Monday, June 10, 2019

The Girl From The Coffee Shop 2 Prologue and Chapter 1

PROLOGUE

KUNG mayroong pangyayari na gusto kong balikan, aaminin ko na ‘yon ay ang panahong nakilala ko si Benjamin at natutunan kong magmahal muli. Pero hindi naman lahat ng kuwento ng pag-ibig ay may happy ending. May mga bagay na talagang hanggang do’n na lang, katulad ng sa amin ni Benjamin, apat na taon na ang nakararaan. Akala ko noon, pagkatapos kong malaman na mahal niya ako, ‘and we live happily ever after’ na ang kasunod. Pero totoo’ng buhay nga pala ito at hindi isang fairy tale.

Ayoko na sanang alalahanin pa ang nakaraan dahil isa ‘yon sa mga pangyayaring sobra kong pinagsisihan pagkatapos. Alam kong kasalanan ko na hindi ko binigyan ng pagkakataon ang love story namin, dahil lang sa isang lumang pag-ibig - sa isang luma, at inaagiw na pag-ibig.

Pero hindi naman makatarungan kung ipagpapatuloy ko ang ibigin siya habang mayroon pa rin akong nararamdaman kay Noel, ang una kong pag-ibig na pinangarap ko na siya na ring huli. Nabuhay ako noon sa pag-asang si Noel ang para sa akin, na kahit ano pa ang mangyari, kahit ilang panahon pa ang lumipas, kami pa rin sa huli. Hanggang sa nakilala ko ang isang tulad ni Engr. Benjamin Contreras III, na pinaka-guwapong lalaki na nakilala ko sa buong buhay ko. Siya ang katuparan ng aking panaginip – isang panaginip na hindi ko inaasahan na magtatapos rin.

Kinailangan kong mamili sa pagitan ng isang luma at isang bagong pag-ibig, sa pagitan ni Noel na siyang noon ko, na dapat ay noon ko pa kinalimutan, at ni Benjamin, ang ngayon ko, na minahal ako bilang ako.

Ano nga ba ang mas mahalaga? Ang isang pag-ibig na habang buhay mong pinangarap at inasam o ang bagong pag-ibig na matagal mong hinihintay? Hindi ko kailanman inasahan na darating ang panahong mamahalin ako ni Benjamin. Siya, na alam kong hanggang panaginip lang. Pero ngayong mahal na niya ako, hindi ko alam kung bakit kailangan pa naming muling magkita ni Noel.

Inakala kong magiging madali para sa akin ang magdesisyon sa oras na muli kong makaharap si Noel dahil alam kong iyon na ang panahon para wakasan na ang dapat ay noon pa. Sinabi ko sa sarili ko na iyon na ang huli naming pagkikita at pag-uusap, at iyon na ang tamang panahon para makapagpaalam sa aking lumang pag-ibig. At pagkatapos no’n ay mas lalo kong mamahalin si Benjamin, at mas lalo kong mapapahalagahan ang lahat ng tungkol sa amin.

Pero hindi. Mas mahirap at mas kumplikado pala ang katotohanan kaysa sa inakala ko. Nang muli kong makaharap si Noel, nalaman ko na ang damdamin ko para sa kanya noon ay nararamdaman ko pa rin hanggang ngayon. Mas malalim, mas totoo, kahit pa sa paglipas ng sampung taon.

Alam kong mali ang umalis at iwan si Benjamin nang walang paalam, pero mas mali ang ipagpatuloy ang matagal nang tapos na kaya mas pinili kong lumayo, at makapag-isa.     

~~

CHAPTER 1

ONE cappuccino, please.”

“Oh my God! Kumusta na?” medyo malakas na bati sa kanya ni Pam na para bang hindi sila nagkita kahapon. “Akala ko, nagbibiro ka lang na pupunta ka rito!” Sa halip na asikasuhin ang order ni Maya ay dali-dali si Pam na lumabas ng counter para salubungin siya. Napatingin sa kanilang dalawa ang lahat ng naroon sa coffee shop at halos mabitiwan niya ang dala-dalang malaking fortfolio nang yakapin siya ng kaibigan.

Sa totoo lang, muntik na talagang magbago ang isip ko. Pero naisip ko rin na kung hindi ako babalik ngayon sa The Forum, kailan pa? Apat na taon na rin naman ang nakalipas at masyado na ‘yong matagal. Marami nang nangyari, marami nang nagbago. At isa pa, naipangako ko kay Pam noon na kapag handa ko nang harapin ang lahat at kapag napatawad ko nang sarili ko, babalik ako. Kaya narito ako ngayon.

“Ano’ng oras ang meeting mo?”

“Nine o’clock,” sagot ni Maya at tumingin sa relo ng coffee shop  - eight-thirty pa lang ng umaga. At noon, ganitong oras siya umaakyat sa opisina ni Benjamin para dalhan ito ng kape tuwing umaga.

Nang matanggap ko ang offer na magtrabaho bilang interior designer sa bagong real estate project ng Contreras-Contreras Architecture, nagulo ang mundo ko. Hindi ko alam kung tama bang tanggapin iyon o hindi dahil unang-una, masyadong prominente ang firm para sa ‘kin, na bagong designer lang. At pangalawa, hindi ko alam kung tama bang magkaroon pa ako ng koneksyon sa kumpanyang pag-aari ng isang nilalang na pilit kong hindi na alalahanin pa.

Ilang linggo ko rin ‘yong pinag-isipan. At sabi ko sa sarili ko, wala namang mawawala kung tatanggapin ko ang alok na magtrabaho sa Contreras-Contreras. Malaking project mula sa isang malaking kumpanya, malaking sweldo, magandang opisina, maraming benefits. Kahit pa nga  maraming alaala.

Naupo sandali si Maya at tiningnan ang kabuuan ng lugar. Matagal na siyang hindi nakatuntong sa The Forum at aaminin niya na na-miss niya ang dating pinagta-trabahuhan. Sa mga oras na iyon, hindi pa rin siya lubos na makapaniwala na naroon siya ngayon, pagkaraan ng apat na taon, hindi bilang isang barista, kundi isang propesyonal na interior designer. Marami na siyang natanggap na trabaho mula sa mga importanteng tao pero ang isang iyon sa Contreras-Contreras ang una niyang malaking proyekto bilang isang freelance designer kaya naman hindi niya maiwasan ang sobrang kaba.

Napakarami nang nangyari pagkaraan ng apat na taon. Marami akong natutunan nang manatili ako sa Baguio sa loob ng dalawang taon. Nakapag-isip-isip ako tungkol sa buhay, tungkol sa mga nangyari, maganda man o hindi, at tungkol sa sarili ko. Dalawang taon akong nagtago sa Baguio, takot humarap sa mundo at sa katotohanan na hindi ko maaayos ang mga bagay kung hindi ko ‘yon haharapin. Alam kong may mga tao akong nasaktan sa ginawa kong pag-alis, pero wala akong ibang alam na paraan. Inaamin kong naduwag ako, natakot ako. Pero ngayon, kahit mahirap, kailangan kong maging mas matapang na harapin ang lahat. 

“Pa’no kung bigla kayong magkita uli ni Benjamin?” tanong ni Pam sa kanya nang sabihin niya rito ang tungkol sa offer ng firm.

 Sabi ko kay Pam, hindi ako sigurado kung ano ang mangyayari kapag dumating ang oras na ‘yon dahil hindi ko alam kung galit pa ba siya, o hindi na. Kung galit pa siya, handa akong humingi ng tawad. Kung hindi na, eh di masaya. Pero pakiramdam ko, hindi niya ‘ko basta-basta mapapatawad dahil ako nga, nahirapang patawarin ang sarili ko, kahit hanggang ngayon, siya pa kaya?

Pero imposible’ng magkita kami ni Benjamin sa The Forum dahil balita ko, simula nang mamundok ako sa Baguio, hindi na ito madalas makita sa building. Palagi raw itong nag-a-out of town at abala sa mga negosyo nito sa ibang bansa. Mag-iisang taon na nga raw itong hindi nakakatuntong doon, at magandang balita iyon para sa’kin. Marami nang bagong mukha sa building at hindi na ako mangangamba na mayroon akong makakasalubong na makakakilala sa akin at makakaalala sa mga nangyari. At balita ko pa, mayroon na itong idini-date na isang sikat na TV personality na dating beauty queen. Maganda, mayaman. Sigurado akong nakatulong ‘yon sa kanya para makalimot – na sa tingin ko ay mabuti na rin. At least, naka-move on na siya. Ngayong may bago nang laman ang puso niya, hindi na siguro magiging mahirap para sa kanya ang lumimot at magpatawad.

Narinig ni Maya na tinawag siya ni sir Mike, ang manager sa coffee shop. Malapit nilang kaibigan si sir Mike kahit pa noong nagtatrabaho pa siya sa coffee shop. Suot pa rin nito ang paborito nitong dilaw na scarf sa leeg na parte na ng outfit nito kahit noon pa. Nagulat ito nang makita siya doon, lalo na sa ayos niya ngayon.

Malaki ang pinagbago ni Maya, mula sa casual style niya na simpleng jeans and shirt, ngayon ay kailangan niyang maging pormal, labag man iyon sa kanyang kalooban. Bago na rin ang kanyang hairstyle, na maiksi kaysa sa dati. Her entire fashion transformation made her look more respectable but classy, mature and formal but really attractive. Nagustuhan ni Maya ang lahat ng pisikal niyang pagbabago pero para sa kanya, wala naman talagang nagbago. Kung makikita siya ni Benjamin ngayon, natitiyak niya na magugulat ito. Pero mas siya siguro ang magugulat kung makikita niya ang binata sa gusali’ng iyon.

~~

SIR?”

Napatingin si Benjamin sa conference room habang kausap si Greg, ang bago niyang assistant. Mula sa glass doors ay tanaw niya mula sa hallway ang loob ng kuwarto kung saan nagmi-meeting ang buong Design team. Kasalukuyang nagsasalita ang isang babae sa harap ng karamihan, at bigla, parang mayroon siyang naalala.

“What time is the general meeting?”

“A, 10:30 po, sir.” Nagmamadaling binuklat ni Greg ang planner at hinanap ang schedule para sa araw na iyon. Halos magkasingtangkad sila ni Greg, magkasingkatawan, pero malayo ang itsura. Benjamin is like a GQ model, Greg is more of a geek, so to speak.

Nagulat ang lahat sa opisina nang bigla siyang sumulpot sa The Forum ng umagang iyon. Maraming buwan na ang nakakaraan mula nang huling siyang nakadalaw roon at hindi man lang siya nagpasabi na darating kaya nataranta ang lahat. Nakasunod pa rin si Greg sa kanya hanggang sa opisina.

“I need the report on the new project. And please tell Mr. Hernandez to come to my office. May mga kailangan akong papeles sa kanya.”

Nang makapasok sa opisina ay nanatili lang siyang nakatayo at tiningnan ang kabuuan nito. Wala pa ring nagbago sa kalahatan - ang mga gamit, mga furniture, pati ang mga paintings na nakasabit sa dingding, naroon pa ring lahat.

Matagal siyang nawala, at sa dalawang beses niyang pagbalik sa Maynila ay hindi niya pinangahangasan na pumasok sa sarili niyang opisina. At ngayon, nagbabalik sa kanya ang lahat. Nakapagpapaalaala sa kanya ang lahat sa nakaraan, lalo na ang watercolor painting na ‘yon sa likod ng kanyang upuan.

Agad niyang inialis ang tingin sa watercolor sunset painting. “You may go,” sabi niya kay Greg na halos nakalimutan niyang naroon pala. “And Greg, I need my cappuccino. Now.”

“R-right away, sir.”

~~

WELCOME to the firm!”

Iyon ang halos sabay-sabay at sunud-sunod na bati kay Maya ng mga tao sa loob ng conference room pagkatapos ng kanyang presentation. Marami sa mga ito ang nakakakilala sa kanya bilang magaling na visual artist at nagulat siya nang may ilan na naalala siya bilang dating barista ng coffee shop ng The Forum. At may ilan pang nagtanong sa kanya kung siya raw ba ‘yung dating girlfriend ni Engr. Benjamin Contreras III na bigla na lang nawala, apat na taon na ang nakakaraan.

 Ngiti lang ang itinugon niya sa tanong na iyon at wala siyang balak na i-confirm o i-deny dahil para sa kanya, masyado na ‘yong matagal at ayaw na niyang pag-usapan pa.

Sinamahan siya sa kanilang opisina ni Jenny, ang pinaka-masayahin sa lahat. Open space iyon, kasama ang working area ng buong design team. Naabutan na nila ang iba doon na abala sa pagtatrabaho.

“Miss Maya, this is going to be your space,” nakangiting sabi ni Jenny. Mas bata ito sa kanya ng dalawang taon. Sa tingin niya ay kasingtangkad ito ni Pam. Balingkinitan rin ito at papasa bilang isang modelo. “Sana magustuhan n’yong magtrabaho rito.”

Alam kasi nito na magiging designer lang siya ng firm para sa bagong real estate project, at pagkatapos ng kontrata niya ay aalis na rin siya sa kumpanya. Hindi naman niya kailangang palaging naroon sa opisina at pupunta lamang siya sa The Forum kung talagang kinakailangan, katulad ngayon, na kailangan niyang mag-attend  ng meeting kasama ang buong team.

Pagkatapos ng project niyang iyon ay plano uli niyang tumanggap ng ilang trabaho, at gusto niyang mag-concentrate sa exhibit ng grupo nina Maestro Victor Diestro, na propesor niya noon, at kaibigan niya hanggang ngayon. Kapatid ng ama ni Benjamin si Mr. Diestro pero kahit pa gano’n ang kinahinatnan ng love story nila ng binata ay nanatili pa rin niya itong matalik na kaibigan. Dahil hindi pa man sila nagkakakilala ni Benjamin ay naging propesor na niya ito sa art class niya noon sa UP.

Nang iwan siya ni Jenny ay nag-umpisa na rin niyang aralin ang iba pang mga plano na naroon sa kanyang mesa. Matapos niyang mai-present ang mga designs, maghihintay na lang sila ng approval ng buong board para masimulan na ang proyekto.

 At naisip n’ya, kung kasama si Benjamin sa general meeting ay maaring manganib ang posisyon niya bilang designer.

~~

GOOD morning, Mr. President. Ito na po ang cappuccino n’yo, Mr. President.”

Mabilis na nilingon ni Benjamin ang bagong dating na may dala ng cappuccino. Hindi niya naituloy ang gagawing pagtawag sa telepono dahil tila siya natuklaw ng ahas na nanatili lang na nakatingin sa babaeng iyon.

 “Sir, m-may gusto pa po ba kayong idagdag sa delivery?”

 That black cap, that black t-shirt and that yellow apron reminded him so much of her. He almost thought he saw her there, standing in front of him, with cappuccino in her hands.

“Mr. President?”

Saglit na ipinikit ni Benjamin ang mga mata para ialis sa isip ang alaalang iyon. “Y-you may go.”

Inayos niya ang necktie, agad na nagsuot ng coat at mabilis na lumabas ng opisina. Nadaanan niya ang mga empleyado ng firm at ang ilan doon ay napatingin sa kanyang direksyon. Ilan lamang doon ang nakakakilala sa kanya at halatang nagulat ang lahat sa pagkakita sa kanya pero wala siyang anumang narinig mula sa mga ito.

Mabilis siyang naglakad patungo sa opisina ni Mr. Hernandez na kanina pa niya hinihintay na puntahan siya at habang naglalakad ay mayroon siyang narinig na pamilyar na boses, pamilyar na tawa. Bigla niyang nilingon ang pinanggalingan no’n at nagulat nang makita ang isang pamilyar na mukha.

Malapit na siya sa elevator nang huminto siya, at pumikit sandali. Hindi niya maintindihan kung bakit bigla-bigla ay nakakakita siya at nakakarinig ng mga bagay na hindi niya dapat makita at marinig. Kahit kanina papasok sa building, sa pagdaan niya sa coffee shop ay muntik na siyang maniwala na si Maya nga ang nakita niya doon na kausap ni Pam.

Pero imposible ‘yon dahil apat na taon nang wala si Maya at walang dahilan para mapadpad ang dalaga sa gusali niya. At wala rin siyang dahilan para bigla itong maisip at maalala pa.

“Benjamin!” Napatayo si Mr. Hernandez nang makita siya sa pinto na katabi ang maganda nitong sekretarya.

“Good morning, Hernandez, it’s been a long time.” Ngumiti siya na lumapit sa senior engineer at nakipagkamay dito.

“You’re supposed to be in New York, hindi ba? Ano’ng ginagawa mo rito?” Pinaupo siya nito at inalok ng kape, na agad niyang tinanggihan.

“I’m here for the general meeting, which is happening in-“ sabi ni Benjamin na tumingin sa sariling relo, at naupo. “Fifteen minutes.” Napansin niyang habang tumatagal ay parang unti-unting nauubos ang manipis na nitong buhok, at lumalaki na rin ang tiyan ng matanda.

“Right, right, the general meeting. ‘Yun lang ba ang dahilan kung bakit ka biglang nagbalik?” nakangiti nitong tanong.

“May iba pa bang dapat na dahilan?” balik niyang tanong, nang nakangiti rin.

Nagkibit-balikat ang kausap niya. “By the way, have you seen the designs from the new team?”

Umiling siya.

“Well, it’s very impressive. Especially knowing the fact that the plan came from a new designer, it’s really impressive.”

Marami nang naririnig na magagandang bagay si Benjamin tungkol sa bagong proyekto, kahit pa nga mula sa kanyang ama. Ngayon, malalaman na niya kung bakit ganoon na lang ang paghangang natatanggap ng bagong designer ng kumpanya.

“And I assume you haven’t met the new designer?” nakangiti pa rin nitong tanong, ngiti’ng tila may ibig sabihin.

Muli siyang umiling. “Kadarating ko lang kanina, Hernandez, I haven’t met anybody yet.”

“Kadarating lang din niya kanina. Actually, it’s her first day at the firm today. Why don’t you see her now, welcome her to the Firm, and congratulate her for the job well done?” Tumayo si Mr. Hernandez at may kinuha sa file cabinet at ibinigay iyon sa kanya. “Tutal matagal na rin naman kayong hindi nagkikita ni Miss Maya Evangelista, hindi ba?”

“E-excuse me…s-sino?” Kumunot ang noo ni Benjamin dahil hindi niya alam kung tama ba ang dinig niya sa sinabi nito. Napansin naman iyon ng matanda at lalong lumaki ang pagkakangiti nito.

“Miss Maya Evangelista. She’s the new interior designer for the new project.”

~~

No comments:

Post a Comment

What' You've Missed