Quote of the Day

The idea of me is better than the reality of me. - Verity

Tuesday, June 18, 2019

The Girl From The Coffee Shop 2 Chapter 6

SABI ni Pam, kabaliwan na raw talagaang ginagawa ko. Ang pagpayag ko sa Baguio getaway, sa pagpayag ko sa lahat ng bagay. Sabi ko naman, siguro nga, nababaliw na ‘ko dahil hindi naman ako talagang ganito, hindi ako basta pumapayag sa mga bagay na hindi ko gusto, hindi ako napipilit na gawin ang mga bagay na ayoko. Pero heto ako, parang utu-uto at parang tanga na tinatanggap lang ang lahat.

“Dahil ano, mahal mo si Benjamin?” tanong ni Pam sa kanya nang umagang maaga siyang dumating sa The Forum. Routine na ni Maya ang dumaan sa coffee shop sa tuwing pumupunta siya roon, para makausap si Pam, para hingahan ito ng anumang sama ng loob. “Maya, sigurado ka bang mahal mo ‘yung tao o dala lang ‘yan ng konsensiya mo dahil sa nagawa mong kasalanan noon?”

Wish ko lang, kaya kong sagutin ang lahat ng katanungan ni Pam, pati ang mga katanungan ko. Pati ang tanong tungkol kay Noel, hindi ko mahanapan ng sagot. Sabi ni Pam, ano nga raw ba ang dahilan ko sa pagiging malapit ko kay Noel, ang pagsama-sama sa dinner, at minsan ay pagpayag sa paghatid sa ‘kin nito sa apartment. 

“Wala namang masama, magkaibigan naman kami at normal lang naman siguro ‘yon, diba?”

“Kayo ni Noel, magkaibigan? Utang na loob, Maya, kahit kanino mo sabihin ‘yan, walang maniniwala. Nakikita ng lahat ng tao kung paano ka tingnan ni Noel. At alam ko rin na masaya ka sa tuwing nakikita mo ‘yung tao. Hindi mo maikakaila ‘yon sa’kin.”

Oo, aaminin ko na masaya ‘ko kapag nakikita ko si Noel.

“Bakit nga ba?” tanong ni Pam.

Bakit nga ba ako masaya? Hindi ko alam. Kailangan pa ba ng dahilan kung bakit masaya ako kapag nakikita ko ang isang tao? At bigla kong naisip ‘yung sinabi ni Pam tungkol sa pagtingin ni Noel sa akin. Ayokong bigyan ng kulay ang pagiging malapit niya dahil malaking gulo ‘yon kapag nagkataon, Naisip ko rin, bakit ko nga ba hinahayaan na maging malapit kami at ano nga ba ‘itong ginagawa kong pakikipagmabutihan kay Noel kung ayoko ng gulo? Sabi ni Pam, dalawang bagay lang daw iyon. Una, p’wedeng kay Noel ko nahahanap ‘yung mga bagay na hindi ko makita kay Benjamin – ‘yung oras, ‘yung communication, ‘yung presence kaya masaya ako kapag kasama ko si Noel. O pangalawa, subconsciously, sa pamamagitan ni Noel, kahit paano, nakakawala ako sa totoong sitwasyon. Nagiging paraan ko si Noel para iparamdam sa sarili ko na hindi ako tanga at utu-uto na umaayon sa mga bagay na hindi ko gusto. 

“’Yung totoo, Maya, may feelings ka pa ba para kay Noel?”

Wala ‘yon sa dalawang senaryo na sinabi ni Pam kaya nagulat ako sa tanong na ‘yon. Nagulat ako, at pagkatapos ay natawa. “Pam naman, ano namang klaseng tanong ‘yan?”
“Isang klase ng tanong na hindi mo alam ang sagot, hindi ba?”

~~

MULA sa ground floor ay sabay na pumasok sina Maya at Noel sa elevator. Nginitian ni Maya si Noel matapos nitong pindutin ang numero ng palapag na kani-kanilang destinasyon. 

“How are you?” bating tanong ni Noel. Nakasukbit sa balikat nito ang isang malaking itim na knapsack. Nakasalubong niya ito papasok sa The Forum kanina at nag-offer ito na dalhin ang dala niyang dalawang canisters at malaking fortfolio na naglalaman ng mga design plates, na hindi naman niya natanggihan.

Ewan ko ba kung bakit tila napakahirap na tanong iyon para sa’kin. Hindi ko alam kung bakit mahirap para sa’kin humanap ng sagot. Kaya ngumiti na lang ako.

“How are you?” balik niyang tanong, na hindi rin naman agad nasagot ni Noel. Nanatili lang itong nakatingin sa kanya at sa paraan ng pagtitig nito, naisip ni Maya na sana ay hindi na lang niya itinanong ang simpleng tanong na ‘yon.

“’Yung totoo, hindi ko alam,” seryoso nitong tugon.

Patuloy ang pag-akyat ng elevator, at patuloy silang parehong nag-iisip ng tamang sagot sa tanong na ‘how are you’. Magkatabi silang nakatayo at pareho silang naghihintay ng muling pagbukas ng elevator at pagpasok ng ibang nilalang doon. Pero ilang palapag pa ang lumipas ay sila pa ring dalawa ang nasa loob ng apat na sulok ng elevator.

“M-Maya, ‘yung tungkol sa ‘tin…alam na ba ni Engineer -“

And speaking of the devil, pagdating sa 10th floor, biglang bumukas ang pinto ng elevator at nakita namin doon sa harapan si Benjamin, nakatayo. Sa ilang sandaling pagkakatayo ni Benjamin sa harap namin, parang ilang panahon na ang katumbas.

Ngumiti si Benjamin nang pumasok sa loob, nginitian si Noel, at pagkatapos ay si Maya. Umurong nang kaunti si Maya para bigyang daan si Benjamin na tumayo sa tabi niya.

“Good morning, Mr. Buenaventura,” bati ni Benjamin kay Noel. “How are you?”

“Okay lang, Engineer,” tugon ni Noel bago tumingin kay Maya, na hindi nakaligtas sa mga mata ni Benjamin. Nakita rin nito ang pamilyar na gamit ni Maya na bitbit ni Noel. 

Si Benjamin, ako, at si Noel. Sa loob ng masikip na elevator. Malaki ang espasyo roon pero masikip ‘yon para sa aming tatlo. Hindi ko alam kung ano ang iniisip ni Benjamin sa mga oras na ‘yon, hindi ko alam kung ano ang iniisip ni Noe at, hindi ko rin alam kung ano ang iisipin ko.

“How about you, Ms. Evangelista?”

“I-I’m fine…sir, thank you.”

Matagal at nakabibinging katahimikan. I’ve always hated the elevator and at that moment, I wanted to die. Gusto kong himatayin, at alam kong malapit na ‘kong himatayin. Parang walang katapusan ang pag-akyat ng elevator at muntik na ‘kong lumundag sa tuwa nang sa wakas ay nakarating na iyon sa palapag ni Noel.

“Dito na ako. Sige, Engineer, see you around.”

“See you around,” walang emosyong ulit ni Benjamin. Nakatingin lang ito nang magpaalam si Noel, nang ngumiti ang binata kay Maya, nang iabot nito kay Maya ang mga gamit.

“Bye, Maya, tawagan na lang kita mamaya.”

Pinilit ni Maya na hindi masyadong mag-react, at hindi tingnan ang reaction ni Benjamin sa sinabi ni Noel. Hindi siya sumagot at hinayaan na lang niyang lumabas si Noel at sumarado ang elevator nang hindi siya sumasagot.

“Tatawagan ka niya mamaya?” narinig ni Maya’ng tanong ni Benjamin nang sila na lamang uling dalawa doon. “Ano’ng ibig sabihin no’n, Maya?” muli nitong tanong nang hindi tumitingin sa kanya.

Walang isinagot si Maya.

“Tinatawagan ka na niya ngayon?”

Lalabas na sana si Maya nang bumukas ang pinto sa floor ng firm pero pinindot ni Benjamin ang buton para muling isara iyon. Tiningnan siya nito, hinihintay ang sagot niya.

“Tinatawagan ka niya?” ulit nito.

“M-minsan. Nag-kape kami minsan.”

“So, nagkakape ka nang kasama siya at hindi mo sinasabi sa akin?”

Muling bumukas ang pinto ng elevator sa mismong opisina ni Benjamin, at wala siyang nagawa nang paunahin siya nitong palabasin doon. Kasunod niya ito hanggang sa mesa nito.

“Benjamin, marami pa ‘kong gagawin…may meeting pa ako at-”

“Ako rin, Maya,” sabi ng binata. Hinubad nito ang coat, inilagay sa likod ng upuan at muling tumingin sa kanya. “So, hindi mo pa nababanggit sa kanya ang tungkol sa atin?”

“I-ikaw ba, nabanggit mo sa kanya?” balik niyang tanong. Sinabi nito sa kanya na maging discreet at huwag sabihin kahit na kanino ang tungkol sa kanilang dalawa at ngayon, hindi na niya alam ang gusto nitong mangyari.

“No.”

“Dapat ko bang sabihin sa kanya?”

Ngumiti si Benjamin. “Ikaw ang bahala.”

“Bakit hindi ikaw mismo ang magsabi sa kanya?” diretso niyang tanong.

“’Yun ba ang gusto mo?”

Nagkibit-balikat si Maya. “Bahala ka.”

Tiningnan ni Benjamin si Maya ng tingin na palagi nitong ibinigay noon sa kanya sa tuwing iritable ito, galit o kapag may bagay siyang ginawa na hindi nito nagustuhan.

“Kung wala na kayong ibang sasabihin, kailangan ko nang umalis.”

~~

BENJAMIN, it’s been a long while.”  

Nilingon iyon ni Benjamin at nakita si Governor Benitez na malaki ang pagkakangiti. “Gov. Antonio, good evening,” bati ni Benjamin at kinamayan ang matandang lalaki. Maputi na ang buhok nito, ngunit banaag pa rin sa mukha na maganda ito’ng lalaki noong kabataan nito. 

“Ang father mo, kasama mo ba?” tanong nito sa kanya. Hapunan iyon sa bahay ni Mr. Diestro, pagkatapos ng matagumpay na exhibit. Matagal nang kaibigan ng kanyang ama at ni Mr. Diestro ang gobernador.

“Hindi po. Nasa Baguio, may inaasikaso.”

“Gano’n ba, medyo matagal na kami’ng hindi nagkikita. Well, i-kumusta mo na lang ako sa kanya, hijo.”

Tumango si Benjamin at hinintay na magpaalam ito. Pero nanatili ito sa tabi niya, at hindi nakaligtas sa kanya ang makahulugang tingin na ibinigay nito kay Maya na noon ay nakatayo sa tabi niya.

“And who is this stunning girl with you?”

Talaga namang hindi pa rin ito nagbabago. Kilala na niya ito noon pa man at hanggang ngayon ay mahilig pa rin ito sa magagandang babae. Labag man sa kalooban, wala naman siyang ibang pagpipilian kundi ang ipakilala ang dalaga dito.

“She’s Maya Evangelista. Maya, this is Governor Carlos Benitez.”

Atubiling kinamayan ni Maya ang governor. “Good evening po, Governor. It’s nice to meet you.”

“The pleasure is mine. And please call me Antonio,” nakangiti nitong sabi. “By the way, are you with someone?”

Bago pa man umiling si Maya ay sumagot na si Benjamin. “Yes, actually, she’s with me.”

Hindi lang si Gov. Benitez ang nagulat, kundi lalo na ang dalaga. Nagpunta si Maya roon ng mag-isa dahil parte ito ng exhibit at hindi nito inaasahan na darating din doon si Benjamin at wala silang usapan o anupaman na magkikita sa lugar na ‘yon. Dahil hangga’t maaari, ayaw nitong madagdagan pa ang mga chismis na naririnig nito sa paligid. 

“Miss Sequia is not with you?” takang tanong ng gobernador. Si Nicole ang tinutukoy nito.

Umiling si Benjamin at tumingin kay Maya na noon ay nakatingin lamang sa mga tao’ng dumadaan sa kanilang harapan. Lying about Nicole came out easily. He knew Gov. Benitez too well. Kapag nalaman nito’ng nag-iisa si Maya, siguradong hindi na nito iyon hihiwalayan buong gabi.

“You are a very lucky man, Benjamin.”

Ngumiti siya at mas lalong tumabi sa dalaga.

“Maya Evangelista…hmm…I’m sure I’ve heard your name somewhere before,” sabi ni Gov. Benitez pagkaraa’ng mag-isip ng ilang sandali.

“Maya is actually one of the artists in the exhibit,” sagot ni Benjamin. “And she’s our new designer at the firm.”

Tumangu-tango si Gov. Benitez. “Right, that’s why your name sounds familiar. So, you are the Evangelista everybody’s talking about.”

Ngumiti lang ng bahagya si Maya dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin ito komportable sa mga ganoong sitwasyon.

“Well, congratulations, Maya. I’m looking forward to seeing you more often in the future. I’m actually planing on organizing some exhibits for charity and I hope you could join us.”

Muli itong nakipagkamay at ilang sandali pa ay nagpaalam na rin ito, salamat sa Diyos.

~~

I NEVER thought you’d be here,” sabi ni Benjamin nang sila na lamang dalawa. Nakangiti ito sa kanya, at alam ni Maya na nagbibiro lang ito. Hindi siya nito nilapitan dahil maraming mata ang nasa paligid nila at may ilan rin silang kasamahan sa firm na naroon. “You better be careful with the Governor. He’s very slick when it comes to ladies. And from what I see, he’s very interested in you.”

“He seems to be a nice man,” simpleng tugon ni Maya nang hindi tumitingin sa kausap. “And seems respectable.”

“He’s far from being respectable, trust me.”

Binigyan siya ng hindi magandang tingin ng binata at mas lumapit sa kanya. Ilang sandali pa ay nagpaalam si Benjamin sa kanya nang may mamataang kasosyo sa negosyo at naiwan siya doon sa garden ni Mr. Diestro nang mag-isa. 

Minsan, gusto ko nang kalimutan na lang na bahagi pa ng buhay ko si Benjamin at isipin na lang na ordinaryo akong empleyado ng kumpanya at siya ang boss ko. Gano’n lang, walang kumplikasyon. Hindi ‘yung ganito, na palagi akong nag-aalala sa tuwing magkasama kami dahil hindi ko p’wedeng hindi isipin ang katotohanan.

Tama nga siguro si Pam. Tama siya sa lahat ng sinabi niya tungkol sa amin ni Benjamin. Siguro nga, hindi tama na pumayag ako sa gusto ni Benjamin dahil hindi pa man nagtatagal, nahihirapan na ako sa sitwasyon namin. Halos araw-araw ko siyang nakikita sa opisina pero hindi kami nag-uusap o nagtitinginan man lang. Palagi siyang busy, palaging may kausap. Hindi ko naman siya p’wedeng puntahan sa opisina niya katulad ng dati, at hindi naman ako p’wedeng umasa na pupuntahan niya ako sa design department para lang mangumusta. Mas mabuti pa nga noon, nung barista pa ako, at least, araw-araw ko siyang nadadalhan ng kape, at hindi masyadong mahirap kung gusto naming lumabas para mag-date, o mag-attend sa mga public functions at parties. Dahil noon, alam ng lahat na may relationship kaming dalawa, hindi katulad ngayon.

Kahit pa gusto ko, hindi ko kaya na hindi pansinin ang mga napapanood ko sa TV at nababasa sa internet tungkol kay Nicole. At tuwing nasa balita si Nicole, hindi p’wedeng hindi kabuntot ang pangalan ni Benjamin. Parang package deal. Dapat okay lang sa’kin ‘yon dahil alam ko naman ang totoo pero nakakainis pa rin sa tuwing nakakabalita ako ng tungkol sa kanilang dalawa. Hindi lang sa nagseselos ako, dahil minsan, napapahiya na rin ako hindi lang kina Emman at Pam, kundi pati sa aking sarili. 

There was this one column in the newspaper about Nicole, being one of the most famous women in the country, not only for being a former beauty queen and the popular host of a top rated talk show. And it read-

Ms. Nicole Sequia has it all. She’s on top of her career, as well as in the matters of the heart. Nicole was believed to be romantically involved with Engr. Benjamin Contreras III, who had just been named as one of the youngest successful businessmen in People Asia Magazine.

Romantically involved. Ano ang dapat kong maramdaman tungkol doon? Naghintay ako ng paliwanag na hindi naman dumating at alam ko sa sarili ko na kaunti na lang ay malapit na akong sumuko sa kung ano man ang meron kami. Hindi ko naman makuhang magalit kay Benjamin, dahil sa tingin ko, wala pa rin akong karapatan hanggang ngayon. Iniiwasan ko na lang na magbasa ng diyaryo o manood ng TV dahil nasasaktan lang ako. 
At pagkaraan ng ilang araw na nakakapagod na pag-iisip, nagkita uli kami at ang hinintay kong eksplanasyon ay hindi pa rin dumating. At pagkatapos pa, mag-iinarte siya dahil lang sa walang kwentang pagka-kape namin ni Noel.

~~

NANG muling lumapit si Benjamin sa garden ay mangilan-ngilan na lamang ang tao na naroon. Tumingin-tingin siya sa paligid at nakita si Maya na kausap pa rin Governor Benitez at malakas ang naging tawa ng matanda sa kung ano mang sinabi ni Maya. Nakatingin pa rin siya sa mga ito nang biglang napatingin ang dalaga sa direksyon niya at nagulat siya nang ngumiti into at kumaway. Hindi niya alam kung bakit siya tinawag ng dalaga pero lumapit siya sa mga ito matapos kumuha ng dalawang baso ng wine. Lalong nagliwanag ang mukha ng dalaga nang matanaw siyang palapit. 

“Benjamin, I was just keeping her company while you were gone. Kanina ka pa hinahanap ni Ms. Evangelista,” sabi ni Gov. Benitez nang naroon na siya. Ibinigay niya ang wine kay Maya na atubili nitong tinanggap.

“Really?” nagtataka niyang tanong. May kinausap lang ako’ng mga kasama sa negosyo.” Matagal na rin niya itong hindi nakakausap at sa tingin niya ay masama ang loob nito sa kanya kaya hirap siyang paniwalaan ang sinasabi ng Gobernador na hinahanap siya ng dalaga. Nakayuko lang ito samantalang si Gov. Benitez ay nakatingin rito. 

“Ikaw talaga, hanggang dito, negosyo pa rin ang iniintindi mo. You shouldn’t leave Maya alone. She’s too lovely to be left alone.”

“I’m sorry,” nakangiting tugon ni Benjamin. “It won’t happen again.”

“It’s okay, we at least had the chance to talk.”  
     
Nagpaumanhin si Maya at umalis, kung saan ito pupunta ay hindi niya alam. Gusto niya itong sundan pero hindi naman magandang asal na basta iwan na lamang niya roon ang gobernador.

“She’s a smart one, that lady,” sabi ni Gov. Benitez nang umalis na si Maya. “She knows a lot about a lot of things. I’ve never met any girl as amusing as her. And she is really very talented.”

Tumangu-tango lang si Benjamin. Matagal na niyang alam ‘yon at marami pang magagandang katangian nito.

“By the way, how’s Miss Sequia?”

“She’s in Italy.” Ilang linggo na mula nang umalis si Nicole para sa trabaho nito sa Italy at ilang linggo pa itong magtatagal roon.

“I see. You are indeed a very lucky man, Engr. Contreras, that’s all I can say. You always get the beautiful ladies.”

Ngumiti lang si Benjamin. He surely is lucky.

“So, you and Maya are...”

Are a couple, ‘yun ang ibig sabihin ni Gov. Benitez. Inisip pa muna ni Benjamin ang isasagot. “No. She’s with the firm and it just so happen that she’s part of Tito Victor’s artist group,” sabi niya.

“That’s good to hear.” Maganda ang ngiting tumangu-tango si Mr. Benitez. “Well, I’ll go ahead. Marami pa ‘kong aasikasuhin bukas ng umaga. Pakisabi na lang kay Victor na nauna na ‘ko.” Matagal-tagal rin silang nag-usap tungkol sa kung anu-anong bagay, bago ito nagpasyang magpaalam na. “And tell Maya I’d love to talk with her again. Isama mo siya minsan sa mga dinners and get togethers, okay?”

“Sure thing, Gov.”

Umalis na ito pagkatapos makipagkamay kasunod ang tatlong naka-barong na bodyguards. Tumingin siya sa relo at nagulat nang makitang mag-aalas onse na pala ng gabi. Nagsisimula na ring mag-uwian ang ilang panauhin, liban sa mga organizers at tauhan ng event. Sinubukan niyang hanapin si Maya at nang mamataan niya ang dalaga na tinitingnan ang mga paintings ay pinuntahan niya ito.

~~

HEY, kanina pa kita hinahanap.”

Hindi iyon nilingon ni Maya. “H-hindi ka dapat narito. Hindi dapat tayo makitang magkasama, diba?”

“Alam ko,” sabi ng binata at lalo itong lumapit sa kanya. “And I’m sorry, Maya. As much as I wanted to always be with you, you know it’s...complicated.”

It’s complicated, alam ko ‘yon. Ang hindi ko lang alam ay kung totoo’ng gusto niya akong parating makasa. Sa totoo lang, hindi ko na alam kung ano ang paniniwalaan. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko ng mga oras na ‘yon. Gusto kong matuwa at kiligin dahil katabi ko siya pero gusto ko ring lumayo na lang sa kanya, umalis na sa lugar na iyon at umuwi na lang. Hindi ko kayang tagalan na katabi si Benjamin, dahil nanunuot sa ilong ko ang pabango nito. I wanted him to stay beside me and hold me and be with me every minute but I know it’s not possible.  

“I’m really sorry.”

Kung bibilangin ko ang pag-so-sorry ni Benjamin, kulang ang mga daliri ko sa kamay at sa paa. Minsan, parang hindi na totoo dahil palagi ko na lang ‘yon naririnig. 

“Did you miss me?” Pasimpleng hinawakan ni Benjamin ang isa niyang kamay. Nang tingnan niya ito ng masama ay ngumiti lang ito, at itinuon ang tingin sa painting sa harap nila. 

Tiningnan lang din ni Maya ang painting at hindi tumugon.

“Did you miss me?” muli nitong tanong. Tumingin-tingin muna si Benjamin sa paligid bago humarap sa kanya. “Well, I missed you.” And without warning, he cupped her face and and kissed her on the lips, a lot longer than necessary. Nanlaki ang mga mata ni Maya dahil hindi lang naman sila ang tao sa lugar na iyon. 

Ramdam ni Maya ang pagmamahal at panananabik sa bawat dampi ng mga labi nito at nang titigan niya ang mga mata nito ay sigurado siyang ang pagmamahal niya rito ay katulad pa rin noon, apat na taon na ang nakararaan. Pero hindi pa rin niya maintindihan kung bakit kailangang ganoon – bakit kailangan nilang itago ang nararamdaman sa lahat? Siguro nga, dapat iniintindi na lang niya iyon dahil siguro, hindi lang naman siya ang nahihirapan sa nangyayari.

 “Look, I’m sorry with the way I reacted about Mr. Buenaventura. Medyo marami lang akong iniisip sa trabaho,” sabi sa kanya ni Benjamin. “Maya, I promise everything will be much better. We’ll work this out, just give me more time.” 

Tumango lang si Maya at pilit pinaniwalaan ang lahat ng sabihin nito. 

~~

No comments:

Post a Comment

Popular Posts