Thursday, June 13, 2019

The Girl From The Coffee Shop 2 Chapter 3

AT kung nalaman lang ni Benjamin na makikita niya si Maya sa opening ng furniture shop ni Jeff,  hindi na sana siya nagpunta pa. Pero hindi naman niya ma-hindi-an ang pinsan dahil matagal na nitong pangarap na magkaroon ng sariling furniture business. Matagal nang pinangangasiwaan ni Jeffrey ang negosyo ng pamilya nito sa California at matagal na nitong gustong makabalik sa Pilipinas para makapagpatayo ng sariling negosyo.

Agad na namataan ni Benjamin si Maya sa di kalayuan habang nakikipag-usap into kay Jeffrey sa harap ng sariling watercolor painting nito na nakasabit sa dingding.

Isang simpleng itim na denim dress na hanggang tuhod ang suot nito na binagayan ng malapad na puting sinturon at puting high heeled shoes. Napakaganda nitong pagmasdan nang nakatayo lamang roon habang tumatawa at nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan. Gusto na lang umuwi ni Benjamin nang mga oras na iyon, lalo na nang may makita siyang isang pamilyar na mukha – si Emman, na matagal nang malapit na kaibigan ni Maya – at hindi niya inaasahan na magkaibigan pa rin ang mga ito hanggang ngayon. Ang totoo ay hindi niya alam kung magkaibigan lang ang mga ito ngayon.
Umakyat si Benjamin sa pangalawang palapag ng shop para makalayo sa dalaga at doon sa deck ininom ang hawak na scotch. Ilang sandali pa ay nakita niyang paakyat si Maya at papunta sa kinatatayuan niya. Muntik tuloy niyang mahulog ang baso nang ilapag niya iyon sa makitid na balustrade. Tiningnan lamang niya ito hanggang sa tuluyan itong makalapit sa kanya.

Neither of them talked. Neither of them wanted to start the conversation. And when Maya looked at him, he’s already gazing at her.

“A-alam kong ayaw mo na akong makausap pero-“

“Why are you at the firm? What are you trying to do?” biglang tanong ni Benjamin, nang hindi tumitingin sa kausap. Naalala niya ang sinabi nito noon na hindi nito gustong magtrabaho sa firm niya. At wala itong planong tapusin ang course nito sa university.

“I-in-offer sa akin ang trabaho…hindi ko pinilit ang sarili ko sa firm.”

“P’wede kang tumanggi, bakit hindi mo ginawa?”

Ilang sandali pa bago nakatugon si Maya. “Wala akong dahilan para hindi ‘yon tanggapin. Wala akong masamang ibig sabihin nang magdesisyon ako na maging parte ng firm mo. I’m sorry kung –“

“.Are you really sorry?” makahulugan niyang tanong.

“Y-yes, I am,” marahan nitong sagot. “Believe it or not, I am.”

Ramdam ni Benjamin ang nararamdaman ni Maya pero ayaw niyang hayaan ang sarili na madala sa magandang mga mata ng dalaga.

“Matagal na ‘yon, Benjamin-”

“Exactly. Bakit nga ba kailangan mo pang bumalik pagkaraan ng apat na taon?” Inubos ni Benjamin ang laman ng basong scotch. “Oh, nevermind, don’t answer that. I don’t care why you came back. I don’t give a damn if you work at the firm. Honestly, I don’t care about you anymore,” matigas niyang sabi, at tiningnan ng matalim si Maya. “And it’s Engr. Contreras, Miss Evangelista. Always keep that in mind.”

Pagkatapos niyang sabihin iyon ay nakita niya ang pangingilid ng luha ni Maya at bigla, parang gusto niyang bawiin ang lahat ng sinabi niya. Pero nasabi na niya iyon at ‘yon lang ang tamang alam niyang sabihin.

“Benjie!”

Si Nicole Sequia, ang beauty queen na rumored girlfriend ni Benjamin ang nakita nilang paakyat sa hagdan. She’s beautiful, even more beautiful than Anne Paredez, the model. Matalino ito, masayahin. Hanggang balikat lang nito si Maya, kahit pa nga mataas na ang suot nitong sapatos.

Nicole kissed him on the lips and that kiss said it all.

“Nicole, this is…Miss Maya Evangelista. She’s the interior designer of the new project,” pakilala ni Benjamin sa dalawang dalaga.

“Nice to meet you, Maya,” nakangiti nitong bati pagkatapos makipagkamay. “I’m Nicole Sequia.”

Hindi na rin nagtagal at bumaba na si Maya at nakita na lang ni Benjamin na lumabas na ito ng shop kasama ang mga kaibigan nito. Sinamahan ni Jeff ang mga ito sa labas hanggang sa makasakay ang mga ito sa kotse ni Maya na noon lamang niya nakita.

Nakita ni Benjamin kung gaano nasaktan si Maya sa mga sinabi niya at sa tingin niya ay kulang pa iyon sa ginawa nito sa kanya. Pero hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit gano’n pa rin ang naramdaman niya nang makita niya na kasama ni Maya si Emman. At ganoon din ang naramdaman niya nang kasama ng dalaga si Jeffrey, na tila malapit na sa isa’t-isa.

~~

LUNES at kailangan kong makipag-meeting sa The Forum. Kailangan ko ring pumunta roon araw-araw para i-finalize ang mga designs at kahit hindi ko gusto, makikita at makikita ko si Benjamin sa opisina. Tanggap ko na na galit pa rin siya sa akin at hindi na niya ako mapapatawad dahil sapat na ‘yung mga sinabi niya sa akin noong Sabado para mapatunayan ko iyon.

“Miss Evangelista, Engr. Contreras wants you to come to his office right after the meeting,” sabi ni Greg sa kanya. Nilapitan siya nito pagkatapos na pagkatapos ng meeting at makalabas na ang lahat sa conference room.

 “Bakit raw?”

Nagkibit-balikat ito, nakangiti. “Walang nasabi. Basta sumunod ka na lang daw sa opisina.”

“Okay, salamat.” Tinapunan niya ng tingin si Benjamin, na noon ay handa nang lumabas ng conference room. Wala itong kangiti-ngiti sa labi.

Mabilis na nagpunta si Maya sa kanyang mesa para ilagay ang mga dalang gamit at tumuloy na sa elevator, kasunod ni Greg. Ilang sandali lang ay naroon na sila sa opisina ng binata.

“Mr. President, narito na po si Ms. Evangelista.”

Tumango si Benjamin nang hindi tumitingin sa kanila dahil abala pa rin ito sa pagta-type sa laptop. Alas siyete na noon ng gabi at gusto nang umuwi ni Maya dahil nagsisimula nang umuwi ang lahat ng kasamahan nila sa ibaba, at karamihan na rin siguro ng iba pang empleyado sa ibang kumpanya.

Naiwan si Maya na nakatayo sa harap ni Benjamin, naghihintay sa anumang sasabihin nito pero ilang minuto pa ang lumipas pero wala siyang narinig mula sa binata. Pakiramdam niya ay nagbalik siya sa sitwasyon apat na taon na ang nakakaraan, kung saan para siyang tanga na nakatunghay sa binata, namamamangha sa lahat ng tungkol dito.

“Sit down.”

Parang batang sumunod si Maya sa sinabi ng binata, kahit pa wala siyang ideya kung bakit siya nito biglang pinatawag. Halos isang buwan na siyang pumapasok sa opisina, halos isang buwan na silang nagkakasalubong ng binata na parang wala lang. At ngayon, pagkaraan ng isang buwan, ay bigla-bigla siya nitong ipapatawag. Wala naman siyang alam na nagawa niyang kasalanan, liban na lamang sa kasalanang matagal na niyang pinagsisihan.

“It’s Nicole’s birthday today. She wanted you to join us to dinner.”

Napataas ng kilay si Maya at hindi iyon nakaligtas sa paningin ni Benjamin. “N-no. A-ayoko.” Walang dahilan para imbitahan siya ni Nicole sa birthday nito, o sa kahit na anong  okasyon pa dahil hndi naman sila close.

“Hindi ko tinatanong kung gusto mo o ayaw mo. Iniimbitahan ka niya sa dinner, and you have to come, whether you like it or not. So get your things, I’ll meet you at the lobby.” Isinara na ni Benjamin ang laptop at nagsimula nang ayusin ang mga gamit. Nakatingin lang si Maya habang isinusuot nito ang itim na coat.

“Hindi ako sasama,” matigas sabi ni Maya, sabay tayo. “I have no reasons to go.”

“And do you have reasons not to?”

“H-hindi ko siya kilala, hindi naman kami magkakilala. Bakit niya ako iimbitahan sa birthday niya?”

“She admires your work and she wants to get to know you.” Kinuha ni Benjamin ang suit case at handa nang umalis.

“Wow, really?” natatawa niyang tanong.

“You don’t believe me?” tanong nito. Kinuha nito ang cellphone sa bulsa at iniabot kay Maya. “Call her. Ask her yourself. If you’re thinking that I’m making this up just to be with you, I’m sorry but you’ve got it all wrong.”

Hindi siya kumibo at nanatili lang na nakatayo sa harap nito.

“You actually think that I’m making it up, don’t you?”

“O-of course not.”

“I’ll meet you at the lobby then.”

~~

IT was a never-ending trip for Maya. There she was, seating next to Engr. Benjamin Contreras III with so many things going on inside her head. She almost believed that they are still together, driving around as they used to do a long time ago. Pero iba na ang sitwasyon ngayon. Wala na siyang karapatang mag-isip ng kung anu-ano tungkol dito dahil may iba na itong mahal.

Huminto ang sasakyan nila sa tapat ng isang malaking mansion sa loob ng isang exclusive subdivision. Naunang bumaba si Benjamin at ilang sandali pa bago sumunod si Maya, dahil hinintay niyang ipagbubukas siya ng binata ng pinto na ginagawa nito noon. Pero naalaala niya, noon pa nga pala iyon, ‘nung mahal pa siya nito.

Walang tao sa buong lugar nang papasukin sila ng isang matandang babae’ng naka-asul na uniporme. Sinamahan sila nito sa malawak na hagdan paitaas, patungo sa roof top ng napakalaking bahay. Doon sila sinalubong ni Nicole na napakaganda sa suot na itim na evening dress. Walang iba pang tao doon maliban sa kanilang tatlo, at dalawang lalaki na sa tingin niya ay mga waiters.

“I’m glad you were able to come!”

Binati niya si Nicole ng pilit na ‘happy birthday’ at binigyan siya nito ng halik sa magkabilang pisngi, at isang malalim na halik sa labi naman para kay Benjamin. Hawak ni Nicole ang kanyang kamay hanggang sa mesa sa gitna ng roof top, na para bang napaka-close na nila sa isa’t-isa. Maganda ang pagkakaayos ng mesa, at halatang mamahalin ang mga ginamit doon.

Hindi maganda sa pakiramdam ‘yung kasama ko sina Benjamin at Nicole sa iisang mesa, kinakaiin ang iisang pagkain dahil wala akong malasahan sa mga masasarap na nakahain. Hindi ko matingnan si Nicole o si Benjamin dahil alam kong masasaktan lang ako. Kung p’wede lang na tumalon ako mula doon sa rooftop ay gagawin ko, para makatakas na lang sa dinner na ‘yon.

Sabi ni Nicole, kailan lang niya nalaman ang tungkol sa pagiging visual artist ko, at ngayon lang niya nakita ang mga gawa ko. She admires my works, she said. Nakakatuwa na rin, kahit paano, knowing that his girlfriend actually thinks highly of me. Hindi ko lang alam kung may alam siya tungkol sa nakaraan namin ni Benjamin, at ayaw ko na rin namang alamin pa. Pero sa tingin ko, clueless si Nicole dahil hindi naman siguro n’ya ‘ko iimbitahan nang gabing ‘yon kung may alam s’ya tungkol sa nakaraan.

Hanggang sa pag-uwi ay iniisip ko pa rin ang tungkol doon. Wala akong napansin kahit na katiting na pagdududa o pagseselos kay Nicole nang magkasabay kaming umuwi ni Benjamin.

“Gusto kang i-guest ni Nicole sa talk show niya,” sabi ni Benjamin nang palabas na ang sasakyan nila sa exclusive subdivision.

“No way,” mahina niyang tugon nang hindi tumitingin sa kausap.

“Bakit?” Napatingin ang binata sa mabilis niyang pagtanggi.

“Sa tingin mo ba talaga na papayag ako na mag-guest sa talk show niya at magkunwari na okay lang ang lahat?”

“Why not? Ano’ng problema do’n?” simple nitong tanong.

“Huwag kang magtanong ng bagay na alam mo naman ang sagot.”

“Ano ang ibig mong sabihin?” Nakatuon lang ang mga mata niya sa daanan.

“Ihinto mo ang sasakyan, bababa ako,” sa halip ay sabi ni Maya. Hindi niya gusto ang pupuntahan ng usapang iyon. Pero patuloy lang sa pagmamaneho ang binata na parang wala itong narinig. “Benjamin, ihinto mo!”

“Why are you overreacting?”

Hawak na ni Maya ang handle ng pinto ng kotse pero hindi pa rin iyon inihihinto ni Benjamin. “Overreacting? Ano ba ang dapat kong i-react? Matuwa? Ma-excite dahil sa gusto akong i-guest ng girlfriend mo sa talk show niya? At ano naman ang pag-uusapan naming doon?”

“Tungkol sa trabaho mo, sa mga exhibits, sa art…”

“At tungkol sa iyo? Magtatanong s’ya tungkol sa personal kong buhay at ano, gusto mong malaman ng buong mundo ang nakaraan nating dalawa? Gusto mong ikuwento ko sa kanya ang lahat ng nangyari sa’tin noon?”

Biglang bumilis ang pagmamaneho ni Benjamin at napahigpit ng kapit si Maya sa handle ng pinto. “Oo,” seryoso nitong tugon. “At ikuwento mo rin sa lahat ang dahilan kung bakit ka biglang nawala na parang bula para pati ako, malaman ko!”

Akala ni Maya ay wala na iyon kay Benjamin. Malinaw nitong sinabi sa kanya – that he doesn’t care about it anymore. Ilang sandali pa ay biglang kinabig ni Benjamin ang sasakyan at inihinto iyon sa gilid ng kalsada.

“Why did you walk out on me like that four years ago?”

Mahinahon ang tanong na iyon ni Benjamin pero ramdam ni Maya ang epekto noon sa buong katauhan niya. Ilang beses na n’yang inihanda ang sarili sa ganitong tagpo, at dapat alam na niya ang isasagot sa tanong na iyon. Pero ngayon, nang makita niya ang mga mata ng binata na halos mag-apoy sa galit, wala siyang anumang salitang masabi.

“Sabihin mo sa akin ngayon, Maya…bakit mo ako iniwan?” galit nitong tanong. “May iba ba?” Iyon ang katanungang ilang libong beses na nitong itinanong sa sarili, isang tanong na kinatatakutan nito ang sagot. “May ibang lalaki ba?”

Saglit na tiningnan ni Maya ang binata at tsaka binuksan ang pinto ng kotse at lumabas. Hindi niya sasagutin ang tanong na iyon. Hindi niya iyon kayang sagutin. Mabilis ring bumaba si Benjamin at patakbo siyang sinundan nito. Agad siya nitong naabutan at hinawakan siya sa braso para pigilan.

“Maya, don’t you dare run away from me!”

“Benjamin, bitiwan mo ‘ko, nasasaktan ako!”

“Mas nasaktan mo ako noon, Maya,” mahina nitong sabi, sapat lang para marinig niya ito. Malapit na malapit ang mukha nito sa kanya at kitang-kita niya ang galit sa mga mata nito kahit pa madilim na. “Bakit ka pa bumalik? Bakit kung kailan okay na ako, kung kailan nakalimutan ko na ang lahat, tsaka ka pa bumalik?”

Hindi na napigilan ni Maya ang umiyak. Mas masakit pa sa pagkakakapit ni Benjamin sa braso niya ang sakit na nararamdaman. “I-ilang beses akong nag-isip bago ako nakaalis. Ilang beses kong binalak na bumalik pero…hindi ko na alam kung paano kita haharapin. Hindi mo alam kung gaano ko ‘yon pinagsisisihan ngayon. Naiintindihan ko kung hindi mo ‘ko mapapatawad, alam kong hindi ‘yon magiging madali pero Benjamin, I really am sorry,” sabi ni Maya habang patuloy ang pagluha. “I-I’m willing to do anything just to prove to you that I am sorry.”

“You’ll do anything?” tanong nito sa kanya, tanong na walang anumang emosyon.

Tumango si Maya. Bahagyang lumuwag ang pagkakakapit ni Benjamin sa kanya at mataman siyang tiningnan nito.

“Love me again. Hindi na ako hihingi ng kahit na anong eksplenasyon. Just be with me again…just love me again, Maya.”

~~

No comments:

Post a Comment

What' You've Missed