Thursday, June 20, 2019

The Girl From The Coffee Shop 2 Chapter 7

PAGDATING na pagdating ni Maya sa opisina ay iniabot agad ni Jenny sa kanya ang isang magazine. Nakabukas ito sa pahinang dapat niyang makita. Tiningnan muna niya si Jenny bago tiningnan ang magazine.

“Totoo ba?” tanong nito sa kanya. Naroon ang naganap na party a week ago sa bahay ni Maestro Diestro, at naroon ang picture nila ni Benjamin habang seryosong nag-uusap, magkahawak ang mga kamay. “Totoo bang naging kayo ni Mr. President?”

Wala akong sinagot. Kung sasabihin kong oo, mahabang paliwanagan pa at kung sasabihin kong hindi, hindi ko rin naman alam kung paano ipapaliwanag ang tungkol sa mga larawan na ‘yon sa magazine. 

“Sa kanya nanggagaling ‘yung mga bulaklak, ano?” nakangiting tanong ni Jenny. Sa halip na husgahan siya sa sitwasyon niya ngayon, nakuha pa nitong magbiro. “Kayo na ba ulit ni Mr. President?”

Isinara ni Maya ang magazine at ibinalik iyon kay Jenny. Pasimple niyang tiningnan ang mga tao sa paligid na abala sa kani-kanilang mga trabaho at tila walang alam tungkol sa magazine. Pero alam niyang imposible iyon. Alam niyang pinagtatanawan na siya ng mga ito, pinag-uusapan, hinuhusgahan. Alam niyang siya ang laman ng bawat usapan ng mga ito.

Gusto ko na lang umuwi. Pakiramdam ko ay nakatingin sa ‘kin ang mga mata ng lahat ng tao, kahit pa hindi. Pakiramdam ko, para akong isang kontra-bida sa isang teleserye na nang-aaway at nananakit sa bidang babae. Parang ako ‘yung karakter na palaging nagpapahirap at gumugulo sa buhay ng mga bida, na sa pagkakataong iyon ay sina Benjamin at Nicole.

Ganito pala ang pakiramdam ng isang kontra-bida. Nakakainis. Parang kahit gusto kong ipaglaban ang sarili ko at kahit alam kong tama ako, parang mali pa rin. Dahil sa tingin ng mga tao, masama ang lahat ng kontra-bida at walang karapatang maging tama. Sila ‘yung mga naaasidente, nakukulong, nababaliw o kaya ay namamatay sa ending ng kwento.

At dahil sa sobrang sikat ang binangga ko, laman agad ng diyaryo at telebisyon ang tungkol sa ‘secret affair’ namin ni Engr. Benjamin Contreras III. At sino ang lumalabas na kawawa? Siyempre, ang bida, si Nicole. Siya ang bidang babae na parang isang santa na handa laging magpatawad.

Kaya nga hangga’t maaari, iniiwasan kong manood ng telebisyon pero imposible iyon lalo na’t nagkatao’ng bumisita sa apartment si Pam nang magkaroon ng interview si Nicole sa telebisyon.

“Kailangan pa ba natin talagang panoorin ‘yan?” tanong niya kay Pam na tutok na tutok sa telebisyon. Hawak nito ang remote control para hindi niya iyon maagaw.

“S’yempre, para naman alam mo kung ano ang mga isasagot mo kapag ininterview ka ni Tito Boy.”

Naupo na rin si Maya sa tabi ni Pam. Nagsisimula na ang show, at naroon na si Nicole na napaganda sa gown nitong kulay pula. Naroon sa harap nito si Boy, hawak ang ilang papel at isang magazine na pamilyar sa kanya. 

Boy: Nicole, pamilyar ka ba dito kay Miss Maya Evangelista?

Unang tanong pa lang, pangalan na agad ni Maya ang narinig nila. Nagkatinginan silang magkaibigan at muling tumingin sa telebisyon.

Nicole: Yes, Tito Boy, I met her once when I invited her to my dinner birthday party. I actually love her paintings Tito Boy and I would never think that she could do that to me.

Boy: Totoo ba na interior designer si Miss Maya sa Contreras-Contreras Architectural Firm na pagmamay-ari ng iyong boyfriend at malapit sila sa isa’t-isa?

Nicole: Yes, Tito Boy. She’s a very good interior designer. They are close but just in a professional way.

Boy: Nicole, may mga balita na matagal na raw talagang magkakilala itong si Benjamin at iton si…Maya…may mga bali-balita pa na nagkaroon daw ng kaugnayan ang dalawang ito four years ago. May nabanggit ba si Benjamin sa’yo tungkol dito?

Nicole: Tito Boy, whatever Benjamin had in the past, is already in the past and if ever it’s true, it’s been four years, Tito Boy and I don’t want to bring that up anymore naman.

Boy: Totoo bang dating barista si Miss Evangelista sa coffee shop ng building ng mga Contreras at ito pa raw ang mismong nagde-deliver sa opisina ni Engineer ng kape tuwing umagaa? At dahil raw dito kaya sila naging malapit sa isa’t-isa, totoo ba ito?

Nicole: I’m not sure about that, Tito Boy. I’ve been in the states for a long time and I wasn’t aware about those things. Maya is a nice girl and I don’t want to say anything bad about her. She’s a very private person and she’s probably distressed too dahil sa mga issues going on and I’m sorry for her. It’s unfair for Maya to be dragged into this.

Muling nagkatinginan sina Pam at Maya, at parehong napangiti dahil sa dami na ng mga naging problema nila, natutunan na lang nilang tawanan ang mga ‘yon.

Boy: May mga lumabas na mga pictures sa magazine with Maya and the Engineer, actually holding hands. What can you say about this?

Nicole: Tito Boy, Benjamin is Mr. Diestro’s nephew, and Mr. Diestro happens to be very close to Maya, as her mentor. And as far as I know, Maya’s a member of his art group for a long time. I think Maya and Benjie’s closeness is just because of that. And I understand.

Boy: May mga nakakita raw na...ito’y galing sa isang reliable source ha, Nicole. May mga nagsasabi na hindi lang daw holding hands ang nangyari sa party na ‘yon. Somebody actually saw them kissing at one point. Do you know anything about it?

Muling nagkatinginan ang dalawa, nakakunot ang noo ni Pam dahil wala itong alam tungkol doon at walang sinasabi si Maya tungkol doon. Nakakunot din ang noo ni Maya dahil sa pagkabigla.

Nicole: Tito Boy, I don’t think that’s true naman.

Boy: May mga kumakalat daw na video about that night at the party. Have you seen it?

Nicole: No, no…I-I haven’t seen it and if I did, I know it isn’t true.    

Boy: So, are you saying that you and Benjamin are okay, that your relationship is okay?

Nicole: Opo naman, Tito Boy. These are just rumors and I won’t let this ruin our relationship. I’d be lying if I say that I’m not affected with everything that has been happening but I know Benjamin better than any other. I trust him, Tito Boy There will be girls out there, of course, he’s a very good looking man, pero alam kong mahal ako ni Benjamin.

Boy: Okay, Nicole, ano ang mensahe mo kay Engineer…sa boyfriend mo?

Nicole: Well, Benjie, you know that I love you and that I trust you. Whatever happened in the past, ‘wag na nating balikan ‘yon. Alam nating hindi ito ang una at huling issue na lalabas tungkol sa’tin and I’m sorry because I know that you’re not used to this.

Boy: And to Miss Maya, may gusto ka bang sabihin sa kanya?

Nicole: Well, kay Maya, I’m sorry for everything. Alam kong hindi ka sanay sa showbiz at sa mga intriga. I don’t even know where all of these things came from. I’d like to consider you as my friend and I hope we’re still okay after all of these.

Boy: Last question, Nicole, napag-uusapan na ba ninyong dalawa ang kasal?

Nicole: Ha, ha, ha! Tito Boy, ayoko po munang magsalita tungkol d’yan.

Tumayo si Maya at nagtungo sa kusina para kumuha ng tubig, na agad namang sinundan ni Pam. “Ehem, ehem...pamilyar ka ba dito kay Miss Nicole Sequia?” tanong ni Pam sa kanya, pilit na ginagaya ang boses ni Boy. “At ano naman ang masasabi mo sa planong pagpapakasal nina Nicole at Benjamin?”

“Ha, ha, ha, ayoko po munang magsalita tungkol d’yan, Tito Boy.” Binuksan ni Maya ang ref, kumuha ng dalawang bottled water at muling isinara iyon. 

Natawa rin si Pam. “Pambihira, hanga rin naman ako sa iyo. Parang wala lang ang lahat, ha. At nakukuha mo pang tumawa.”

“Anong gusto mong gawin ko, umiyak?”

“Naniniwala ka bang wala talagang alam si Nicole sa inyo ni Benjamin?” Sinundan pa rin ni Pam ang kaibigan nang bumalik ito sa sala. Bukas pa rin ang telebisyon at inilipat na ni Maya ang channel. 

“Ewan ko.”

“E ‘yung tungkol sa kanila, ‘yung relationship nila? Pa’no kung totoo na napag-uusapan na nga nila ang kasal?”

Kaya nga hangga’t maaga, gusto kong tapusin na ang lahat. Naisip kong magpa-interview din at sabihin na hindi ko kahit kailan pinilit ang sarili ko sa ‘boyfriend’ niya at magsama na silang dalawa habang buhay at wala na akong pakialam. Pero hindi ko ginawa dahil baka mas lalo lang sumikat si Nicole dahil sa’kin.

“Ano na ang balak mo?”

“Wala. Ayoko nang mag-isip. Pagod na ‘kong mag-isip. Kung gusto nilang magpakasal, magpakasal sila, bahala sila. Basta ako, ayoko nang mag-isip.”

~~

PATULOY ang mga bali-balita tungkol kina Benjamin at Nicole at sa totoo lang, gusto ko nang mag-resign sa firm at kalimutan na ang lahat. Pagkatapos ng interview ni Nicole, hindi na ‘ko tinantanan ng mga tanong at pagtataas ng kilay mula sa mga tao sa paligid. May ilang reporters na rin na gusto ‘kong ma-interview, at kapag hindi na talaga ako nakatiis, magpapa-interview talaga ‘ko.

Ang nakakainis sa lahat ng nakakainis, wala akong narinig na anuman galing kay Benjamin. Ni hindi man lang ako kumustahin, tanungin kung ano ang nararamdaman ko sa mga kaguluhang nagaganap. Hindi man lang mag-sorry. Parang wala lang sa kanya ang lahat kaya hindi ko tuloy alam kung saan ako lulugar, kung maniniwala ba ako kay Tito Boy, o kailangan kong maghintay ng paliwanag ni Benjamin.

At nang ipakita sa akin ni Pam ang d’yaryo na sana ay hindi ko na tiningnan, lalong hindi na ako natuwa. Naroon ang picture ni Nicole Sequia, obviously happy showing everyone her sparkling diamond ring.

“Siguro naman ngayon, talagang matatauhan ka na,” pairap na sabi ni Pam.

“Chismis lang ‘yan.” Huminga siya ng malalim at inilapag ang diyaryo sa counter. 

“Chismis? Maya, talaga bang habang-buhay ka nang magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan sa lahat?” pilit nitong hininaan ang boses pero pakiramdam ni Maya ay dinig pa rin iyon sa buong coffee shop. “OA na ‘yang katangahan mo, ha.”

Totoo ‘yon, walang duda. Pero wala naman akong magagawa. Sa ngayon.  

“Kung ako sa iyo, matagal ko nang kinalimutan ‘yang lintik na Engineer na ‘yan at bubuksan ko ang mata ko para makakita ng ibang mas higit pa sa kanya,” sabi nito. “Mabuti pa nga si Noel, palaging nariyan. Kahit palagi mong tinatanggihan sa date at sa paghatid sa iyo, sige pa rin. At least si Noel, alam mong totoong mahal ka. At ikaw lang.”

Ewan ko rin dito kay Pam minsan. Noon, sobrang kontra-bulate pagdating kay Noel, at todo suporta sa love team namin ni Benjamin pero ngayon, baligtad na ang paniniwala.

“Kayo naman talaga ni Noel ang original na love team, diba? Panira lang ‘yang engineer na ‘yan e. Ginugulo lang n’yan ang buhay mo.”

Kung pagninilayan kong mabuti, may punto si Pam. Pero hindi dahil sa sinabi niya kung bakit madalas kaming nag-uusap ngayon ni Noel, at madalas na kaming magkasamang magkape. Nagkakataon lang siguro. Nagkakataon na nagkikita kami sa panahong inis ako sa mundo at kailangan ko ng kausap. Katulad nung isang araw pagkatapos kong makita ang Engineer at ang beauty queen na magkasamang lumabas mula sa opisina nito.

Noel invited me for coffee, which I couldn’t refuse. And that coffee led to dinner.

Dinner, which led to some more coffee and dinners the following nights. Hindi ko na rin maintindihan ang sarili ko kung bakit nga ba parang nag-eenjoy ako sa tuwing magkasama kami ni Noel na alam kong hindi naman dapat. Pero ano’ng magagawa ko kung talagang masaya siyang kasama? Marami kaming mga bagay na napagkakasunduan, maraming bagay na napag-uusapan. Siguro dahil na rin sa elementary pa lang, magkakilala na kami kaya gano’n. 

Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na magiging ganito pa rin kami ni Noel pagkatapos ng mga nangyari. Hindi naming pinag-uusapan ang tungkol sa nakaraan o sa kasalukuyan o sa hinaharap. We just enjoy each other’s company - we have coffee, dinner, we chat every now and then. Plain, simple. No complications.

“Sino’ng iniisip mo?” tanong ni Noel kay Maya nang ilang minuto na siyang hindi kumikibo. Nakaupo ito sa upuan na nasa harap niya. Hawak niya ang tasa ng kape na wala nang laman, at nakatingin sa kawalan. Ngitian lang siya nito at ipinagpatuloy ang pananahimik. “’Wag mong masyadong isipin ‘yon, mahal ka no’n.”

Sa mga nangyayayari ngayon, hindi na yata ako sigurado tungkol doon. Nangako si Benjamin na magdi-dinner kami sa Mandy’s pagkatapos ng trabaho. Isang linggo na siyang nangangako na hindi naman natutupad at ngayon na sana ang pagkakataon para mapag-usapan naming ang tungkol sa mga nangyayari pero bago pa man matapos ang trabaho nang araw na iyon ay tinawagan niya ako para i-kansela ang dinner dahil sa isang importante’ng bagay na hindi maaaring ipagpaliban. Siyempre, wala na naman akong nagawa kundi ang tanggapin ang katotohanan na hindi ko siya pagmamay-ari nang buo at kailangan ko na lang intindihin ‘yon. Kailangan kong manahimik at umintindi. Hindi naman iyon ang unang pagkakataon na ikansela niya ang date namin dahil kay Nicole. Hindi na niya iyon kailangang sabihin sa akin dahil nalalaman ko rin naman ‘yon sa balita kinabukasan.

Nasusuka na ako sa ganito, sa totoo lang. Ganito na lang ba ako palagi, palagi na lang maghihintay kung kailan siya libre, kung kailan niya ako p’wedeng i-date, kung kailan kami p’wedeng magkita? Hindi ko pinangarap na maging ganito habang buhay. Ayoko ng ganito. Hindi ko dapat siya hayaan na gawin sa akin ang ganito, at ipamukha sa akin ang kasalanan ko. Matagal na panahon na rin naman akong nagdusa dahil do’n at walang kahit na sino ang p’wedeng manakit sa akin, kahit nga si Benjamin pa. Pinipilit ko siyang intindihin dahil sa mahal ko siya pero tama pa rin ‘yung dati kong paniniwala na hindi sapat ang magmahal ka lang.

Nakangiti si Noel nang muling tingnan ni Maya, na sa palagay niya ay matagal nang nakatingin sa kanya. Hindi alam ni Maya kung si Noel ba ang nakatitig sa sa kanya o siya ang nakatitig sa binata. Nakaupo sila sa parehong mesa na kinainan nila ilang linggo na ang nakararaan, nakikinig sa parehong manganganta na tumutugtong ng parehong gitara. 

At bigla, naramdaman niya ang luma at parehong pakiramdam.

“Maya, okay ka lang?”

Okay lang, kailangan kong maging okay. Maraming beses nang tumunog ang cellphone ko simula nang dumating kami sa lugar na iyon, at hindi ko na rin mabilang kung ilang text messages na ang natatanggap ko mula kay Benjamin, hanggang sa matapos ang dinner at magpumilit si Noel na ihatid ako sa apartment.

“Good night,” sabi ni Noel sa kanya nang huminto ang sasakyan nito sa tapat ng bahay na tinutuluyan ni Maya.

“G-good night…salamat.”

Nang mga sandaling iyon, hindi ako sigurado kung ano ang nararamdaman niya nang nakatingin kami sa isa’t-isa. Hindi ako sigurado kung bakit ganoon na lang ang mga titig niya sa akin, na tulad ng nakaraan. Hindi ko gusto ‘yung mga gano’ng titig mula sa kanya dahil alam ko na problema lang ang dulot no’n. That has always been my weakness - Noel’s gaze had always made me do things that I know I’d probably regret sooner or later.

Hindi na hinintay ni Maya na ipagbukas siya ni Noel ng pinto at siya na mismo ang nagbukas no’n, pero pinigilan siya ng binata.

“Maya…” Hinawakan siya nito sa kamay, na hinayaan lang niya. “Alam kong nahihirapan ka sa sitwasyon ninyo ni Benjamin ngayon…pero hindi mo kailangang palaging maghintay sa kanya. I see you everyday looking at him, hoping for his smile. I know how difficult it is for you everytime you see him with somebody else. Nahihirapan akong nakikita kang nahihirapan, Maya.”

Inalis ni Maya ang pagkakahawak ni Noel sa kamay niya. “H-hindi ako nahihirapan,” sabi niya, mas pilit na kinukumbinsi ang sarili kaysa sa kausap. “Kung ano man ang nangyayari sa akin ngayon, ginusto ko ‘to. Alam ko ang ginagawa ko.”

“But you deserve more than that, Maya.”

Tuluyan nang lumabas ng sasakyan si Maya. Hindi niya kailangang marinig iyon sa kahit na kanino, lalo na kay Noel. 

~~

No comments:

Post a Comment

What's New

The Girl From The Coffee Shop 3 EPILOGUE

KUNG tatanungin kung gagawin ko pa rin ang mga desisyong nagawa ko noon, ang sagot ko, oo. ‘Yung tungkol kay Noel, alam ko na nakatakda i...