Quote of the Day

The idea of me is better than the reality of me. - Verity

Saturday, July 6, 2019

The Girl From The Coffee Shop 3 Prologue + Chapter 1

PROLOGUE

HAPPY ending. ‘Yan rin ang kinahinatnan ng love story nina Maya at Benjamin pagkatapos ng lahat ng mga nangyari. Happy ending. At ngayong nakabalik na sila sa Manila, balik trabaho at balik realidad na uli.

Naging masalimuot ang mga nakaraang buwan noong nakaraang taon para sa buhay ni Maya. Noong nakaraang taon, napagdesisyunan niyang bumalik sa The Forum at magtrabaho bilang isang freelance interior designer sa Contreras-Contreras Architectural Firm. Noong nakaraang taon, muli niyang nakaharap si Engineer Benjamin Contreras III at noong nakaraang taon, naramdaman niya ang iba’t-ibang emosyon na lalo lamang nagpatibay ng pag-ibig niya para sa binata. 

Akala ko talaga, tapos na ang lahat sa amin. Sobra ko siyang nasaktan nang umalis ako nang walang paalam at nang muli kaming nagkita, sinigurado niyang mararamdaman ko rin ang sakit na pinadama ko sa kanya. At oo, naramdaman ko ‘yon at mas higit pa. Pero tinanggap ko lahat ‘yon dahil alam ko na tama lang naman sa akin iyon. At kung kailan sinukuan ko na ang pag-asa na mapapatawad ako ni Benjamin, ay parang nagmilagro ang langit at muli niya akong minahal.

Ano nga ba ang nangyari?

Hindi natuloy ang Conteras-Sequia engagement party. Hindi rin alam ni Maya ang detalye dahil hindi rin naman niya kinayang dumalo roon pero ayon sa mga malalapit niyang kaibigan, mahinahong inanunsyo ni Benjamin sa mga bisita na hindi na matutuloy ang kasal. Kung paano natanggap ni Nicole ang lahat o kung natanggap nga ba nito ang mga pangyayari ay hindi rin niya alam.

Basta ang sigurado si Maya, hindi na matutuloy ang kasal nina Benjamin at Nicole – dahil sa kanya. At dahil sa kanya, umakyat si Benjamin sa Baguio at doon nila inayos ang mga dapat ayusin.

At si Noel? Hindi na rin alam ni Maya kung ano ang nangyari sa binata dahil bigla na lang itong nawala na parang bula, na mabuti na rin, sa tingin niya. 

Wala pang pormal na engagement na nagaganap pero para kay Maya, ganoon na rin iyon. Wala pang proposal, wala pang singsing pero minsan na s’yang tinawag ni Benjamin na ‘the future Mrs. Maya Evangelista-Contreras’ at para sa kanya ay sapat na iyon.

~~

CHAPTER 1

ALAS siyete y media pa lang noon at mangilan-ngilan na ang pumapasok na customers sa coffee shop. Ilang taon ring nagtrabaho si Maya doon kasama si Pam bago pa siya naging interior designer ng Contreras-Contreras, na nagpabago sa ikot ng kanyang mundo. Noon, simple lang ang buhay n’ya – bahay – coffee shop, coffee shop - bahay (at mga panakaw na tingin kay Eng. Benjamin Contreras III) - sa ganoon lang umiikot ang mundo niya. Pero simula nang mapansin ni Engineer ang kanyang kagandahan dahil sa araw-araw niyang paghatid ng kape sa opisina nito, nagsimula na ring maging kumplikado ang kanyang buhay. 

Aminin man o hindi, kumplikado pa rin naman ang sitwasyon ni Maya hanggang ngayon. Oo, abot hanggang langit nga ang pagmamahalan nilang dalawa ni Benjamin pero alam niyang wala pa ring kasiguraduhan ang lahat lalo pa’t hindi naman nila basta-basta maiaalis ang isang Nicole Sequia sa kwento ng kanilang buhay pag-ibig. At isa pa, hindi pa rin siya komportable sa lahat ng ‘yon dahil sa ayaw man niya o sa gusto, siya ang lumalabas na kontra-bida sa istorya ng pag-ibig nina Benjamin at Nicole – siya ang nang-agaw at siya ang dapat sisihin dahil sa miserable’ng buhay ngayon ng bidang babae.

Naranasan na niya ang ganoong klaseng kumplikasyon at hindi niya iyon nagustuhan. Pero iba ang sitwasyon ngayon – noon, pinlano ni Benjamin ang lahat – ang pasakitan siya, ang gantihan siya. Ngayon, wala na talagang Nicole Sequia sa buhay ni Benjamin. O wala na nga ba?

Kung hanggang ngayon ay parte pa rin ng paghihiganti ni Benjamin dahil sa nagawa niyang kasalanan ilang taon na ang nakakaraan, hindi alam ni Maya. Basta ang alam lang niya, mahal niya ang binata at ramdam niyang tunay na mahal rin siya nito sa mga pagkakataong iyon. Pero may mga pagkakataon pa rin na hindi niya maiwasang isipin kung totoo ba o panaginip lang ang lahat. Sa totoo lang, hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyayari sa kanya ngayon – sa career, sa love life. And everything seemed too good to be true, na minsan, nakakatakot na.

“Breakfast?” narinig ni Maya na mahinang tanong ni Benjamin nang makalapit ito sa kinauupuan niya doon sa coffee shop.

Ngiti lang ang naitugon niya dahil ngayon pa lang sila muling nagkita pagkatapos ng makasaysayang bakasyon nila sa Baguio noong nakaraang linggo. Hindi siya sigurado kung tama bang titigan niya nang ganoon si Benjamin pero nang mas lalo pa itong lumapit, parang biglang nag-slow motion ang lahat. nanatili siyang nakatitig rito, nakaupo at naghintay.

Benjamin was wearing a formal gray suit which made him gorgeous all the more. Parang kagagaling lang nito sa isang fashion show. Maraming kababaihan na naroon sa coffee shop ang tila huminto ang mundo sa pagdating ng binata at lahat ay napatingin dito. Kasunod nito si Greg na seryoso’ng nakatingin sa hawak na mga papeles. Saglit na nilapitan nito si Greg at may binulong dito bago bumaling kay Maya.

“Come on, breakfast in my office.”

Hindi na rin nakatanggi si Maya dahil kung ganoon ba naman ka-simpatiko ang magyayaya ng breakfast, wala talaga siyang magagawa. Kinuha niya ang kanyang bag at hindi na niya napigilan si Benjamin nang kunin nito ang ilan pa niyang gamit. Kinawayan na lamang niya si Pam bilang pamamaalam. Huling araw na ng kaibigan sa coffee shop at sa susunod na linggo ay magsisimula na ito sa bago nitong trabaho bilang call center agent.

Magkasabay sila ni Benjamin pumasok sa elevator. Sila lamang, wala nang iba pa. Tahimik lang si Maya dahil na rin sa sitwasyon – katabi niya si Benjamin sa loob ng isang elevator nang silang dalawa lang, at dahil sa hindi pa rin nawawala ang takot niya sa pagsakay doon.

“Are you okay?” tanong ni Benjamin nang mapansing tila balisa siya. “Baka mahimatay ka na naman ha,” birong sabi nito. Pagkadaka’y pasimple nitong hinawakan ang kanyang kamay at pinisil-pisil iyon.

Napangiti na lang siya, kinakabahan. Dalawang beses na siyang nahihimatay sa elevator na kasama si Benjamin at dahil doon ay napalapit sila sa isa’t-isa. Ilang palapag pa ay huminto ang elevator at may pumasok na isang grupo ng babae kaya binawi ni Maya ang kamay niya mula sa pagkakahawak ng kasintahan. Ang ilan sa mga ito ay halatang nabighani kay Benjamin. Todo ngiti ang mga ito at ang iba ay tila nahihiya pang makatabi ang binata. Nakangiting napailing si Maya. She exactly knew how these ladies feel. Ganoon rin naman siya dati sa tuwing nakikita ang engineer – at gano’n pa rin naman hanggang ngayon. 

Nang makarating sila sa opisina ng binata, ilang sandali lang ay kasunod na nila si Greg, kasama ang isang staff ng coffee shop na siyang may dala ng breakfast nila – dalawang mochaccino, blueberry cheesecake at tiramisu cheesecake. Mayroon ring kasamang isang stem ng red tulips ang delivery na agad na kinuha ni Benjamin nang sila na lamang ang naroon at iniabot iyon sa kanya. Doon sila sa lounge area nagbreakfast nang magkatabi sa itim na leather sofa.

“I missed you,” bulong nito sa kanyang tainga.

Muli, ngiti lang ang naitugon ni Maya. This was just an ordinary morning, a simple breakfast with Benjamin but why was she feeling butterflies in her stomach?

“Kung p’wede lang na i-cancel lahat ng meetings ko ngayon tapos, dito lang tayo buong araw,” sabi ni Benjamin sabay akbay sa kanya.

~~

MA’AM, narito na po si Mr. President.”

“Okay, thank you,” sagot ni Maya kay Mila, ang kanyang assistant. Maliit itong babae, kayumanggi, nakapusod ang mahaba nitong tuwid na buhok. Mukha itong magsisimba sa suot na mahabang palda at malaking salamin sa mata. 

Nagpatuloy lamang si Maya sa ginagawa sa laptop. Abala siya sa paggawa ng e-mail para sa isang kliyente nang narinig niya ang pagbukas at pagsara ng pinto ng kanyang opisina. Nagtaas siya ng paningin at naroon si Benjamin, nakatayo at mataman ang tingin sa kanya. 
Sa isang iglap, bumilis ang tibok ng kanyang puso at lihim siyang napangiti. Pormal na pormal ang itsura ng kasintahan sa suot nitong hight blue long sleeve shirt at khaki pants. He’s looking at her as if she’s made the biggest mistake of pouring hot coffee all over him.

“It’s late.”

Kumunot ang noo ni Maya. Halos isang linggo silang hindi nagkita ni Benjamin at iyon lang ang maririnig niya mula rito – it’s late? Wala man lang bang ‘hi, how are you’, o ‘I missed you’? At wala man lang kiss? Tiningnan niya ang relo sa kanyang mesa – 7 o’clock. Hindi na niya namalayan ang oras dahil sa dami ng ginagawa sa opisina. Actually, wala na siyang sense of time or day simula nang naging in-house interior designer siya ng Contreras-Contreras, eksaktong isang buwan na ang nakararaan. 

Tumingin rin si Benjamin sa sariling mamahaling relo sa kaliwang kamay. “It’s seven and it’s late.” Lumapit ito sa mesa at isa-isa nang inayos ang mga gamit ni Maya. Kinuha nito ang kanyang malaking itim na bag at isinukbit sa balikat. “Come on.”

“P-pero marami pa’ kong –“

“Honey, please, I’m starving. I came here straight from the airport at hindi pa ako nagla-lunch.”

Honey. I just love it everytime he calls me honey. Napailing na lang si Maya at alam naman n’yang wala na s’yang magagawa. Itinuloy na niyang iniligpit ang gamit n’ya at tuluyan nang tumayo. 

Dahil sa bagong Marina project ni Benjamin, bihira na lamang silang magkita dahil parati na lamang itong nasa Palawan at suwerte na ang dalawang beses sa isang linggo sila magkita. Mahirap, oo, lalo na’t nasa simula pa lang sila ng relationship. Pero nang maging in-house interior designer na siya ng kumpanya, halos parang hindi na rin niya namamalayan ang paglipas ng mga araw. 

Kaya nga nagdalawang isip akong tanggapin ang trabaho sa simula. Dahil ayoko ng gano’ng klaseng commitment, baka hindi ko kayanin pero naisip ko, okay na rin siguro na magpaka-busy ako sa buhay kaysa sa araw-gabi kong isipin si Benjamin. At ngayon, halos dalawang buwan pa lang ang nakakaraan pero parang taon na ang lumipas simula nang magtrabaho ako sa kumpanya. 

Pero hindi na ako gaya ng dati na sa bawat bagay ay nagpapaka-self-pity at hindi na ako gaya ng dati na takot magmahal at takot umasa. Hindi na ako ang dating Maya Evangelista na hopeless, jaded, walang pakialam. Ako na ngayon si Maya Evangelista na handa nang harapin ang anumang hirap at pasakit na kalakip ng pag-ibig.

Unang pumasok si Benjamin sa elevator, kasunod si Maya, at una rin itong lumabas. Hindi alam ni Maya ang iisipin nang mga oras na iyon dahil tahimik lang si Benjamin at kakaiba ang ikinikilos nito. Gusto niya itong tanungin, kumustahin, pero nag-aalangan siya kaya tumahimik na lang siya hanggang sa makarating sila sa nakaparadang sasakyan ng binata.

“So, how have you been?” simple nitong tanong sa kanya nang pareho na silang nakasakay ng kotse. 

“O-okay lang. Ikaw?” balik niyang tanong. 

“Hell.”

Bahagya niya itong tinapunan ng tingin at nakita niyang seryoso lang ito sa pagmamaneho. Gusto niyang itanong rito kung bakit at gusto niya itong aluhin pero hanggang ngayon, parang hirap pa rin siyang gampanan ang pagiging girlfriend ni Benjamin dahil para bang wala siyang anupamang magagawa sa mga hinaing nito sa buhay.

Siya lang naman si Benjamin Contreras III, isang hotel magnate. Chairman at CEO ng The Forum, co-owner ng ilang beach resorts sa iba’t-ibang parte ng Pilipinas at ngayon, ang The Marina sa Palawan. Literal nasa kanya na ang lahat at sa tingin ko ay hindi niya kailangan ng sinuman para umalo sa kanya. Hanggang ngayon, pagkaraan ng dalawang buwan ng pagiging girlfriend ng isang Engineer Contreras ay hindi pa rin maalis sa akin ang mga alinlangan at ang madalas kong itanong sa sarili ko bago matulog – sapat na ba ang isang tulad ko sa isang tulad niya?

“Maya, you seem so quiet,” sabi ni Benjamin. “And every time you keep quiet, I become nervous.”

Bahagyang natawa si Maya. “B-bakit?”

“You could be very unpredictable when you’re quiet. Baka nag-iisip ka na namang iwanan ako.”

Ngayon, nagagawa na lang nilang biro ang tungkol doon. That was the time when her immaturity and spontaneity ended their relationship, many many years ago. Pero dahil sa walang hanggang pag-ibig sa kanya ng binata, heto sila ngayon. 

“Problem?” muling tanong ni Benjamin. 

Umiling si Maya. Wala naman talagang problema, maliban na lang sa sobrang na-miss niya ito. Ilang sandali pa ay huminto na ang itim na BMW ni Benjamin sa tapat ng isang restraurant na hindi pamilyar sa dalaga. “Akala ko, magdi-dinner tayo?” tanong niya sa kasintahan. 

“Yes.”

“H-hindi sa Mandy’s?” Ang Mandy’s ay isang fusion restaurant, 20 minutes mula sa The Forum at doon sila madalas na kumakain lalo na’t ganito’ng kadarating lang ni Benjamin mula sa business trip.

“I feel like trying something new.”

The way he said it bothered Maya, as if he’s talking about not just about the dinner but about something more. Benjamin was not the type who wants trying something new. Kung noon, marami nang tatakbo sa isip ni Maya sa mga salitang iyon na binitawan ni Benjamin - na bilang na ang masasayang araw niya bilang girlfriend nito at gusto na nitong maghanap ng bagong babae – na hamak na mas maganda, mas matangkad, mas sikat, mas mayaman at higit sa lahat, mas karapat-dapat. Pero iba na si Maya ngayon. Medyo kinabahan lang siya sa kakaibang kilos ni Benjamin pero hanggang doon lang at hindi na niya hinayaan ang utak na kung saan-saan pa tumungo.

Isang lalaking nakasuot ng puting polo at itim na necktie ang nagbukas sa pintuan ng kotse para kay Maya. Naunang umakyat si Benjamin sa malawak na hagdan at hinintay siya nito sa mismong pintuan ng restaurant. Maraming tao sa loob, at kinailangan pa nilang makipagpatintero sa ibang customers nang magkahawak ang kamay para makarating sa ikalawang palapag. Uupo na sana si Maya sa bakanteng pandalawahang mesa na una niyang nakita nang pigilan siya ni Benjamin.

“Come,” sabi ni Benjamin at iginiya siya nito paakyat sa paikot na hagdan, papuntang rooftop. 

Malakas na hangin ang bumungad sa kanila nang makarating sila sa rooftop ng restaurant. Naramdaman ni Maya na hinigpitan ng kasintahan ang kapit nito sa kanyang kamay kasabay ng pagbukas ng mumunting ilaw roon. There was a wooden circular gazebo in the middle of the rooftop, which was filled with red and peach tulips. At the center of it was a small table for two. Maya just stood there, stunned.

“A-ano ito?” tanong niya kay Benjamin na noon ay may hawak nang bulaklak para sa kanya. Ni hindi niya namalayan ang pagdating ng mga waiters at ng isang bayolinista roon. 

“Happy Valentine’s Day, honey,” sabi ni Benjamin sabay abot ng hawak na bulaklak. 

“V-Valentine’s? Valentine’s was two weeks ago,” nalilitong sabi ni Maya. Hindi na nga ba talaga niya alam ang bawat araw na dumaraan?

“Yeah, kaya nga I’m making it up to you. Sorry we weren’t able to celebrate our first Valentine’s Day together.”

Nangilid ang luha ni Maya at basta napayakap na lang siya rito nang mahigpit. Sinasabi na nga ba niya – Benjamin is sweetest, the most romantic and the best boyfriend any girl could ever have - and she’s just the luckiest to have him. 

~~

MR. President, Mr. Bermudez called again, requesting for a brief meeting. Free po ang schedule ninyo at lunch time. Tatawagan ko na po ba siya?”

Umiling si Benjamin at tumingin sa relo.

Kasabay niyang maglakad si Greg patungo sa opisina. Kagagaling lang nila sa isang meeting with the Korean investor na palaging nagpapasakit sa ulo niya, at si Mr. Bermudez ay ang Pinoy counterpart ni Mr. Park.

“Tell him I’ll deal with him next week. Magulo s’yang kausap, maghintay s’ya ‘kamo.”

“S-sir?” tanong ni Greg, na gustong makasiguro sa narinig. “Sasabihin ko po talaga ‘yon?” 
Bahagyang natawa si Benjamin. It was supposed to be a joke but Greg wasn’t used to him joking around. “Just tell him that we’ll have the meeting next week.”

“O-okay po,” si Greg, na nagtataka sa kinikilos siya. Sa tinagal-tagal nitong assistant ni Benjamin, ngayon lamang siya nito narinig magbiro. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos, palagi siyang seryoso – abala sa trabaho at madalang ngumiti. Kung wala siya sa mga meetings ay naroon lang siya sa opisina, nakaharap sa laptop o kaya ay may kausap sa telepono. Bihira-bihira lang siya nitong makitang ngumiti at ang pag-ngiti niya ay iisa lang ang dahilan – si Maya.

“Mauna ka na sa opisina. Kapag may naghanap, sabihin mo nag-lunch, okay?”

“Noted, Mr. President.”

Pumasok na si Greg sa elevator samantalang naiwan doon si Benjamin, kinausap saglit ang assistant ni Maya na si Mila sa may reception area ng 49th floor. Simula nang i-hire ng kanilang firm si Maya para maging in-house interior designer, ito na ang umookupa ng opisina niya noon at lumipat siya sa 50th.  Ayon kay Mila ay nasa loob raw ang kasintahan at abala pa rin sa trabaho. 

Pagkatapos niyang kumatok ng dalawang beses ay binuksan na niya ang pinto at agad siyang nanibago sa ayos ng dati niyang opisina. Kung noon ay pormal na pormal ang kabuuan niyon, ngayon ay puno na ito ng makukulay na bagay – flowers, Maya’s own colorful paintings and different ornaments which create a very relaxing and smart appeal. Naabutan niya si Maya na nakatayo sa harap ng working table nito, matamang nakatingin sa nakalatag na blueprint doon. 

“Yes, Mila?”

Hindi sumagot si Benjamin at hinayaan lang niya itong tumingin sa direksyon niya. 

“Is there something-“ sabi ni Maya sabay taas ng tingin. Hindi nito naituloy ang gagawing paglipat ng blueprint nang makita si Benjamin na nakatayo sa may pinto. “Benjamin! Ano’ng ginagawa mo rito?”

“Just visiting my girlfriend,” sagot ni Benjamin. “It’s lunch time and this guy here is wondering if his girlfriend is free for lunch.”

Ngumiti si Maya. Nang tingnan nito si Benjamin, nakangiti rin ang binata sa kanya. Inilapag nito sa mesa ang mga hawak na papeles at isa-isa iyong muling tiningnan. Bukod sa mga papeles na iyon ay marami pa itong mga design plates na kailangang review-hin. Nitong mga nakaraang araw ay ni hindi na nito magawang lumabas ng opisina para kumain ng pananghalian.

“Sabi ni Mila, minsan raw hindi ka na nakakapag-lunch? At dinner?”

Benjamin sounded like a strict father than a boss. “M-medyo busy kasi, andami naming kailangang – “

“Pero masama’ng nalilipasan ng gutom. Come on, let’s have lunch.”

Sa halip na magligpit ng gamit at sumunod sa kasintahan, nanatili lang roon si Maya, hawak pa rin ang mga papeles. At kapag ganoon, alam ni Benjamin na hindi niya ito mapipilit. Sa tagal ng panahon, kilala na niya si Maya at alam niyang ayaw nito nang pinipilit. Nilapitan niya ang dalaga at naupo sa upuang nasa harap ng mesa nito.

“Okay, how about magpa-deliver na lang ako, then dito na lang tayo kumain?”

Tumingin si Maya sa relo na naroon sa ibabaw ng mesa. Twelve fifteen. She has a meeting with a client at 2pm. Marami pa itong oras pero marami pa rin itong kailangang gawin. Nang muli nitong tingnan si Benjamin, hawak na ng binata ang cellphone at handa nang tumawag para magpadeliver, naghihintay ng sagot. At bigla, na-realize ni Maya na si Benjamin na ang nagyayaya para mag-lunch, si Benjamin, na pinakaabala na yata sa buong mundo kaya wala itong karapatang mag-inarte ng ganoon sa harap ng kasintahan. He went his way to see her and invite her to have lunch and the least she could do is to be thankful.

“Anything but Japanese, please,” sabi nito.

Lumiwanag ang mukha ni Benjamin at lumaki ang ngiti. “No Japanese.”

That lunch was one of the best things that happened to Benjamin that week. With his job that seemed neverending, being with Maya was something that he looks forward to. Alam niya hindi na niya nagagampanan ang mga bagay na dapat niyang gampanan bilang kasintahan ni Maya. Hindi na niya ito nasusundo sa apartment o naihahatid sa opisina, wala siya para samahan ito sa mga lakad nito at hindi man lang niya ito makasama na manood ng sine o ma-imbita sa isang romantic date. Oo, boyfriend siya ni Maya pero parang hindi rin. Lagi siyang abala, parati siyang wala. At minsan hindi niya maiwasang matakot sa posibilidad na unti-unti’ng maglaho ang pag-ibig nito sa kanya.

~~

No comments:

Post a Comment

Popular Posts