Sunday, June 23, 2019

The Girl From The Coffee Shop 2 Chapter 9

PUPUNTA ka ba?” tanong ni Pam kay Maya.  Nasa fast food sila noon kung saan sila parating kumakain noong barista pa lang siya sa coffee shop. “Hindi mo naman kailangang pumunta kung ayaw mo.”

“At bakit hindi ako pupunta? S-siyempre, pupunta tayo.” Inalis na niya ang suot na shades at kita pa rin ang pamamaga ng mata niya. Hindi rin alam ni Maya kung saan siya kumukuha ng lakas ngayon dahil liban sa malungkot na mga mata ay wala nang makapagsasabi sa hirap na pinagdadaanan niya.

“Maya, sigurado ka bang okay ka lang?” ulit nito nang nakatingin sa kanya.

“Okay lang ako, ano ka ba? Bakit ba parang lahat yata ng tao, ayaw maniwala na okay lang ako?”

“Dahil mahirap paniwalaan.”

Ngumiti si Maya, na para sa kanya ay napakahirap gawin. “Ayos lang ako, Pam, salamat.”
“Kung gusto mong umakyat ng Baguio, sabihin mo lang, hindi kita pipigilan. Kung gusto mo, sasamahan pa kita.”

Gusto ko talagang bumalik ng Baguio, kahit sa mismong oras na iyon pero hindi ko na tatalikuran at tatakasan ang problema ko ngayon.  Sabi ko noon, hindi ko kakayanin kung mawawala sa akin ang taong mahal ko. Hindi ko alam na mas malakas pala ako kaysa sa inaakala ko at mas may tapang pala akong harapin ang lahat kung gugustuhin ko. 

Hindi ko rin alam kung bakit parang napakadali sa akin na tanggapin ang lahat at kung bakit parang okay lang ako kahit na masyado akong nasasaktan. Sanayan lang siguro talaga. Nasanay na ako na palaging nasasaktan na parang wala na lang lahat para sa akin. 

Kaya alam ni Maya na maging si Benjamin ay nagulat nang makita siya sa opisina na nagtatrabaho na parang walang nangyari. Nang minsan silang magkasabay sa elevator ay gusto na niya itong paunahin pero alam niyang magkakasabay at magkakasabay rin sila ni Benjamin isang araw at wala nang dahilan para ipagpaliban pa iyon. Tiningnan niya ito sandali para ipakita rito na ayos lang siya at wala siyang balak na mamundok. Kasama nito si Greg, dala ang briefcase nito. Nginitian siya ni Greg at gumanti rin siya ng ngiti. At pagkatapos, katahimikan. Bumukas ang elevator sa 40th floor at lumabas na si Greg at gusto na rin sana niyang lumabas kasam nito pero naiwan lang siya sa loob kasama si Benjamin.

“How are you?”

Iyon ang biglang narinig ni Maya na tanong ni Benjamin habang abala siya sa pag-iisip. How are you. Lintik na tanong ‘yan, napakahirap ng sagot. Pagkatapos ng lahat, nakuha pa niyang magtanong kung kumusta na ‘ko. Tiningnan ko siya. May band-aid siya sa kilay, may gasgas sa kanang cheekbone. May pasa rin siya sa kanang itaas ng mata. Gusto kong itanong sa kanya kung ano ang nangyari pero pinigil ko ang sarili ko. 

“Nicole is expecting you to the engagement party. Are you coming?” tanong nito nang hindi tumitingin sa kanya.

Tumango siya. “O-of course.”

~~

OF course not,” sagot ni Benjamin sa tanong ni Jeff. Naabutan niya ang pinsan na naroon na sa opisina niya nang umagang iyon. 

“Come on, Benjamin. Ano ba talaga’ng gusto mong mangyari? You invited her to your engagement party, and then now, parang hindi ka makapaniwala na pupunta siya. Then, sasabihin mo na hindi ka naapektuhan sa tuwing nakikita mo siya na parang walang nangyari At lalo na kapag kasama niya ‘yung Mr. Buenaventura na ‘yon? Sa tingin ko nga, nagseselos ka eh.”

“Of course not,” mariing sabi ni Benjamin. Naupo na siya at nagsimulang magtrabaho. Bihira na lang niyang makausap ang pinsan ngayon dahil sa trabaho at sa bagong business ni Jeffrey. Mas madalas na nitong kasama ngayon si Maya, at nalalaman nito ang lahat nang tungkol kay Maya mula rito.

Nanatiling tiningnan lang ni Jeff si Benjamin na noon ay kunwaring abala sa pagbabasa. Pero ang totoo, bawat segundo na dumaraan ay si Maya lang ang iniisip niya at ang tungkol sa kanilang dalawa. Oo, nagkukunwari siyang maayos lang ang lahat at gusto niya ang nangyayari, na masaya siyang nakikita si Maya na nasasaktan. Pero ang totoo, hindi niya alam ang mararamdaman sa tuwing nakikita niya ang dalaga sa opisina na nakangiti at nakikipagtawanan sa mga kasamahan habang nasa ibabaw ng mesa nito ang mga pulang rosas. Para kasing kahit katiting na sakit ay wala siyang makita sa mukha ni Maya at hindi nito iyon maintindihan.

Nang makita ni Benjamin noon si Maya sa loob ng elevator, isa lang ang gusto niyang gawin. Gusto niya itong yakapin at halikan at gusto niyang baguhin lahat ng nangyari. Sa tuwing nakikita niya ang pagdating ng mga bulaklak sa mesa ng dalaga tuwing umaga at ang pagsundo ni Noel rito, gusto niyang itanong sa sarili kung ano nga ba ang dapat niyang mararamdaman.

~~

GOOD evening, Dad. I thought you were not coming.”

“I have to see it for myself to believe it.” Kinamayan ni Mr. Jaime Contreras ang anak at sagilit na niyakap. Kasingkatawan ito ng kanyang Tito Victor, kasingtangkad. Mas maiksi nga lang ang buhok at balbas nito, pero halos magkasingputi na rin. 

“Thanks for coming, Dad.”

Ang pagpapakasal niya ang tinutukoy ng ama. Nang sabihin niya ang tungkol sa kanilang dalawa ni Nicole, hindi ito natuwa. He didn’t expect him to come to his engagement party but he’s actually here now. 

Inilibot ni Jaime ang paningin sa kabuuan ng lugar. Marami nang tao sa Contreras Private Resort nang gabing iyon at masaya ang lahat ng naroon. masaya ang tugtog ng orchestra. Naroon ang lahat ng kilalang personalidad sa business at entertainment. Maraming artista, pulitiko at mga kaibigan nila sa negosyo. Naroon si Victor Diestro at ilang kaibigan nitong artists, si Jeffrey na paborito nitong pamangkin kasama ang business partner nitong si Raymond Guevarra, at iba pang tao na hindi na nito kilala. Muli nitong tiningnan ang anak. Nakangiti si Benjamin na nakamasid sa paligid, hawak ang isang baso ng scotch. That night, everything seemed to be perfect for Benjamin. His expensive suit, his fabulous party, his wealthy colleagues and friends. And his gorgeous fiancée.

“So, what is this, Benjamin?” tanong nito. “Alam mo ba itong ginagawa mo?”

“Ano’ng ibig n’yong sabihin?”

“Alam mo at alam ko ang ibig kong sabihin, hijo.”

Natawa siya. “Matagal n’yo nang gustong gawin ko ito, hindi ba? You’ve been forcing me to get a life, marry and settle down.”

“Marry and settle down with someone you really love. The question is, do you love her?” Si Nicole ang tinutukoy nito na noon ay masayang nakikipagkuwentuhan sa mga kaibigan na katulad nitong sikat at mayaman. “And even if you tell me that you do, you know that I won’t believe that. You know that nobody will believe that.”

“Dad, the least you could do is congratulate me.”

“And why should I? Iko-congratulate kita kung masaya ka, at kung masaya ako para sa iyo. Pero hindi, Benjie. Walang dahilan para i-congratulate kita.”

Ganoong-ganoon rin ang sabi sa kanya ng kanyang Tito Victor nang imbitahan niya ito sa engagement party na iyon. Na wala raw siyang maririnig na pagbati galing rito dahil hindi naman tama. At huwag raw niyang aasahan na susuportahan nito ang desisyon niya…

“Hindi dahilan na nasaktan ka ni Maya para saktan mo rin siya at magpakasal ka sa iba,” sabi pa nito. “Alam mong magiging biased ako, Benjamin. I have nothing against Nicole, she seems to be a good person pero matagal ko nang kilala si Maya. Parang anak ko na ‘yon. At kahit pamangkin pa kita, alam mong kay Maya ako kakampi.”

Gusto nang mainis ni Benjamin sa mga tao sa paligid niya dahil kahit na siya na ang nasasaktan, kay Maya pa rin ang simpatya ng lahat, kahit pa nga ang sarili niyang ama.

 “Are you expecting someone?” tanong ni sir Jaime nang mapansing kanina pa siya patingin-tingin sa paligid na tila may hinahanap. “Darating ba si Maya?”

“Why do you ask?”

“I haven’t seen her for a long time and I’m actually looking forward to seeing her here. She’s still a part of your firm, isn’t she? Hindi mo naman siguro aalisin sa trabaho ‘yung tao dahil lang sa-”

“She’s still at the firm, Dad. At wala akong balak na tanggalin siya sa trabaho.”

“Good. Alam kong magaling siyang designer. Kaya nga pinilit ko siyang tanggapin ang interior design position sa kumpanya mo.”

Napatingin si Benjamin sa matanda. “You what?”

“I guess I made the success of your new project possible, because of Maya.” nakangiti nitong sabi.

“Ikaw ang dahilan kung bakit nasa firm si Maya?”

Tumango ito. “Hindi mo man lang ba ako pasasalamatan?”

“Bakit ninyo ginawa iyon?” Naalala niya ang sinabi ni Maya na inoffer sa kanya ang trabaho at hindi ito nakatanggi. Ngayon, alam na niya kung bakit hindi ito nakatanggi. 

“Dahil iyon ang alam kong tamang gawin. Alam kong iyon ang gusto mo at kahit hindi mo sabihin, alam kong gusto mong makita uli si Maya.”

“But Dad -“

“She didn’t want to work for you, you must know that. She refused the job so many times but I begged her to at least give it a try. Alam kong mahirap iyon para sa kanya pero tinanggap niya iyon para sa akin.”

“Was that the reason why you wanted me back in Manila?”

Tumango si Jaime, natatawa. “I wanted to surprise you.”

Well, he was more than surprised. 

“Alam kong mahal mo pa rin siya hanggang ngayon kaya hindi ko maintindihan kung bakit kailangan mo itong gawin. Sa tingin ko, mas ikaw ang nagdurusa sa mga nangyayari kaysa sa kanya. You’re just pretending that you’ve moved on with your life and that you’re happy but the truth is that you are living in the past, Benjamin. Kahit kailan, hindi mo ginustong saktan si Maya at kahit kailan, hindi ka puwedeng magkunwari na hindi mo siya mahal.” 

Nang umalis si Maya, naging masyadong miserable ang buhay ni Benjamin. Matagal rin siyang nawala at nagpabaya sa trabaho. Ilang linggong walang balita ang lahat tungkol sa kanya at walang nakakaalam ng kinaroroonan niya.

Ilang buwan pa ang nakalipas bago siya nakitang muli sa isang ospital sa Baguio, ilang araw bago mag-Pasko. Nabangga ang bagong kotse ni Benjamin habang nagmamaneho nang lasing. Mahaba na ang buhok niya noong mga panahong iyon at napabayaan na rin niya ang bigote at balbas. Marami siyang natamong galos sa katawan at nabali ang kanyang kanang paa at kamay. Walang nakakaalam kung aksidente nga o talagang sinadya niyang ibangga ang sasakyan para matapos na lang lahat ang sakit na nararamdaman.

Nang magising si Benjamin sa mismong araw ng Pasko, isa lang ang taong hinanap niya. Si Maya. Pero matagal nang wala noon si Maya at wala nang nakakaalam kung nasaan ang dalaga.

Kaya ganoon na lang ang galit ni Benjamin sa dating kasintahan at naiintidihan naman iyon ni Jaime. Ang hindi lang malinaw sa matanda ay kung bakit ginagawa ni Benjamin ang katulad ng ganoon ngayon dahil alam nitong nasasaktan rin ang anak sa mga nangyayari.

“Darating ba si Maya?” muling narinig ni Benjamin na tanong sa kanya ng ama.

Darating nga ba si Maya? Hindi niya alam pero ang sabi ni Maya nang tanungin niya, darating raw ito. At kapag dumating ito, isa lang ang ibig sabihin noon - na hindi na ito nasasaktan sa lahat. Na tanggap na nito ang gagawin niyang pagpapakasal. That she doesn’t care about him anymore, that she doesn’t give a damn to whatever he wanted to do with his life.

Part of him wanted her to be there. He wanted to see with his own eyes that she’s hurting, that she’d be in so much pain the moment he announce his engagement to the world. But another part of him wanted her not to come because deep inside, he’s still hoping that somehow, she still loves him and she doesn’t want to see him with another woman.

~~

MAYA, nasaan ka na?” tanong ni Jeffrey sa kabilang linya. Nasa Contreras Private Resort na si Jeff, at dapat ay kanina pa rin siya naroon. Tanaw niya mula sa kanyang sasakyan ang napakaraming tao sa loob ng napakalaki at napakagandang lugar na naiilawan ng napakaraming ilaw.

Halos kalahating oras na siyang nakaupo sa loob ng sariling kotse, nakabihis ng pinakamagandang damit na ipinagawa niya sa paboritong designer, nag-iipon ng lakas ng loob. Kailangan niya ng lakas ng loob para harapin ang lahat ng tao roon at para harapin si Benjamin. Katabi niya si Pam at nasa driver’s seat si Emman na parehong naghihintay kung ano man ang magiging desisyon niya - kung tutuloy ba sila, o tutuloy ba silang umuwi na lang.

“Maya? Where are you? Parating na ba kayo?”

“Y-yes, Jeff, p-parating na kami,” mahina niyang sagot. Namataan niya ang ilang mga kilalang tao na pumapasok at lumalabas doon, at hindi niya alam kung guni-guni lang, pero parang nakita niya si Benjamin malapit sa gate na tila may hinihintay.

“Okay, we’ll be waiting,” sabi ni Jeff. “But Maya, you really don’t need to be here, kung ayaw mo, kung hindi mo kaya, walang problema, okay?”

Tumangu-tango si Maya. “P-parating na kami.”

Huminga ng malalim si Maya at binuksan ang pinto. Sumunod sa kanya ang mga kaibigan at binuksan na rin ang mga pinto pero wala ni isa man sa kanila ang nangahas na bumaba mula roon. Matagal silang nanatiling ganoon, nagpapakiramdaman, nagkakatinginan. At muling huminga ng malalim si Maya, umiling at muling isinara ang pinto. 

~~

No comments:

Post a Comment

What's New

The Girl From The Coffee Shop 3 EPILOGUE

KUNG tatanungin kung gagawin ko pa rin ang mga desisyong nagawa ko noon, ang sagot ko, oo. ‘Yung tungkol kay Noel, alam ko na nakatakda i...