Quote of the Day

The idea of me is better than the reality of me. - Verity

Tuesday, July 16, 2019

The Girl From The Coffee Shop 3 Chapter 5

"MAYA!"

Ilang beses na pasigaw nang tinatawag ni Noel si Maya pero parang hindi siya nito naririnig. Lumalakas na ang ulan at lahat ng tao ay tumatakbo para humanap ng masisilungan pero patuloy lang si Maya sa paglalakad na tila ba walang pakialam kung mabasa man ito o hindi. 

"Maya!" muling tawag ni Noel. Hininto nito ang sasakyan sa gilid ng daan at mabilis nitong tinakbo ang kinaroroonan ni Maya.

Walang tugon mula sa dalaga. At nang lapitan ito ni Noel, hindi maitatago ni Maya ang pag-iyak nito. Humahalo na ang luha ng dalaga sa malakas na patak ng ulan. Wala na sa ayos ang buhok nito at namamaga na rin ang mga mata dahil marahil sa kakaiyak.

"Maya, ano'ng nangyari?" nag-aalalang tanong ni Noel. Inalalayan niya ito sa magkabilang braso pero hindi pa rin ito sumagot at patuloy lang sa pag-iyak at sa paglalakad. At sa tingin ni Noel ay wala nang pag-asang makakuha ng sagot mula dito katulad ng walang pag-asang tumila ang ulan.

Tumingala muna si Noel na para bang nanalangin na humina ang patak ang ulan at pagkatapos ay inalalayan si Maya sa pagtawid hanggang sa makarating sila sa sasakyan niya na nakaparada sa kabilang parte ng kalsada.

"Maya, ano ba ang nangyari, bakit ka umiiyak?" tanong ni Noel nang nakasakay na sila sa sasakyan. Pareho silang basa'ng-basa pero ibinigay niya kay Maya ang dalawang tuwalya na naroon sa upuan sa likuran ng kotse. 

Nanatili lang na nakaupo si Maya at hinayaan lang nito na ilagay niya sa balikat nito ang isang tuwalya at sa kandungan ang isa pa. 

“Ano’ng nangyari?” muling tanong ni Noel. Halata sa boses at sa mukha niya ang labis na pag-aalala. “Si Benjamin na naman ba?”

At dahil do’n muling tumulo ang luha ni Maya nang hindi nito namamalayan. Walang nagawa si Noel kundi ang yakapin na lang ito. Awang-awa siya rito dahil sa lahat ng ayaw niya ang ang makita ang dalaga na nasa ganoong kalagayan. Kung may magagawa lang sana siya, kahit ano, hinding-hindi niya hahayaang muling umiyak si Maya. Hinayaan lang ni Noel na umiyak si Maya sa balikat niya, at tinanggap lang ng dalaga ang kanyang mahigpit yakap. Iba-iba ang tumatakbo sa utak ni Noel – ang kalagayan ngayon ni Maya, kung ano na naman ang ginawa ni Benjamin, at kung ano ang mangyayari sa kanilang lahat pagkatapos no’n.

"Ihahatid na kita sa bahay mo."

"H-hindi. Ayokong umuwi," mariing sagot ni Maya, na ikinagulat ni Noel dahil hindi niya inaasahan na magsasalita ito.

"Saan mo gustong pumunta, ihahatid kita." Ano nga ba ang mararamdaman niya nang mga oras na iyon? Kasama niya ngayon si Maya, sa isang hindi inaasahang pagkakataon. Kasama niya ngayon ang tanging babae'ng halos nagpapaikot ng mundo niya - noon. 
"Kahit saan, dalhin mo ako kahit saan…kahit saan basta malayo dito, please."

~~

NAGISING si Maya dahil sa liwanag na nagmumula sa bintana ng kuwartong iyon. Sa simula, akala niya ay naroon siya sa sariling kuwarto pero nang iikot niya ang mga mata, sigurado siyang hindi kanya ang lugar na iyon - hindi sa kanya ang malaking abstract painting na nakasabit sa dingding, hindi sa kanya ang mga dekorasyong matchbox cars na maayos na nakahilera sa shelves. Hindi rin siya pamilyar sa mga litratong naka-display sa isang bahagi ng kuwarto. Makailang-ulit niyang inilibot ang paningin sa kabuuan niyon at nang mahagip ng kanyang mata ang larawan na nasa night stand, bigla siyang napaisip kung paano siya napunta roon. Dahan-dahan niyang kinuha ang larawan ni Noel at pilit isa-isang inalala ang mga nangyari noong nagdaang gabi.

Kagabi ang event ni Maestro Diestro, kasama niya ang kanyang mga kaibigan…naroon si Benjamin…at naroon rin si Nicole. Hindi na napigilan pa ni Maya ang mga luha. Na para bang patak iyon ng ulan na wala siyang kakayahang pigilan. Ngayon, bumalik sa kanya ang lahat.

Muling ibinalik ni Maya sa night stand ang lumang litrato ni Noel. Hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwala na nangyayari sa kanya ang mga nangyayari ngayon, na para bang palagi na lang siyang pinaglalaruan ng tadhana, at kung bakit hanggang ngayon ay parang naiipit pa rin siya sa pagitan nina Benjamin at Noel. 

"Good morning."

Mabilis na pinahid ni Maya ang mga luha at pilit na ngumiti.

“Dinalhan kita ng almusal,” medyo alanganing sabi ni Noel. “Sana okay lang sa’yo ito.” Isang tray ang dala ni Noel, na may lamang isang pinggang sinangag, piritong itlog at tocino, at isang malamig na fresh orange juice.

“H-hindi ka na dapat nag-abala pa.”

“Hindi naman ‘yan abala.” Matapos maibaba ang dalang tray sa may nightstand ay muli itong bumalik sa may pintuan at nanatiling nakatayo roon. “Kumain ka na.” Bagay rito ang suot na simpleng puti’ng T-shirt at lumang maong na pantalon. Nakasuot ito ng salamin sa mata at bumagay rito ang bago estilo ng gupit ng buhok nito. Bagaman pumayat ito nang bahagya, sa tingin ni Maya ay mas gumanda itong lalaki.

“Salamat, Noel.”

Ngumiti ito. “Iyan pa nga lang ang alam kong lutuin e. Kelangan pa ng practice.”

“Hindi lang naman dito sa almusal. Pati doon sa kagabi,” sabi ni Maya. Saglit siyang yumuko dahil nahihiya siya sa binata. “At sa pagpapatuloy mo sa akin dito.”

Tumango lang si Noel. “Kumain ka na at pagkatapos, magpahinga ka uli. Aalis lang ako, sasaglit lang ako sa opisina. May kailangan lang akong dalhing mga films, babalik rin ako agad.”

Paalis na sana si Noel nang muli itong tawagin ni Maya. “Noel, Okay lang ba kung mag-stay pa ako dito nang mas matagal?”

“O-oo naman.” Sabi ni Noel. Hindi maikakaila na nagliwanag ang mukha nito. “Kahit hanggang kailan mo gusto.”

~~

KAGAYA ng sinabi ni Noel, ilang oras lamang ay nakabalik na uli ito. Pinahiram siya nito ng ilang damit na pagmamay-ari ng pinsan nito na madalas bumisita roon. Ilang simpleng blouse, lumang pantalon, ilang shorts na p’wede niyang pagpilian. Sinamahan rin siya nito sa malapit na convenience store para sa mga kakailanganin niya habang naroon siya.

Hindi naman plano ni Maya na magtagal sa bahay ni Noel. ‘Yung weekend lang naman na iyon, para makapag-isip-isip ng dapat niyang gawin. Ano na nga ba ang mangyayari?

Binalak niyang tawagan si Pam at si Emman pero hindi rin niya iyon naituloy dahil hindi pa niya alam ang sasabihin at hindi pa siya handa. At alam rin naman niya na hindi magiging maganda ang reaksyon na makukuha niya sa mga ito kapag sinabi niya ang kinaroroonan niya ngayon. Siguro, hinahanap na siya ni Benjamin, pinapahanap na siya sa mga tauhan nito. At muli, gustong sumabog ng dibdib niya.

Aaminin niya na si Benjamin ang pinaka ayaw niyang nilalang sa buong mundo nang mga oras na iyon at sa tingin niya ay magtatagal iyon nang matagal na matagal. Sa ngayon, ayaw muna niyang makarinig o makakita ng kahit na anong makapagpapaalala sa kanya ng mga pangyayari kagabi. Ayaw niyang makausap kahit na sino, ayaw muna niyang umuwi. Alam niyang mali, pero mas komportable siya sa bahay na iyon; mas komportable siya na kasama si Noel, sa ngayon. Teka, bakit nga ba magiging mali samantalang wala na naman siyang anumang dapat alalahanin kung tungkol rin lang sa relationship niya kay Benjamin ang pag-uusapan.

Halos buong araw ng Sabado ay nanatili lang si Maya sa loob ng kuwarto na inilaan sa kanya ni Noel. Parang wala siyang ganang gumawa ng kahit na ano, kahit pa nga ang tumayo at maglakad-lakad at kung hindi pa siya yayain ni Noel na lumabas ng bahay ay malamang ay kinabukasan na siya lalabas doon.

Dinala siya ni Noel sa likod ng bahay nito pagkatapos nilang maghapunan. Palubog na ang araw at napakaganda ng tanawin mula sa kinatatayuan nila. 

 “Dito ako nagpupunta kapag walang trabaho o kaya kapag sobrang stressed.”

Pagkatapos noon, katahimikan. Matagal na silang magkakilala ni Noel, matagal silang hindi nagkita at dapat marami silang kuwento sa isa’t-isa. Dapat ay komportable silang pag-usapan ang mga bagay-bagay, pero hindi. Kahit anong pilit, alam nilang dalawa na hindi sila magiging lubos na komportable sa isa’t-isa dahil sadyang may mga bagay na mahirap limutin at isantabi.

“Salamat uli, ha.” Iyon lang ang nakayanan niyang sabihin. Para lang mabasag ang mahaba-haba nang katahimikang namagitan sa kanila. Nang tingnan niya si Noel, malayo ang tingin nito. Mahirap basahin kung ano ang iniisip ni Noel, kung masaya ba itong naroon siya o nagsisisi ito na isinama pa siya nito sa bahay nito.

“Ito naman, kagabi ka pa nagpapasalamat.” Natawa si Noel, na ikinapasalamat ni Maya dahil medyo nabawasan ang pagkailang nila sa isa’t-isa. 

“Kung wala ka kasi doon nung gabi’ng iyon, hindi ko na alam kung ano nang nangyari sa’kin,” sabi ni Maya, na totoo naman. Pagkaraan ng pagkikita nila ni Nicole, hindi na alam ni Maya kung ano na ang nangyari. Parang na-blangko ang utak niya, ni hindi niya namalayan na naglalakad na pala siya sa gitna ng malakas na ulan. Ang tanging alam lang niya nang mga oras na iyon ay ang sakit na dulot ng balita ni Nicole sa buo niyang pagkatao. 

Muli, katahimikan. Wala nang maisip na paksa si Maya na p’wede nilang pag-usapan at kahit pa sabihing naging magkaibigan sila at medyo naging malapit rin naman, hindi pa rin niya maiwasang mailang sa binata.

 “Nagkaka-ilangan pa rin ba tayo?” natatawang tanong ni Noel nang matahimik sila. “Hindi naman dapat diba?”

Hindi alam ni Maya kung tatango o iiling. Alam nilang parehong walang katotohanan iyon pero umayon na lang si Maya at ngumiti. Naupo si Maya sa upuang kahoy na nakaharap sa palubog na araw. Hinintay niyang umupo rin si Noel pero nanatili lang itong nakatayo sa tabi niya, nakatangin pa rin sa malayo. 

“Ano na ang balak mo?” pagkaraa’y tanong ni Noel. 

“Babalik na ako ng Manila bukas. Di ko p’wedeng iwan nang matagal ang trabaho ko.”

“Ihahatid kita. Kahit hanggang sakayan lang ng bus.”

Nag-uusap sila nang nakatingin lang sa palubog na araw. Si Noel, iniisip ang pag-alis ni Maya, ang muli nilang paghihiwalay at kung may bagay itong maaring gawin para pigilan iyon. Si Maya, iniisip ang mga bagay na naghihintay sa kanya sa Maynila at kung paano niya muling haharapin si Benjamin. 

“Paano kayo ni…Engineer?”

“Wala nang ‘kami’,” mapait niyang tugon.

Oo, tanggap na iyon ni Maya. Wala nang kahit na anupamang namamagitan sa kanila ni Benjamin at wala na siyang plano’ng kausapin ito o tanungin ito kung ano ang nangyari at kung paano nangyari dahil wala na rin namang patutunguhan iyon. Wala na sila, at iyon lang ang malinaw sa kanya. 

“Magkikita pa ba tayo?” narinig niyang tanong ni Noel.

Muli, nagkibit-balikat siya. “Kung nakatadhana na magkikita tayo, magkikita tayo.” Dahil ayaw niyang mangako ng isang bagay na walang kasiguraduhan at ayaw niya itong bigyan ng kahit ano’ng makapagbibigay rito ng pag-asa. 

“Okay na sa akin iyon,” sabi ni Noel. Kahit pa hindi nakikita ni Maya, alam niyang nakangiti ito. “Okay na sa akin ‘yung alam kong okay lang sa iyo na magkita pa tayo.”

“Noel-“

“Okay lang, Maya, don’t worry about me. Alam ko naman ang sitwasyon. Alam ko kung saan ako dapat lumugar.”

~~

SO, she did it again, huh?”

Naningkit ang mga mata ni Benjamin sa narinig mula kay Nicole. Binisita siya nito sa opisina niya, Lunes ng umaga. 

Matapos makipag-usap sa kanyang Tito Victor at sa iba pang importante’ng panauhin noong nakaraang gabi ay nagulat na lamang si Benjamin nang malaman ang pag-alis ni Maya at walang nakakaalam kung saan ito nagpunta, o kung bakit ito biglang umalis. Tinawagan na niya ang lahat ng maaari niyang tawagan - si Jeff, si Pam, pati si Emman. Pinakiusapan pa niya si Mang Tony na hanapin ang kasintahan sa mga lugar na madalas nitong puntahan, pero wala. Hindi tuloy niya maiwasang mapaisip - ang nangyayari bang iyon ay katulad ng pangyayari maraming taon na ang nakakaraan? Napailing na lang si Benjamin nang maupo sa sofa.

“Did you tell her anything?”

“W-well –“

“Well, did you?” galit na tanong ni Benjamin. Bilin na bilin niya kay Nicole na walang banggitin kay Maya dahil siya ang magsasabi ng lahat rito. Hindi niya alam kung paano iyon sasabihin sa kasintahan pero kailangang sa kanya manggaling iyon.

“Benj, I had to. I –“

“What exactly did you tell her?”

Tumayo si Nicole at nagpalakad-lakad sa harap ni Benjamin. Halatang kabado ito at takot sa kanya. “I-I told her about my c-condition…that I’m…pregnant. P-pero sabi ko naman, she doesn’t have to worry about your relationship. S-Sinabi ko lang sa kanya because I had to. P-Pero wala akong intensyong guluhin kayo.”

Hinubad ni Benjamin ang suot na salamin sa mata at padabog na ibinaba iyon sa center table. Iyon ang eksaktong sinabi sa kanya ni Nicole – na wala itong balak  na sirain ang relationship nila ni Maya dahil lang sa nangyari, na hindi na niya matandaan kung paano nangyari.

Ang naaalala lang niya ay ang huli nilang pagkikita ni Nicole – ang gabing ‘supposed engagement party nila noon. Nang hindi dumating si Maya, alam niya na hindi na into muling babalik pa. Nang mga oras na iyon, gusto na niyang tapusin ang lahat, gusto na niyang tapusin ang sariling buhay. At si Nicole lamang ang tanging naroon sa tabi niya para damayan siya. 

Pagkatapos ay malabo na ang mga sumunod na nangyari at nang muling  magpakita sa kanya ngayon si Nicole at sabihin ang kalagayan nito, ay tsaka lamang biglang nagbalik sa kanya ang lahat…

He remembered waking up in Nicole’s room, with nothing but a warm blanket covering his body. He didn't need to be a rocket scientist to know what has happened. Hindi na nagpakita pa si Nicole pagkatapos no’n and all he knew was that she went back to L.A., leaving everything behind – her career, her friends, her fame. He was able to talk to her a week after the incident and this was what she had to say – 

“Benjamin, don’t worry about what happened. We both wanted it and I guess we both needed it. No regrets. And I hope nothing will change between the two of us. Still friends, right?”

Tiningnan ni Benjamin si Nicole na nakatayo doon sa may veranda ng opisina niya. It’s been four months and she’s now wearing something that could hide her belly – a black and white striped dress and red flat sandals. Nang sabihin nito sa kanya ang kundisyon nito, halu-halong emosyon ang kanyang naramdaman - gusto niyang magalit sa sarili, gusto niyang magalit kay Maya dahil sa sakit na idinudulot nito sa kanya at gusto niyang magalit kay Nicole dahil sa nangyari’ng iyon. 

“I’m so sorry Benjamin. If I only knew that this is going to happen…”

Tahimik lang si Benjamin. Naro’n na ‘yon, nangyari na. Ang mahalaga sa kanya ngayon ay ang muling makita si Maya at makausap ito. Nang muli niyang tingnan si Nicole, abala ito sa paghahalungkat ng bag. 

“H-here, Benj.” Lumapit sa kanya si Nicole at may iniabot na maliit na brown envelope. “This is the reason why I dropped by. When I learned that she’s gone missing, I asked some of my friends to find her. Nabanggit ko sa kaibigan ko ang pangalan ni Maya…and good thing, Jacob knows a certain Noel and –“

“N-Noel?” putol na tanong ni Benjamin. Atubili niyang kinuha ang envelope na inilapag ni Nicole sa mesa. 

“My friend is a photographer who works for a guy named Noel Buenaventura. And just this weekend, this Noel was not able to go to work, which, according to Jacob, rarely happens. Noel told him that he’s got a ‘VIP’ and he needed the weekend off. And sabi ni Jacob, his boss said something like – his guest is very special to him, a girl named Maya.”

Unti-unting binuksan ni Benjamin ang envelope na iyon at dahan-dahang inilabas ang laman no’n. Three photographs, all with Maya in them.  Sa unang litrato ay naroon ang isang dalaga na kahit nakatalikod ay alam na alam niyang si Maya. Naglalakad ito papasok ng isang convenience store, at may kasama itong isang lalaki, na alam na rin niya kung sino. Sa ikalawang litrato ay si Maya pa rin, papasok naman sa isang itim na pajero habang pinagbubuksan ng pinto ng kasama nito. At ang ikatlo ay nang makababa na ang dalawa ng sasakyan. Kita rin sa background ang isang magandang resthouse.

Napasandal si Benjamin sa kanyang swivel chair matapos makita ang mga larawang iyon. Hindi siya makapaniwala sa nakita, ayaw maniwala ng utak at ng puso niya. Hindi niya lubos maisip na magagawa iyon ni Maya. Tatanggapin niya kung magalit ito at hiwalayan siya nito dahil sa nangyari pero hindi niya naisip na magagawa nitong muling makipagkita sa lalaking iyon, at muli siyang saktan.

 “Sorry if you have to know this way but I know how much you love her and I just cannot let her do this to you and see you suffer all over again.”

~~

No comments:

Post a Comment

Popular Posts