Friday, June 21, 2019

The Girl From The Coffee Shop 2 Chapter 8

KUNOT ang noo ni Benjamin na pumasok sa The Forum, at pansin ng lahat ng tao doon na hindi maganda ang mood niya. Agad siyang sinalubong ni Greg at sumunod hanggang sa pagpasok niya sa elevator. 

Iwas kay Benjamin ang lahat ng makasalubong at lahat ay nagmamadaling bumalik sa trabaho pagkakita sa kanya. Pagdaan niya sa space ng design team ay hindi niya nakita si Maya sa lugar nito. Naroon ang isang pumpon ng rosas sa ibabaw ng mesa, at saglit siyang natigilan. Those red roses had been bothering him eversince they started coming. Hindi niya alam kung kanino nanggagaling ‘yon, at hindi niya alam kung totoo na wala ring alam si Maya tungkol doon. 

Lumapit siya sa mesa ng dalaga, kasunod pa rin si Greg na nagtataka. Kinuha niya ang card na naroon sa bulaklak, binasa at kunut-noong inihagis iyon sa maliit na basurahan. “Si Miss Evangelista?” tanong niya kay Greg.

“N-nasa site po sir. One week na po sila ro’n.”

“Ano’ng oras ang susunod kong meeting?” Sinundan siya ni Greg hanggang sa opisina niya. Padabog na inilapag ni Benjamin ang briefcase sa sofa at hinubad ang coat. Isinunod niya itong inihagis sa tabi ng briefcase. Nakatingin lang sa kanya si Greg na nakatayo sa harap ng pinto. 

“Ten-thirty po, sir.”

“Ano’ng oras dumating si Miss Evangelista?”

“H-hindi na po dumaan dito, Mr. President. Tumuloy na po siya sa site.”

“Ano’ng oras ang balik n’ya?”

“H-hindi ko po alam, Mr. President.” Tumingin si Greg sa dalang notebook kahit alam nito wala naman doon ang sagot. 

Binuksan ni Benjamin ang sliding glass door ng opisina. Kinuha niya ang cellphone sa bulsa at tiningnan kung mayroong message si Maya, pero kahit isa ay wala. Ilang beses na niyang tinitingnan ang telepono simula pa kaninang umagang magising siya, umaasa ng kahit na anong paliwanag mula sa dalaga.

“Ah, Mr. President, tumawag po si Miss Nicole Sequia, hindi raw po kayo ma-contact. Itinatanong po kung ihahatid n’yo raw po ba siya sa airport o hindi.”

Tumangu-tango si Benjamin kahit pa hindi masyadong naintindihan ang sinabi ni Greg dahil nasa ibang bagay ang isip niya.

“May mga tumatawag po dito na mga taga-media, tinatanong kung p’wede raw po kayong ma-interview.”

“Tungkol saan?”

“T-tungkol daw po sa...sa inyo ni Miss Nicole, at Miss…Maya.”

“Tungkol saan?” muli niyang tanong. Muling pinindot ni Benjamin ang phone number ni Maya pero hindi pa rin iyon sinasagot ng dalaga. 

“S-sa inyo po ni Ms. Maya.”

“Ano’ng tungkol do’n?”

“M-may mga lumabas po kasing balita sa magazine tungkol sa inyo ni Miss Maya.”

“Magazine?” Muling kumunot ang noo ni Benjamin. 

Mabilis na kinuha ni Greg ang magazine na nasa magazine rack doon sa tabi ng sofa at binuksan iyon sa mismong pahina kung saan naroon ang larawan at artikulo na tinutukoy nito. Agad iyong iniabot ni Greg kay Benjamin na naroon pa rin sa veranda.

~~

MISS Maya, may naghahanap sa iyo.”

Kasalukuyang pinag-aaralan ni Maya ang mga disenyo ng proyekto at abala sa pakikipag-usap sa isa sa mga pintor doon sa site nang puntahan siya ni Jenny. Nakita niya ito na seryosong nakatayo sa pinto katabi si Benjamin. Gusto na sana niyang umalis at iwasan ito pero nahihiya siya kay Jenny, at sa iba pang tao na naroon. Ipinagpatuloy lang ni Maya ang ginagawa nang naiwan silang dalawa at tahimik lang siya habang tinitingnan ni Benjamin. Ilang araw na rin mula nang dumating ito mula New York, at lumabas ang balita tungkol sa engagement nit okay Nicole.

“Are you angry with me?”

Hindi iyon pinansin ni Maya. Inirolyo ni Maya ang mga plano, ibinalik iyon sa canister at inilapag sa ibabaw ng mesa kasama ng iba pa. Tinapos na niya ang pag-aayos ng gamit dahil ayaw na niyang magtagal pa sa lugar na iyon kasama ang binata. 

“Maya, I’m asking you, are you angry?” Kumunot ang noo ni Benjamin nang hindi pa rin siya nagsalita. “For Christ’s sake Maya, hindi ako marunong bumasa ng isip ng tao at hindi ko alam kung ano ang tumatakbo d’yan sa utak mo. Sabihin mo nga sa akin, ano na naman ang problema mo?”

Humarap si Maya sa binata at tiningnan itong mabuti. Sa lahat ng ayaw niya ay ‘yung pinipilit siya sa isang bagay na ayaw niya at alam na dapat iyon ni Benjamin.

“I’ve been trying to call you since last night. Nasaan ka ba?” tanong nito. “Sabi ko sa iyo, hintayin mo ang tawag ko, hindi ba?”

“Ang sabi mo, hindi tuloy ang dinner natin,” mahina niyang sagot, para hindi marinig ng mga naroon.

“Ang sabi ko, gagawa ako ng paraan para matuloy ang dinner. Hintayin mo ang tawag ko at tatawagan kita kapag naayos ko ang schedule ko. I’ve been calling you the whole night, Maya. Ilang beses akong nag-text at kahit na isang reply, wala akong natanggap. Nasaan ka ba kagabi?”

“Gumawa ako ng sarili kong schedule dahil ayokong maghintay sa wala ng buong magdamag.”

“Sino ang kasama mo kagabi at hindi mo nagawang tumanggap ng tawag?”

“K-kaibigan ko. Sinabi mo na hindi tayo matutuloy, may nagyaya sa’king mag-dinner, tinanggap ko-”

“Sino?”

Hindi alam ni Maya kung saan patungo ang usapang iyon. At parang siya na naman ang lumalabas na masama ngayon. Muli niyang tiningnan ang kausap. Seryoso ang mukha ni Benjamin, walang suot na coat at necktie, bukas ang unang dalawang butones ng long sleeves. Hindi niya alam kung bakit ito naroon sa tanghaling tapat, sa tirik na araw. Pawis na pawis ito, basa ang polo nito sa bahaging leeg, hanggang dibdib.

“Sino ang kasama mo kagabi?”

“Nagpunta ka ba dito para lang itanong sa’kin ‘yan?” mahinang tanong ni Maya. Tumalikod siya at lumabas na sa ginagawang gusali. Sinundan siya ni Benjamin hanggang sa labas, at sinundan rin sila ng tingin ng mga tao na naroon, pati ni Jenny. 

Hindi na siya nagsalita pa at tumuloy na lang hanggang sa nakaparada niyang sasakyan. Hindi lang sa hindi niya alam kung paano sasagutin ang tanong na iyon, kundi dahil sa ayaw talaga niya iyong sagutin. Binuksan ni Maya ang pinto ng kotse at handa nang umalis. Nagsalita siya na nanatiling nakatalikod sa kausap.

“Benjamin, p’wede ba, kung gusto mong makipag-usap, ‘wag dito. Mag-usap tayo sa ibang lugar, hindi dito. Hindi ngayon.”

“Bakit, anong problema dito?” tanong ni Benjamin sa kanya. Hawak nito ang bukas na pinto ng kotse niya. “Bakit hindi ngayon?”

“Gusto mo ba talagang pag-usapan tayo ng buong mundo?” tanong niya matapos humarap sa kausap.

Sa lahat ng mga nangyayari, pinilit ni Maya na maging normal ang araw-araw niayng buhay bilang empleyado ni Benjamin, bilang nilalang na nagmamahal sa isang tao na tulad nito. At hindi iyon madali dahil sa araw-araw na ginawa ng Diyos, marami siyang takot, marami siyang alinlangan. Hindi madali na gumising sa umaga para lang isipin ang tungkol sa kasintahan, na hindi nga niya sigurado kung kasintahan pa niya. Wala siyang ibang iniisip kundi ang binata, at lahat ng bagay na may kaugnayan rito at hindi niya alam kung tama pa ba ang ginagawa niya at kung bakit ba nito ginagawa na saktan siya nang ganoon.

“Bakit, Benjamin? Bakit mo ito ginagawa sa’kin?” tanong ni Maya. “Sa tingin mo ba, hindi ako naaapektuhan sa mga balitang naririnig ko? Ni hindi mo man lang ako kumustahin, tanungin kung okay lang ba ako, kung buhay pa ba ako…kung ano ang nararamdaman ko…Hindi ko na nga alam kung ano ang mararamdaman ko, eh. Dahil hindi ko alam kung mahal mo ba talaga ako o-” Hindi na itinuloy pa ni Maya ang kasunod na sasabihin dahil kahit siya ay ayaw niyang marinig ang posibilidad no’n. “Pinilit kong intindihin lahat, Benjamin. ‘Yung sa inyo ni Nicole, pikit-mata ko ‘yong tinanggap dahil sabi mo, maghintay lang ako. At naghintay ako…hanggang ngayon, naghihintay pa rin ako. Pinipilit kong balewalain lahat ng mga naririnig ko tungkol sa akin na isang…kabit, na walang kwenta, na isang barista lang at –“

“Bakit Maya, nasasaktan ka na ba? Hindi mo na ba kaya?” Hinawakan siya ni Benjamin ng mahigpit sa magkabilang braso, at tinitigan siya nito. 

Hindi niya naiintindihan ang ibig nitong sabihin pero sa paraan ng pagtingin ni Benjamin sa kanya nang mga sandaling iyon, parang ayaw na niyang malaman pa. Parang gusto siya nitong tunawin sa mga tinging iyon, at tuluyan nang mawala. Lalong humigpit ang pagkakakapit nito sa braso niya at tuluyan na siyang napaiyak. 

“Gusto kong marinig na nasasaktan ka, Maya! Sabihin mo sa’kin na ayaw mo na!” malakas na sabi ng binata na halos magpabingi sa kanya. “Sa totoo lang, kulang pa nga into sa ginawa mo sa akin noon. Naaalala mo pa ba kung ano ang ginawa mo sa akin? You let me believe you love me and I was so stupid to fall into your trap! I did everything for you, I loved you, I…I wanted to spend the rest of my life with you, Maya! I loved you so much and you just threw it all away! I built my whole life around you and how dare you disappear just like that?”

“Benjamin-“

“It is Engr. Contreras!” pasigaw na pagtatama ni Benjamin. “I did tell you to keep that in mind, didn’t I?” Binitiwan ni Benjamin ang braso ni Maya at bahagya itong lumayo. Nakatingin lang si Maya, patuloy sa pagluha, na siyang gusto nitong makita. “At tinatanong mo sa akin kung bakit ko ito ginagawa sa’yo? Ginagawa ko ito dahil gusto kong maramdaman mo kung gaano kasakit ang naramdaman ko ‘nung iwan mo ‘ko. Gusto kitang makitang nasasaktan, umiiyak, nagmamakaawa…I want you to feel the same pain, Miss Evangelista.”

Parang tinamaan ng kidlat si Maya nang marinig iyon mula kay Benjamin. Gusto niyang pumikit at sa muling pagdilat niya ay wala na ito sa harap niya, at hindi nangyayari iyon. He wanted her to feel the same pain. And she’s feeling it now, the pain that’s worse than anything she could ever imagine.

~~

WHAT happened?” Tinanaw ni Jeff si Benjamin na nakahiga sa hospital bed habang kausap ang nurse na nag-aasikaso sa pinsan. Katatapos lang gamutin ang mga sugat nito. 

“M-may nagdala po dito sa kanya kanina, sir. Bugbog na bugbog po.”

“Sino?”

“Hindi po nagpakilala. Iniwan na lang po s’ya rito.”

Pagkaalis ng babaeng nurse ay isinara ni Jeff ang pinto at lumapit kay Benjamin. Ngumiti ito, kahit pa halatang nasasaktan sa natamong sugat.

“Ano'ng nangyari sa iyo?”

“Wala.”

Tumingin si Jeff sa relo sa dingding, alas onse na ng gabi. Linggo noon, at araw ng paggo-golf ni Benjamin. “May nakaaway ka ba dahil sa golf?”

Umiling siya.

“Alam na ba ito ni Maya? Tatawagan ko siya,” anito, at kinuha ang cellphone sa bulsa ng pantalon. Pero bago pa man ito makapag-dial, pinigilan ito ni Benjamin.

“No, Jeff, do not call her. Don’t call anybody.”

“Bakit?” Nagtataka itong tiningnan siya.

“Just…just don’t call her.”

“Bakit, ano ba talagang nangyari? Dahil ba ‘yan kay Maya?”

Umiling siya. “Please, ayoko nang marinig ang pangalan na ‘yan,” seryoso niyang sabi. Nagulat si Jeff sa sinabi ni Benjamin, nagulat nito sa blangkong ekspresyon sa mukha niya. “Ayoko nang maririnig ang pangalan niya kahit kailan…”

Dalawang malalakas na suntok agad ang sumalubong kay Benjamin paglabas niya ng country club nang gabing iyon. Isang suntok sa pisngi na nagpadugo agad ng kanyang labi, at isang malakas na suntok sa tiyan. Napaupo siya sa sobrang lakas no’n at nabitawan niya ang mga dalang gamit sa golf. 

“Wala ka na ba talagang alam gawin kundi saktan si Maya?”

Pilit na tumayo si Benjamin at tiningnan ang lalaking nakatayo sa harap niya. Hindi pa niya alam ang nangyayari pero nang makita niya si Noel iyon, biglang kumulo ang dugo niya at bigla siyang napatayo. 

Muling nagpakawala si Noel ng isang suntok na agad na nailagan ni Benjamin. Siya naman ang nakatama sa mukha ni Noel. Matagal na niyang gustong gawin iyon, ang suntukin si Noel hanggang sa mawalan ito ng malay. Lahat ng galit na inipon niya sa maraming taon ay ibinuhos niya ngayon sa lalaking dahilan ng lahat ng nararamdaman niya.

Pero sadyang mas malakas si Noel. Mas malaki ang katawan nito kaysa sa kanya, mas matibay. Hindi niya alam kung saan nanggagaling ang lakas ng kamao nito at sa tuwing inuudayan niya ito ng suntok ay palagi nito iyong naiilagan. Ilang minuto pa ng pagpapalitan ng suntok ay hindi na kinaya ni Benjamin na tumayo. Duguan na ang mukha niya, pati ang suot niyang puting polo.

“Sabi ni Maya, huwag kong gawin ‘ito,” galit na sabi ni Noel, hawak ang duguang kwelyo ni Benjamin. “Pero sobra siyang nasasaktan sa mga ginagawa mo at hindi ko kayang nakikita siyang ganoon dahil lang sa iyo!”

Pilit pang tumatayo ni Benjamin pero hindi na talaga niya kaya. Kahit ang magsalita ay hindi na rin niya magawa nang maayos. Malabo na ang tingin niya at hindi na masyadong maaninag ang kaharap.

“Mahal na mahal ka ni Maya at hindi ko alam kung paano mo nakakayanan na saktan siya nang sobra-sobra. Samantalang ako, ang tagal-tagal ko siyang minamahal at hanggang ngayon, kahitalam kong imposible, nagbabakasakali pa rin ako na ako ang pipiliin niya. Kaya pasensiyahan na lang, Benjamin, pero kukunin ko siya sa iyo, ilalayo ko siya sa iyo! Hindi mo na siya makikita at hindi mo na siya masasaktan kahit kailan, naiintindihan mo?” 

~~

NANG dumating si Maya sa The Forum ay nakatingin sa kanya ang halos lahat ng tao roon, mula sa coffee shop hanggang sa pagpasok niya sa elevator, hanggang sa opisina ng design team. Sa simula, ayaw na sana niyang ituloy ang susunod na paghakbang sa entrance ng gusali. Ayaw n asana niyang muling tumuntong pa roon kahit kailan pero sabi ni Pam sa kanya, mas lalo lang siyang magmumukhang talunan kung bigla na lang siyang hindi magpapakita. 

Niloko na nga ako, iniwan na nga, mawawalan pa ba ako ng trabaho? At sabi pa ni Pam, nagawa ko na noon na maglaho nang parang bula, at kapag ginawa ko ulit ‘yon, redundant na. Kung masyado ko sigurong dinamdam ang mga pangyayari, dalawang lugar lang ang babagsakan ko. Mental hospital, o kaya sementeryo. Nagulat nga si Pam nang sumulpot ako sa coffee shop kinabukasan, akala kasi niya, hindi ko kakayanin. Akala niya, magtatago na naman ako at inaasahan na lang niya ang overseas call ko mula Mt. Everest.

Nag-aalala ang lahat sa’kin pagkatapos ng nangyari. Si Emman, sumugod agad sa apartment kasama si Pam. Si Jeff, tinawagan agad ako. At si Sir Diestro, tumawag din para mangumusta. Pati nga si Noel na hindi ko inaasahang makikiramay, naro’n din. Ang sabi ko naman, okay lang ako, kahit hindi. Basta, okay lang ako. Ayokong kaawaan ng mga tao dahil kahit ako, naaawa sa sarili ko. Ayokong isipin ng mga tao na mahina ako. Hanggat kaya ko, pipilitin kong mabuhay muli.

“Miss Maya…o-okay ka lang?” bating tanong ni Jenny kay Maya nang mailagay niya ang bag sa gilid ng mesa. Walang makikitang iba kay Maya ng araw na ‘yon liban sa malaking sunglasses na suot niya. Ayaw sana niya itong isuot, pero mas ayaw naman niyang makita ng iba ang namamaga niyang mga mata dahil sa magkahalong puyat sa trabaho, at sa pag-iyak. Wala pang isang linggo ang nakakaraan, hindi naman siya bato na walang emosyon at normal lang naman siguro na iyakan niya iyon minsan sa isang araw.

“Okay lang.” Ngumiti si Maya kay Jenny, katulad ng ngiti niya tuwing umaga. 

Alam ko na alam na ng buong mundo ang nangyari. May ilang nakasaksi sa mala-teleseryeng eksena namin ni Benjamin doon sa site at hindi na ako magtataka kung maibalita iyon sa CNN one of these days. Inaasahan ko na ang pagbaha ng e-mails at hate mails, pangba-bash sa social media, phonecalls at interviews.

May iniabot si Jenny kay Maya bago ito magsimulang mag-trabaho. Isang puting envelope, nakasulat ang pangalan niya sa likod.

“Invitation, Miss,” malungkot nitong sabi. “Para sa engagement party ni Engr. Contreras.”

~~

No comments:

Post a Comment

What's New

The Girl From The Coffee Shop 3 EPILOGUE

KUNG tatanungin kung gagawin ko pa rin ang mga desisyong nagawa ko noon, ang sagot ko, oo. ‘Yung tungkol kay Noel, alam ko na nakatakda i...