamin.”

“Okay, hurry.”

Sinundan nila ng tingin si Benjamin nang pumasok muli ito sa loob ng hall. “K-kailangan ko nang bumalik sa loob,” sabi ni Maya. Kailangan na niyang umalis bago pa magbago ang isip niya. 

“Maya, p-puwede bang mag-usap muna tayo?” tanong ni Noel.

Gusto nang tumalikod ni Maya dahil sa totoo lang, ano man ang nais nitong sabihin, ay ayaw na niya iyong marinig. Pero bago pa man niya magawa iyon ay may kinuha ito sa bulsa at iniabot sa kanya. Isang lumang puting envelope.

“Hihintayin kita sa likod ng eskwelahan. Alas kuwatro ng hapon. Maghihintay ako do’n bukas. O sa susunod na araw, at sa susunod pa. Basta maghihintay ako sa ‘yo araw-araw, hanggang sa dumating ka.”

~~

HINDI ko alam kung tama ba pero hindi ko na maisip kung ano ang dapat. Kailangan kong gawin ‘yon, kailangan kong malaman ang dapat ay noon pa. Para sa sarili ko. Para sa amin ni Benjamin. Para sa amin ni Noel.

Nang makarating si Maya sa lugar na iyon ay napakaraming alaala ang nagbalik sa kanya. Mga masasayang alaala noon, mga alaala na ang iba’y gusto na sana niyang kalimutan. Sa puno’ng iyon sa likod ng eskuwelahan niya nabuo ang napakaraming pangarap. Hindi na niya mabilang kung ilang beses niyang binalak na bumalik doon. At ngayon, makalipas ang sampung taon, hindi niya inakalang muli pa siya’ng tatapak sa lugar kung saan saksi ang lahat ng puno at halaman, ang mga damo at bato, pati ang makasaysayang ilog na iyon sa kwento nila ni Noel.

Walang malaking pagbabago sa lugar, liban na lang sa ilang bahay na nagsulputan malapit doon. Sementado na rin ang ilang bahagi ng kalsada na noon ay maputik tuwing tag-ulan, at maalikabok sa tag-araw. At naroon pa rin ang dating gulong na duyan nila, na pinalitan ng mas matibay at magandang duyan na gawa rin sa lumang gulong ng sasakyan. 

Naupo si Maya at kasabay ng pagduyan niya ay ang pagbabalik ng mga alaala. Muli niyang narinig ang matatamis nilang tawanang magkakaibigan, at ang masasaya nilang kwentuhan. Naaala niya kung paano sila noon, naalala niya noong unang panahon.

Ngayon, iniisip niya kung mayroon kayang mga bata na naglalaro doon katulad ng paglalaro nila noon. Siguro, marami na ring pagkakaibigan at pangarap ang nabuo roon, marami na ring tawanan at pagluha ang nasaksihan ng punong iyon. Siguro, mayroon na ring katulad niya na hindi makalimot sa mga alaala.

 “Maya.”

Nilingon iyon ni Maya at nakita si Noel na nakatayo sa di kalayuan, nakaharap sa palubog na araw. Lumapit ito sa kanya at ngumiti. Isang ngiti na lalong nakapagpaalala sa kanya sa nakaraan.

“Akala ko, hindi ka na darating.”

Akala ko rin, hindi na ‘ko makakarating. Sana nga, hindi na lang ako dumating. Pero mas malakas pa rin ang kagustuhan kong makabalik do’n kaysa sa manatili sa isang sitwasyon na alam kong hindi ko kayang panindigan.

Alam ni Maya na nakatingin ang binata sa kanya at ayaw niya itong tingnan. Ayaw niyang malaman ang maari niyang makita sa mga mata nito.

“I’m sorry kung kinailangan pa’ng dito tayo mag-usap.”

Kung bakit nga sa dinami-dami ng lugar, doon pa kung saan napakarami naming alaala. “T-tungkol ba saan ito?” tanong ni Maya, kahit pa alam na niya kung tungkol saan ‘yon.

“Bumalik ako sa Pilipinas dahil....sa iyo. Pinadala ni Lola ang mga mahahalagang gamit ko na nasa bahay namin noon...kasama ‘yung sulat mo sa mga sulat na dumating sa akin sa Milan two months ago. Noon ko lang nabasa ang sulat mo, Maya. Noon ko lang nalaman kung ano ang laman no’n.”

Hindi makapaniwala si Maya sa naririnig. Naalala niya ang laman ng sulat n’ya para rito. Matagal na panahon na dapat iyong nabasa ni Noel at gusto niyang itanong kung bakit kailangan pa nilang balikan ang nakaraan. Gusto niyang itanong dito kung ano pa ba ang halaga ng lahat ng iyon.

“Maya, kung noon ko pa nabasa ang sulat mo, sana hindi na ako umalis.”

Ayaw niyang intindihin ang sinasabi nito at ayaw niyang umiyak sa harap nito pero hindi niya kayang pigilan ang luhang sampung taon nang naipon sa kanya.

“Umalis ako noon dahil masyadong maraming alaala dito. Kahit saan ako magpunta, ikaw ang nakikita ko. Hindi ko kayang palagi kang maisip pero wala akong magawa. Wala akong lakas ng loob na sabihin sa ‘yo ang nararamdaman ko. Natatakot akong baka pagtawanan mo lang ako. Natatakot akong masaktan.”

“Hinding-hindi kita kayang saktan,” halos pabulong niyang sabi. 

“Maya, hindi ko alam kung paano kita kakausapin, kung paano ko sasabihin sa’yo. Kaya ako na rin ang lumayo, hindi ko kayang magtanong dahil natatakot ako sa sagot. Kaya mas ginusto ko’ng umalis. Mas lalo lang kasi akong nasasaktan kapag nakikita kita pero hindi naman kita makausap.”

“B-bakit hindi mo sinabi sa ‘kin?” Naalala ni Maya na madalas na niyang iwasan si Noel nang magsimula na silang mag-high school. Dahil nagsimula na siyang matakot sa nararamdaman niya. Nang sinubukan niyang ibalik ang pagkakaibigan nila, hindi na ito ang dating Noel na madalas niyang makausap. Tila nagbago na ang pakikitungo nito sa kanya, at ngayon lang niya nalaman ang dahilan.

“Dahil naduwag ako. At pinagsisihan ko ‘yon hanggang ngayon.” Lumapit ito kay Maya at hinawakan nito ang mga kamay niya. “Pero iba na ngayon, Maya. Hindi na ‘ko maduduwag katulad ng dati. Ngayon, kaya ko nang sabihin sa’yo na mahal na mahal kita.”

Bigla ang ginawang pagyakap sa kanya ni Noel at bigla rin niyang naramdaman ang mahabang panahon na lumipas. Sampung taon. Ang tagal nilang hinintay at pinangarap na mayakap ang isa’t-isa. Nagyakap sila ng mahigpit, matagal silang nanatiling magkayakap, na para bang pinupunan nila ang matagal na panahong pagkakalayo. Gustong sabihin ni Maya kay Noel na hindi gano’n kadali ang lahat, na iba na ang sitwasyon ngayon pero gusto rin niyang maramdaman nang mas matagal ang mahigpit nitong mga yakap.

Nang mga sandaling kayakap ko si Noel, parang walang ibang mahalaga kundi kaming dalawa, at ang matagal nang pag-ibig namin. Wala akong pakialam sa iba, sa lahat. Hindi maitatagong pareho kami ng nararamdaman, at wala kaming ibang gusto kundi ang manatili sa lugar na ‘yon nang magkasama, habang buhay. At pareho rin naming alam na imposible ang ganoon. Masyado nang maraming taon ang nakaraan at masyado nang maraming nangyari, marami nang nagbago. Kahit pa mahal ko pa rin siya, hindi na iyon katulad ng dati. Ngayon, marami nang dapat isaalang-alang, lalo na ang mga taong siguradong masasaktan.

“I’m sorry, Noel pero hindi gano’n kadali ang gusto mong mangyari.” Patuloy pa rin ang pagtulo ang luhang ilang taon na niyang pinipigilan. 

“Maya, please,” sabi nito, halos magsumamo. Tiningnan siya nang matuwid ni Noel, hawak ang kanyang mga kamay. Naroon pa rin sila sa ilalim ng napakalaking puno, sa tabi ng malinis na lumalagaslas na ilog. Tuluyan nang lumubog ang araw, kasabay ng pagsuko niya ng kanyang pag-ibig.

Nang tingnan ko si Noel, alam ko sa sarili ko na hindi na niya kakailanganing magdalawang salita at papayag ako sa kahit anong plano niya para sa’min. Kaya pumikit ako at tumalikod. Sa pagkakataong iyon, ayokong hayaan ang puso ko na magdesisyon para sa aming dalawa dahil sigurado ako na isa iyong mas malaking pagkakamali kapag nagkataon. Gusto niyang pareho kaming pumunta sa Milan at doon magsimula ng bagong buhay, nang magkasama, malayo sa lahat, malayo sa nakaraan at isa lang ang ibig sabihin noon - gusto niyang baguhin ko ang buo kong buhay para sa kanya. 

“Maya, gawin natin ‘to para sa’ting dalawa. Sumama ka sa’kin sa Milan. Kaya kong ibigay sa’yo lahat ng gusto mo at higit pa ro’n. Kung mahal mo talaga ‘ko, sasama ka sa’kin,” sabi ni Noel, hawak ang kanyang dalawang balikat. Nakatingin ito sa mga mata ni Maya, naghihintay ng sagot. “Mahal mo naman ako, diba?”

At bigla akong napaisip, ang Noel ba na kaharap ko ay ang Noel na minahal ko noon? Pareho nga ba ang pag-ibig ko sa kanya noon sa nararamdaman ko ngayon?  

Hindi ko alam, at hindi ko alam kung kailan ko malalaman ang sagot. Ang malinaw lang sa’kin, hindi tama na basta ko na lang kalimutan ang pag-ibig na ibinigay sa akin ni Benjamin para lang bigyan pa si Noel ng pangalawang pagkakataon.

~~

EPILOGUE

KUNG tatanungin kung sino ang mas matimbang, ang ngayon o ang nakaraan, hindi ko masasagot ‘yon. Dahil hindi ko talaga alam. Kung sa akin lang, gusto kong isipin na mas mahal ko si Benjamin ngayon, kaysa sa naging pagmamahal ko kay Noel noon.

Pero bakit gano’n, ang bagay na inakala kong wala na, narito pa rin pala, naghihintay lang na muli kong maramdaman. Akala ko noon, madaling pumili sa pagitan ng nakaraan at ng ngayon. Pero ngayong nasa harap na ako ng nakaraan ko at ang ngayon ko, hindi ko alam ang gagawin. Hindi pala madaling kalimutan ang lahat. Hindi madaling humarap sa panibagong pag-ibig kung sa isang sulok ng puso ay nakaukit pa rin kahit na kaunti ang nakaraan.

Kung nalaman ko lang na muli kaming magkikita ni Noel, hindi ko na sana hinayaan ang sarili ko’ng magmahal ng iba. At kung nalaman ko lang na muli kong mararamdaman ang damdamin ko noon para sa kanya, hindi ko na lang sana hinayaang magkita pa uli kami, kung kailan pinilit ko nang malimutan ang lahat, kung kailan may bago na ‘kong minamahal.

Kung babalikan ko ang mga nangyari, wala akong gustong baguhin at wala akong pinagsisisihan sa mga desisyong ginawa ko.

Ano na nga ba ang nangyari kay Benjamin? Hindi ko alam. Nang magdesisyon ako na umalis, hindi ko na binalak pa siyang kausapin. Hindi ko na siya kayang harapin at hindi ko kayang ipaliwanag sa kanya ang mga pangyayari. Umalis na ‘ko sa coffee shop, ipinadala ko na lang ang resignation latter ko kay Sir Mike. Tinawagan ko si Sir Diestro para magpaalam at sabi ko sa kanya, pagbalik ko, handa na ‘ko sa isang solo exhibit.

Nabalitaan ko na lang kay Pam na may girlfriend na si Emman sa Canada. Sa totoo lang, nagulat ako nang malaman ko ‘yon. Nalungkot ako dahil para kasing mahirap pakawalan ang kaibigang katulad ni Emman dahil alam ko na hindi na magiging katulad ng dati ang pagkakaibigan namin kapag nagkaroon na siya ng sariling pamilya at doon na siya sa Canada titira.

Wala na akong naging balita tungkol kay Benjamin. Sabi ni Pam, madalas raw itong wala sa opisina at palaging abala sa trabaho. Kung may bago itong girlfriend o wala, hindi ko na ‘yon inalam pa. 

Ngayon, halos dalawang taon na ‘kong nakatira sa Baguio. Umuupa ako ng isang maliit na apartment, nagpa-part time ako sa isang malapit na coffee shop at inuubos ko ang oras ko sa pagpipinta. Magsisinungaling ako kung sasabihin kong hindi ko nami-miss si Benjamin at hindi ko naaalala ‘yung mga panahong magkasama kami. Hindi lumilipas ang araw nang hindi ko siya naisip. Sa gitna ng pagtatrabaho ko, o sa pagpipinta, o kahit ano pa’ng ginagawa ko, bigla siyang pumapasok sa isip ko. Kapag kumakain ako sa Italian restaurant sa South Drive Road na pinuntahan namin noon, hindi p’wedeng hindi ko siya maalala.

Madalas kong madaanan ang lugar kung nasaan ang bahay ni Sir Jaime. Minsan, gusto kong kumatok at mangumusta pero hanggang tanaw na lang ako. Minsan nga, gusto kong bumaba ng Maynila at puntahan si Benjamin sa opisina nito. Gusto ko uli siyang dalhan ng kape tuwing umaga. Ilang beses kong binalak na tawagan siya sa telepono pero ano pa ba ang halaga no’n? 

At ano na ang nangyari kay Noel? Bumalik na siya ng Milan para humarap sa panibagong buhay. Napag-usapan namin na magsimula muli at bumuo ng mga panibagong pangarap pero hindi naman iyon gano’n kadali. Dahil kahit pangarap ko siya noon pa man, hindi ibig sabihin na ang kasunod ng lahat nang ‘yon ay, ‘and we live happily ever after’. Masarap isipin, oo. Masarap pangarapin. Pero hindi palaging gano’n sa totoong buhay.

Kung mayroon man akong gustong balikan, ‘yon siguro ang mga panahong magkasama kami ni Benjamin sa Baguio. ‘Yung mga panahong natutunan ko uli kung paano ang magmahal. Mahal ko pa rin ba si Benjamin? Oo naman. Hindi na magbabago ‘yon pero ganoon talaga, may mga bagay na hindi p’wedeng ipilit.

Alam kong sasabihin ng lahat na napakatanga ko na pinalampas ko ang pagkakataong magmahal at mahalin ng isang tulad ni Benjamin. Oo, aaminin ko, sinayang ko ang panahong ‘yon pero ayoko namang magmahal nang may alinlangan, nang hindi buo. Ayokong lokohin ang sarili ko. Hindi madali ang naging desisyon kong iwan si Benjamin at iyon na siguro ang pinakamahirap na desisyong ginawa ko sa buong buhay ko. Pero kailangan kong gawin ‘yon. Hindi naman kasi iyon parang tanong sa test paper na may A, B, at C dahil wala akong maaaring pagpilian. Sayang, oo. Kailangan ko na lang tanggapin na hindi siguro talaga kami para sa isa’t-isa. Ipinagpalagay ko na lang na si Benjamin ay isang napakagandang panaginip, na aalalahanin ko habang buhay.

Bakit ba hindi na ako bumalik katulad ng pangako ko kay Pam noon? Dahil natakot ako. Naduwag ako. Sabi ko sa sarili ko, babalik ako kapag handa ko nang harapin ang lahat, kapag napatawad ko na ang sarili ko. Kapag kaya ko nang makita si Benjamin at maipaliwanag ang mga nangyari, kapag handa ko na ulit siyang dalhan ng kape tuwing umaga.

Kaya narito pa rin ako sa Baguio, hanggang ngayon, pagkalipas ng dalawang taon. At hindi ko pa alam kung hanggang kailan ako mananatili dito...

~~

END


4 comments:

  1. 'yong feeling na ayaw ko ng i-click iyong "read more" kasi feeling ko may masamang mangyayari hahaha. OMG!

    ReplyDelete
  2. Pero I clicked it pa rin kasi di ko makikita iyong comment section pag di ko cli-nick iyong read more. Hahaha

    ReplyDelete

What' You've Missed