Wednesday, June 12, 2019

The Girl From The Coffee Shop 2 Chapter 2

“S-SINO?” gulat na tanong ni Maya kay Jenny nang sabihin nito ang balitang biglang pagbabalik ng Presidente ng kumpanya. Ayaw man niyang isipin ay tiyak na si Benjamin ang tinutukoy nito. Bigla tuloy siyang nanlamig at pakiramdam niya ay lalabas lahat ng kinain niyang almusal.

“Si Engr. Contreras. Sabi ni Greg, kadarating lang raw kanina. Actually, sa mga magazines ko pa lang siya nakikita pero ang dinig ko, sobrang guwapo raw, Miss Maya,” masayang balita ni Jenny sa kanya. “Kilala mo ba siya?”

Napatingin siya sa malaking salaming bintana ng opisina, at tumanaw sa labas. Dinig niya ang ilang naroon na nag-uusap tungkol sa pagdating ng binata. Kilalang-kilala niya ang bagong dating, kung p’wede lang niyang sabihin, pero hindi siya sumagot.

“Ang balita ko nga, may pagkamasungit si Mr. President. Madalang nga raw ngumiti.”

Kung hindi alam ni Maya na si Benjamin ang pinag-uusapan nila, iisipin niyang ibang tao ang tinutukoy ni Jenny. Pero kung sa bagay, ganoon rin naman ang unang impresyon niya sa binata noon. At ganoon rin siguro ang tingin ng ibang tao kay Benjamin - serious at authoritarian.

Nang malaman ko ang balita na pareho kaming naroon ni Benjamin sa The Forum nang mga oras na iyon, hindi ko alam kung ano ang mararamdaman. Dapat ba ‘kong matuwa? Matakot? Dapat na ba ‘kong mag-back out sa project na ‘yon at umakyat na lang uli sa Baguio? Hindi ko alam. Matagal kong pinag-isipan ang pagbalik ko sa Maynila at pagharap sa totoong buhay at ngayon, magkikita kami ni Benjamin pagkalipas ng matagal na panahon. Hindi ko alam kung ano ang mangyayari. Pero wala na ‘kong ibang choice. Kailangan ko siyang harapin sa malao’t madali at sa tingin ko ay mas mabuti pa ngang magkita na kami ngayon. It’s either he’ll forgive and forget, or he’ll just forget, but never forgive.

~~

HA? A-ano’ng ibig mong sabihin na narito si Contreras?”

Hindi kinaya ni Maya na manatili sa opisina nang malaman niya na naroon lang si Benjamin, isang palapag lang ang pagitan nito sa kanya. Bumaba siya mula sa 48th floor kung saan naroon ang buong architectural firm ng mga Contreras at nagpunta sa coffee shop para makita si Pam. Kailangan niya ng kausap, maliban sa kanyang sarili.

“Narito si Benjamin?” muling tanong ni Pam sa kaibigan. Nanatili lang na tahimik si Maya, hawak ang mainit na tasa ng kape, nakatayo sa may dulo ng counter, nakatingin sa kawalan.

“Pam, hindi ba dapat nasa New York s’ya? Hindi ba, ang sabi mo, nasa New York siya? Ano’ng ginagawa niya dito?”

Gusto nang matawa ni Pam dahil hindi maikakailang tensiyonado siya. “Siya ang may-ari ng Firm, may karapatan naman siguro siyang bumalik ng Pilipinas at bumisita sa kumpanya niya kahit kailan.”

Pero hindi ngayon. Alam niyang magkikita’t-magkikita sila ni Benjamin pero hindi ngayon. Hindi pa siya handang makita ito ngayon. “Sa tingin mo, magtatagal ‘yon dito? Sa tingin mo, bakit s’ya biglang bumalik dito?” Lalong na-tensiyon si Maya at inubos nang mabilis ang kape, kahit halos mapaso na siya sa init.

“Akala ko ba walang problema kung magkita uli kayo? ‘Yun nga ang gusto mo diba, para makapag-sorry ka sa kasalanan mo?”

Tiningnan ni Maya ng masama ang kaibigan. “Hypothetical lang ‘yon, Pam. Malay ko ba na talagang babalik siya dito ngayon pang dito na ‘ko nagtatrabaho?”

“Maya, wala ka nang magagawa, nariyan na ‘yan. Kailangan mo siyang harapin ngayon. Siguro, talagang gusto ni Lord na magkita na kayo para happy ending na,” nakangiti nitong sabi.

Lalo lang siyang nangamba. “Pa’no kung magkasalubong kami sa hallway? Dapat ko ba siyang puntahan sa opisina niya? Sa tingin mo, alam niya na narito ‘ko? Sa tingin mo, alam niyang dito ko nagtatrabaho? K-kung mag-resign na kaya ako?”

“Para ano? Para tumakas na naman? Maya, nagawa mo na noon ‘yan, wala bang bago?”
Oo nga naman, may point si Pam. Kung magre-resign ako, para ko na rin akong tumakas at natakot sa mga posibilidad, na ginawa ko na noon. 

~~

MATAPOS na kausapin ang isang kliyente doon sa coffee shop ay mabilis na kinuha ni Maya ang mga gamit sa mesa at mabilis na tinungo ang elevator. Alas singko na ng hapon, at may kailangan pa siyang tapusin sa opisina. Patakbo siyang pumasok sa elevator at huminga nang malalim nang sumara ang pinto niyon. This day was the longest day ever in her life. Unang araw pa lang niya sa The Forum at napakarami na agad na nangyari.

Ngayon na lang uli siya nakasakay sa elevator kaya naninibago siya. Habang umaadar ito paakyat ay nakapikit lang si Maya, pilit pinapakalma ang sarili. At nang muli siyang dumilat kasabay ng pagbukas ng pinto, para siyang nakakita ng multo.

Sa 30th floor, bumukas ang pinto ng elevator at may pumasok na isang lalaki. At sa ikalawang pagkakataon sa buhay ko, gusto ko uling himatayin. Nagkatinginan lang kami ni Benjamin , walang anumang salita, basta nagkatinginan lang kami.

Benjamin was still gorgeous, he still has this authority in him. And his gaze still has the same effect on me like it always had. Walang nagbago sa kanya sa loob ng apat na taon na hindi ko siya nakita. Liban na lang siguro ang mga mata nito. Para bang iba na ang kislap ng mga ‘yon, iba na ang nakikita ko mula ro’n. Gusto ko siyang batiin, pero parang hindi tama. Gusto kong mangumusta, pero parang hindi rin tama. Tiningnan ko lang siyang nakatayo sa harap ko, na kahit nga iyon ay parang hindi na rin tama.

Ilang sandali pa, at hindi na maganda ang naging pakiramdam ko. Sabi ko, hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag hinimatay ako sa mga oras na ‘yon kaya huminga ako ng malalim, maraming paghinga ng malalim, pero wala ring nangyari dahil wala na ‘kong naalala pagkatapos no’n.

~~

NAPAPAILING na tiningnan ni Benjamin si Maya matapos niyang maihiga sa sofa ng opisina niya. This was like what exactly happened four years ago. Hinimatay si Maya sa elevator, kinailangan nito iyong buhatin at dalhin sa opisina. Parehong-pareho. Ang pagkakaiba nga lang ay hindi naka-uniporme ang dalaga bilang isang barista at hindi na katulad ng dati ang sitwasyon nila ngayon.

Naupo si Benjamin sa pang-isahang upuan malayo sa dalaga, iniisip ang mga bagay-bagay na hindi niya alam kung importanteng isipin sa mga oras na iyon. Maya looked so peaceful, lying there on his black leather couch, with strands of her hair on her face.

With all the changes she’d made, he realized that the young woman was still the same woman who fainted in his arms some years ago, the same woman he loved. He just looked at her and waited for her to gain consciousness. He didn’t dare to move towards her, never dared to touch her. And as he looked at her, he couldn’t help but ask himself if he was falling in love with her all over again. But no, he wasn’t, and will never again.

“A-are you okay?” mahinang seryosong tanong ni Benjamin kay Maya nang unti-unti nang dumilat ang mga mata nito. Pilit itong naupo at tumingin sa kanya.

Tumango si Maya, kahit pa gusto nitong umiling.

“If you’re just fine, you can go now.”

“B-Benjamin-“ Nabigla si Maya sa narinig, kahit pa dapat ay expected na nito iyon mula kay Benjamin. Tumayo ito at hinarap ang binata na noon ay blangko ang pagkakatingin sa kanya. 

“It’s Engr. Contreras,” mariin nitong sabi. Tumayo ito at naghubad ng amerikana. “You work for me now, and I am your boss now. I want to be as professional as possible and I expect you to do the same thing, Ms. Evangelista.” The look he gave her almost made her cry. He could feel her pain.

“Y-yes, sir,” mahinahon nitong sabi. “I’m sorry.”

“I don’t have time for your apologies. You can leave now.”

Hindi na tiningnan pa ni Benjamin na makaalis si Maya. Tumalikod na siya, nagtungo sa mesa at sinimulan ang naiwang trabaho. Nang marinig  niya ang marahang pagsara ng pinto ay agad siyang nag-dial sa telepono at ipinakonekta ang numero sa opisina ni Mr. Hernandez. Ilang sandali pa ay nasa kabilang linya na ito.

~~

HABANG hinihintay ang pagdating ng kanyang Tito Victor ay nakatayo lang si Benjamin sa gitna ng garden ng bahay nito, hawak ang isang baso ng scotch na ipinakuha n’ya sa kasama sa bahay ng kanyang tiyuhin. Doon siya tumatakbo sa tuwing may gumugulo sa isip niya, sa tuwing hindi niya alam ang dapat gawin, katulad ngayon.

At katulad noon nang bigla na lang nawala si Maya, nang walang sabi-sabi.

Isang maikling sulat lang ang natanggap niya mula sa dalaga, na ipinabigay nito kay Pam, isang araw pagkaraan ng pagkawala nito. A simple note saying that she had to go away, and that she’s sorry.

Sinubukan ni Benjamin na muling mabuhay pagkatapos no’n. Si Maya lang ang sobra niyang minahal at ni sa panaginip ay hindi niya naisip na magagawa ni Maya ang ganoong bagay, na basta-basta na lang aalis nang walang anumang dahilan. Naisip niyang hanapin ito kahit saang sulok ng mundo, at alamin kung ano ang totoong nangyari, kung mayroon ba siyang nagawang mali na dahilan ng pag-alis nito. Kahit ano, pipilitin niyang tanggapin at unawain, basta bumalik lang si Maya sa kanya at sabihing mahal pa rin siya nito.

“Benjamin, she probably has her reasons, I’m sure babalik rin ‘yon in time,” sabi ni Jeffrey sa kanya nang puntahan siya nito sa kanyang bahay isang gabi.

Ganoon rin ang sinabi sa kanya ng kanyang Tito Victor - “Baka naguguluhan lang ‘yon ngayon. Hindi madali para kay Maya ang mga nangyayari ngayon.”

“Hindi rin naman madali para sa’kin, Tito. I’m trying to do everything to work things out, and I’m willing to do anything for her. At alam niya ‘yon. Kung may problema siya, bakit hindi niya sabihin sa’kin? Bakit bigla siyang aalis nang gano’n?”

“Give her time, Benjamin.”

How long, he never knew. He waited for her every single day, hoping that she’d appear at his office, with coffee in her hands. And he was even willing to forget everything and promised not to talk about what happened anymore, as long as she comes back to him and love him again.

But months and years had passed and he soon realized that he’s just wasting his time for someone who’s probably living a new life, with someone else. So he tried to live his own, struggled to make it new and for the past four years, he had been successful. Or so he thought.

“Benjamin?”

“Good evening, Tito,” bati ni Benjamin sa matanda na kagagaling lang sa isang opening ng exhibit ng kaibigan nito. Maputi na ang mahaba nitong buhok, gano’n rin ang humahaba nang balbas. Tumuloy agad ito sa garden nang malaman na naroon siya. “Kumusta po?”

“Ikaw ang dapat kong kumustahin. Bakit bigla kang napauwi?” Kinamayan siya nito nang nakatingin sa hawak niyang baso.

Ngumiti lang si Benjamin at uminom.

“Gabing-gabi na, ah. Nagpunta ka ba rito para lang uminom n’yan?”

Alam niya na alam ng matanda ang dahilan kung bakit siya napadpad roon nang ganoong oras at hindi na niya iyon kailangang sabihin.

“Nagkita na kayo?” nakangiti nitong tanong sa kanya. “Nagkausap na ba kayo?”

“A-alam n’yo?” Dahil sa himig ng pananalita ng kausap ay halatang alam na nito ang tungkol kay Maya - na narito na si Maya sa Maynila, at doon sa firm niya ngayon nagtatrabaho ang dalaga.

Tumango si Victor. Matagal na nitong alam, dalawang taon na mula nang bumaba mula Baguio si Maya para ipagpatuloy ang naiwang kurso nitong Interior Design sa unibersidad.

“Bakit hindi ninyo sinabi sa’kin?” nagtataka niyang tanong.

“Nasaan ka ba ng mga panahong ‘yon? At kung sinabi ko ba sa’yo, may gagawin ka ba?”

Siguro meron, maaaring wala. “Alam n’yo rin na designer na siya sa firm?”

“Oo,” simple nitong tugon. “Nung umpisa, nagdadalawang-isip pa siya. Nagulat na lang rin ako nang sabihin niya sa’kin na tinanggap niya ang offer ng kumpanya n’yo.”

“Bakit hindi ninyo sinabi sa’kin?” ulit niyang tanong.

“Para ano pa?” natatawa nitong tanong. “Kung sinabi ko ba sa’yo, anong gagawin mo? Haharangin mo ba ang pagpasok niya sa kumpanya ninyo?” Pinagmasdan ni Victor ang reaksyon sa mukha ng pamangkin at hindi iyon maganda. “Bakit, may problema ba?” tanong niya kahit pa alam na niya ang sagot do’n.

Inubos ni Benjamin ang laman ng baso at tumalikod sa matanda. Mula sa kinaroroonan nila ay tanaw ang napakaraming ilaw sa buong lungsod.

“Benjamin, ‘yung totoo, mahal mo pa ba?”

Lalong hindi naging maganda ang reaksyon ni Benjamin. “After all that has happened? After all that she’d done?”

Nilapitan ni Victor ang pamangkin. “After all that has happened, mahal mo pa rin si Maya, hindi mo maitatago sa akin ‘yon. Ayaw mo lang tanggapin na after all that she’d done, hindi pa rin nagbabago ang nararamdaman mo para sa kanya.”

“That’s not true, Tito,” mariin niyang sagot.

Napailing si Victor at inakbayan ang pamangkin. “That’s very true and you know it.”

~~

ALAM mo ba, he addressed me as Miss Evangelista? At dapat daw, Engr. Contreras ang itawag ko sa kanya.”

“Nagtaka ka pa,” sabi ni Pam. “Kung ako sa kanya, tatanggalin kita sa trabaho.”

Sinimangutan ni Maya ang kaibigan na inihahanda ang binili nitong take out sa bago nilang paboritong restaurant malapit sa The Forum. Pagkagaling sa trabaho ay doon na tumuloy si Pam sa kanyang apartment, na siya rin niyang tinutuluyan noon. Nilapitan niya ito sa dining area at tinulungan itong ayusin ang pagkain.

“Mabuti nga, dinala ka pa sa opisina niya. Kung ako ‘yon, iiwan kita sa loob ng elevator hanggang sa mabulok ka do’n,” sabi pa nito na natatawa.

“Sobra na nga akong nagsisisi sa ginawa ko, nang-aasar ka pa.”

“Aba’y dapat lang na magsisi ka. Teka, nag-sorry ka na ba sa kanya?”

Umiling si Maya. “Paano ‘ko magso-sorry, kulang na lang, ipagtulakan niya ako palabas ng opisina.”

“Tama lang naman sa iyo ‘yon, hehe.”

Naupo na si Maya at nagsimula na lang kumain. Alam niyang hindi na naman siya nito titigilan ng pang-aasar buong magdamag. Kung bakit naman kasi pumayag pa siyang dito ito matulog nang gabing iyon.

“Ano ngayon ang balak mo?”

“Magre-resign ako,” simple niyang sagot.

“Na naman? Wala ka na bang maisip na iba?”

“Hay, bahala na.” Inunahan ni Maya ang kaibigan sa kukunin sana nitong fried chicken, at saka siya ngumiti.

“Kung magso-sorry ka sa kanya, feeling ko, de-deadmahin ka lang no’n. Mapapahiya ka lang.”

Minsan, gusto nang magduda ni Maya kung kaibigan nga ba niya talaga si Pam dahil sa palagi nitong pang-aasar. Alam naman niya kung gaano kalaki ang naging kasalanan niya noon dito. At kahit ano ay kaya niyang gawin para lang mapatawad siya nito. Kahit pa hindi na manumbalik ang dati nilang pag-iibigan, basta mapatawad lang siya nito, ayos na sa kanya.

“Maya, nasabi ko na sa iyo noon na may girlfriend na si Benjamin,” mahina nitong sabi. “Wala ka naman sigurong balak na manggulo ng love life nang may love life?”

Umiling siya at natawa. Matagal na niyang nababalitaan na may girlfriend na si Benjamin. Hindi niya alam kung seryoso iyon pero ilang buwan na rin niyang naririnig ang bali-balita tungkol doon at sa pagkakaalam niya, iyon ang unang girlfriend ni Benjamin pagkatapos ng nangyari sa kanila.

Oo, kailangan kong aminin na mahal ko pa rin si Benjamin. At kahit paano, umaasa pa rin ako na sana mahalin niya uli ako. Pero sa mga nangyayari ngayon, parang malabo na yata ‘yon. Malamang nakalimutan na niya ang tungkol sa’min, o talagang sinadya na niya ‘yong kinalimutan. Kaya siguro, mas tamang kalimutan ko na rin ang pag-asang maayos pa namin ang lahat. Kung di niya kayang magpatawad, wala na siguro ako’ng magagawa ro’n. Bahala na siya sa buhay niya, at bahala na rin ako sa buhay ko. Kung hindi nga lang si Sir Jaime ang nag-offer sa akin ng trabaho, hinding-hindi ko papangarapin na muling tumuntong sa The Forum na iyon.

Nagulat si Maya nang makatanggap ng tawag mula kay Sir Jaime, isang taon na ang nakararaan tungkol sa bagong proyekto ng Contreras-Contreras Architecture Firm. Tumanggi siya dahil na rin sa mga nangyari sa kanila ni Benjamin. Hindi niya alam kung bakit siya ang napili ni Sir Jaime na humawak ng proyekto pero ang sabi nito, kinuha siya nito dahil sa kanyang kakayanan at talento, at wala nang iba pa at kung ano man ang nakaraan ay dapat raw na kalimutan na. Parati naman raw nasa ibang bansa si Benjamin at babalik lang raw into pagkatapos ng proyekto kaya wala siyang dapat ipag-alala.

Pinag-isipan niya iyon, na isang magandang oportunidad iyon para sa nagsisimula niyang karera at para na rin makabawi kay Benjamin sa pamamagitan ni Sir Jaime. Kung tutuusin, hindi niya inaasahan na maganda pa rin ang gagawing pakikitungo sa kanya ng nakatatandang Contreras kaya malaki ang kanyang pasasalamat. Naisip niya na ang pagtanggap sa trabahong iyon ay nangangahulungang pagtanggap niya sa kanyang kasalanan at ang kagustuhan niyang maitama iyon.
Kaya tinanggap niya ang trabaho, kasabay ng pagtanggap sa nakakatakot na posibilidad ng muli nilang paghaharap ni Benjamin.

~~   

No comments:

Post a Comment

What's New

The Girl From The Coffee Shop 3 EPILOGUE

KUNG tatanungin kung gagawin ko pa rin ang mga desisyong nagawa ko noon, ang sagot ko, oo. ‘Yung tungkol kay Noel, alam ko na nakatakda i...