Saturday, August 10, 2019

The Girl From The Coffee Shop 3 Chapter 8

BAKIT nga ba kung kailan dapat na niyang kalimutan ang mga bagay-bagay ay tsaka pa parang pinaglalaruan siya ng tadhana? Papasok pa lang si Maya noon sa opisina at kasalukuyang nag-aalmusal sa living room habang nanonood ng telebisyon nang marinig niya ang pangalan ng dalawang tao’ng gusto na niyang alisin sa buhay niya – si Eng. Benjamin Contreras III at Nicole Sequia. 

Hindi naituloy ni Maya ang pag-inom ng kape at napatingin siya sa TV kahit pa labag iyon sa kanyang kalooban. 

‘Pagkatapos ng ilang buwang pananahimik, muling nagbalik si Nicole Sequia sa Pilipinas para ipagpatuloy ang naiwan nitong showbiz career. Kilala bilang isa sa mga sikat na modelo sa Pilipinas at isang magaling na talk show host, tumulak patungong L.A. si Nicole para umano magbakasyon kasama ang pamilya. At ngayon, pagkaraan ng halos anim na buwan, inamin na ni Nicole Sequia ang totoong dahilan ng kanyang pag-alis…'

'…Humarap ang isang six-month pregnant Nicole Sequia sa isang press conference para sa nalalapit nitong bagong programa. Ikinabigla man ng lahat ang kalagayan ng modelo, nakangiti nitong sinagot ang lahat ng kontrobersiyang kinahaharap nito ngayon. Hindi man nito muna  pinangalanan ang ama ng dinadala, nangako ito na ipapakilala sa lahat ang masuwerte’ng lalaki sa takdang panahon…Matatandaang na-link si Nicole kay Eng. Benjamin Contreras III, isang kilalang negosyante ng bansa na kamakailan lang ay naging cover sa Architectural Digest.'

At pagdating naman niya sa opisina, ito ang sumalubong sa kanya –

'Nicole Sequia still looked amazing donning her baby bump, Sunday night at Santi Arcega’s fashion show.'

Sa lifestyle section iyon ng pahayagan. Iyon na nga ba ang sinasabi niya, hindi na dapat siya nanonood ng telebisyon o nakikinig ng radyo o nagbabasa ng kung anu-ano. At nang umagang iyon, maraming tawag ang natanggap ni Maya – mula kay Pam at kay Emman at kay Jeff, maging sa designer niyang si Santi. Lahat, nagtatanong kung totoo raw ba ang balita, lahat kinukumpirma sa kanya kung si Benjamin nga raw ba ang ama ng dinadala ni Nicole. Kung p’wede lang niyang sabihin sa mga ito na hindi siya ang dapat tinatanong tungkol doon dahil hindi naman siya ang buntis. 

At wala pang tatlong minuto nang matapos siyang makipag-usap kay Pam nang muling tumunog ang kanyang telepono. 

“Come to my office, now.” Malaki ang boses na narinig ni Maya sa kabilang linya. 

Pagkatapos no’n, busy tone na ang sumunod. Lalo lamang uminit ang ulo ni Maya sa natanggap na tawag na iyon mula kay Benjamin. Ano na naman ba ang gusto nito ngayon? Padabog niyang ibinaba ang telepono at agad na tumayo. Hanggang sa pagdating niya sa opisina ng binata ay nakasimangot siya at lalo siyang napasimangot dahil sa naabutan niya sa loob.

Nakatayo si Benjamin, sa tabi ni Nicole. Kung ano man ang pinag-uusapan ng mga ito, sigurado siyang nakakatawa dahil dinig niya ang nakaiinis na tawa ni Nicole habang bumubulong sa tainga ng binata. Kailangan pa niyang tumikhim para lamang ipaalam sa mga iyon ang kanyang pagdating.

“Oh, you’re here,” sabi ni Benjamin nang makita siya sa may pinto. “These are some of the revisions done in our last board meeting. Review them and set a meeting with the design team immediately.”

Inilapag iyon ni Benjamin sa mesa kaya sa ayaw man o gusto ni Maya, kailangan niyang lumapit para kunin iyon. Agad rin siyang lumayo at bumalik sa kinatatayuan kanina na para bang may kung anong sakit na nakakahawa ang dalawang kasama niya sa loob ng opisina.

“I’ve got to go, honey. We have to prepare for the baby shower pa,” sabi ni Nicole sabay halik sa labi ng kasintahan, na hindi nakaligtas sa mga mata ni Maya. 

Naningkit ang mga mata niya at yumuko, at nagpanggap na nasa hawak na papeles ang atensiyon. Alam niyang ginawa iyon ni Benjamin dahil alam nitong nakatingin siya. 

“Bye, Maya, see you around,” paalam pa ni Nicole sa kanya na para bang malapit silang magkaibigan. Mabuti na lamang at hindi nagtangka’ng humalik sa kanya sa pisngi ang babae’ng iyon kundi ay hindi talaga niya alam ang maaaring mangyari.

“May kailangan pa ba kayo, sir?” matigas na tanong ni Maya nang wala na si Nicole. 

Mula sa laptop ay tiningnan ni Benjamin si Maya. “Oh, bakit ganyan ang mukha mo?” tanong nito sa kanya nang makita siya nitong tila hindi maipinta ang mukha. “Para kang lalaban sa giyera.”

“May kailangan pa ba kayo, sir?” ulit ni Maya.

“Nagseselos ka ba?” natatawang tanong nito. Lumapit ito ng ilang hakbang palapit sa kanya. 

“Please Engr. Contreras. Wala akong panahon sa ganito.”

Umiling lang si Benjamin, nakangiti pa rin. Muli, humakbang pa ito palapit. “Aminin mo na, Ms. Evangelista.”

“A-aminin ang alin?” 

“Na nagseselos ka. I can see it in your pretty little eyes.”

Si Maya naman ang humakbang, hindi palapit sa binata kundi paatras. Pero hindi siya magpapatalo rito. “Does your bloated ego need a little boosting today?” 

“Come on, Maya. Matagal na kitang kilala. Your eyes always give you away.”

Hindi siya nakatugon. Tumingin siya sa malayo at tsaka muling tumingin sa kaharap at muli, humakbang siya paatras. She needed some space, she needed to get away from the man as far as possible. But just as she’s about to turn around to leave, Benjamin immediately pinned her to the door. 

“Aaminin mo ba o…hahalikan kita?”

She found it difficult to breathe, with Benjamin’s face so near. “H-hindi mo magagawa ‘yan…hindi mo kaya.”

“Dare?”

“D-dare,” lakas-loob niyang tugon. Unti-unti pang lumapit si Benjamin hanggang sa halos wala nang namamagitang espasyo  sa kanilang dalawa. Gagawin ba iyon ng binata? Hindi, hindi nito iyon kayang gawin.

At nasagot ang tanong niyang iyon sa sarili nang naramdaman niya ang isang kamay nito sa baywang niya habang ang isa pa ay dahan-dahang dumantay sa kanyang pisngi. Oo, kaya nito iyong gawin.

Hanggang sa tatlong pulgada na lang ang pagitan ng mga mukha nila…dalawang pulgada…isa. Kapwa na sila nakapikit nang mga oras na iyon, kapwa naghihintay ang mga labi…

At may narinig silang malakas na katok sa pinto.

~~

NANGINGINIG pa rin si Maya dahil sa inis nang bumalik sa sariling opisina at lalo pa iyong nadagdagan nang biglang nag-ring ang kanyang telepono hindi pa man siya nakakaupo sa kanyang upuan. 

“Ano na naman ang kailangan mo?” galit niyang tanong nang sagutin ang tawag na iyon. 

“S-sorry, Maya. Busy ka yata, sige, sa ibang araw na lang ako tatawag.”

Si Noel iyon. Bigla, nanliit si Maya at parang gusto niyang kainin na lang ng lupa. Dahan-dahan siyang napaupo. “N-Noel! Hi…sorry, akala ko kasi ‘yung tumawag rito kanina, isang tao’ng walang magawa…” nahihiyang sabi ni Maya nang malamang si Noel ang nasa kabilang linya. “N-napatawag ka?”

“M-may ka-meeting kasi ako mamaya d’yan sa building ninyo, naisip ko lang na baka may libre kang oras. Kahit kape lang.”

Matagal pa bago nakasagot si Maya. At nang muling mahagip ng mata niya ang d’yaryo kung sa’n naroon ang balita tungkol kay Nicole ay naging madali ang sagot niya. “S-sige.”

“Susunduin na lang kita sa opisina n’yo. Kita tayo sa lobby ng mga alas-sais?”

Sumang-ayon si Maya dahil sa tingin niya ay wala rin naman siyang kakayahang makatanggi dahil sa tingin niya ay iyon ang kailangan niya para kahit paano ay makalimutan niya ang mga nangyayari sa paligid.

Dahil sa araw na iyon ay ang buwanang meeting ng firm kasama ang buong board at CEO at ang ibig sabihin niyon ay muli niyang makikita si Benjamin pagkaraaan ng ilang araw nitong pamamalagi sa Palawan, pagkatapos ng nangyari kanina sa opisina nito. 

Pero sa awa ng Diyos, nagsimula at natapos ang meeting nang hindi siya ginambala ni Benjamin. May isang salita rin pala ang tao’ng iyon, naisip ni Maya dahil ni hindi siya nito tinapunan ng tingin buong araw, na dapat ay ikapanatag ng kanyang kalooban. 

Eksaktong alas sais ng gabi bumaba si Maya sa lobby at naroon na rin si Noel, na maganda ang ngiting isinalubong sa kanya. Nagpunta sila sa café na madalas nilang puntahan noon, ‘yung may iba’t-ibang klaseng upuan, ‘yung may lalaking kumakanta at naggi-gitara. Surprisingly, nothing has changed about the place. Same decors, same interiors, same menu. Pati ang mga nagse-serve roon ay hindi nagbago.

Pero ramdam ni Maya na may kakaiba sa gabi’ng iyon. Mas pormal ang suot ni Noel kumpara sa mga nakaraang pagkakataong nagkikita sila ni Maya at wala itong dalang knapsack at camera na palagi nitong bitbit. 

Maayos namang natapos ang hapunan at wala naman talagang nagbago sa pagitan nilang dalawa, maliban sa isa - ang paraan ng pagtingin nila sa isa’t-isa. Ayaw mang aminin ni Maya, may nangyayaring pilit niyang pinaglalabanan.

“Salamat sa dinner.”

Ipinagbukas ni Noel ng kotse si Maya at inihatid hanggang do’n sa pinto ng tinutuluyan nitong apartment. “You’re welcome.”

“At salamat sa paghatid,” nakangiting sabi ni Maya.

“You’re welcome,” nakangiti uli’ng sagot ng binata. Lumingun-lingon si Noel sa paligid. “Okay naman dito diba? Tahimik naman, wala ka namang nagiging problema?”

Tumango siya. “Salamat sa iyo.” Kinuha na ni Maya ang mga gamit niyang dinala ni Noel para sa kanya. “Salamat dahil parati kang nariyan.”

“Basta ikaw.” Napakamot ng ulo si Noel at pagkatapos ay inilagay ang dalawang kamay sa bulsa ng pantalon. 

“Bakit nga ba ang bait-bait mo pa rin sa’kin, ha?” birong tanong ni Maya, na sana ay hindi na lang niya naitanong.

“Alam mo naman kung bakit.”

Oo, alam ni Maya pero ayaw pa rin naman niyang mag-assume, lalo na kung iisipin kung gaano kakumplikado ang buhay niya ngayon.  At siguro, hindi pa rin niya kayang paniwalaan na ganoon na nga. “Noel, you deserve someone better, ‘yung tao’ng magmamahal sa’yo nang buo, ‘yung talagang ikaw lang.”

Umiling si Noel. “Hindi ko naman kailangan ‘yon e. Kahit nga siguro kalahati lang, ayos na sa’kin. Basta alam ko na kahit konti, mahalaga ako, okay na ako.” 

Mahigit isang dipa ang layo nina Noel at Maya sa isa’t-isa at dahil medyo madilim, hindi maaninag ni Maya ang mukha ng binata. Pero ramdam niya ang sinseridad nito.

“Maya, masaya na ako sa kung ano mang meron tayo ngayon. Just the fact that we can actually do this…‘yung lumabas-labas, naihahatid kita, ‘yung nakakasama kita at nakakausap, masaya na ako. Noon, isip ako nang isip, halos di ako makatulog kakaisip kung paano kita malalapitan o makakausap uli pero heto ako ngayon, kaharap ka. Kaya, huwag mo akong intindihin, okay? Masaya ako ngayon.” Bahagyang lumapit si Noel kay Maya pero sapat lang para makita nito ang mga mata niya. “Hindi mo kailangang mangako, hindi ko hihilingin na ako lang dapat ang nasa puso mo. Ni hindi ko itatanong sa iyo kung hanggang kailan tayo ganito o magpipilit na sana habang-buhay kitang makasama. Maya, alam ko naman na mahal mo pa rin siya hanggang ngayon, at kung papilipiin ka sa pagitan naming dalawa, siya ang pipiliin mo. Okay lang sa akin kung isang araw bigla na lang magbago ang isip mo, na ayaw mo akong makita. Basta isa lang ang hiling ko, Maya, sabihin mo sa akin kapag dumating iyon, kausapin mo ako bago ka umalis para naman mapaghandaan ko kahit paano.”

Hindi alam ni Maya kung ano ang mararamdaman dahil malinaw naman ang ibig sabihin ni Noel. Lalayo ba siya o bibigyan niya ito ng pagkakataon? Naisip ni Maya, halos buong buhay niyang kilala si Noel at ito lang ang tanging tao na kilala siya kung ano siya at ang tanging lalaki na nakaiintindi sa kanya. Si Noel lang ang lagi niyang naaasahan at higit sa lahat, si Noel lang ang lalaking kailanman ay hindi siya nagawang saktan. At ngayon, sinasabi nito na basta nariyan siya, ayos na, na wala itong hinihinging anumang kapalit sa lahat ng pagpapahalaga at pagmamahal na ibinibigay nito sa kanya.

Iyon na ba ang tamang panahon para bigyan niya ito ng pagkakataon? Oo, sabi ng utak niya. At sa kauna-unahang pagkakataon ay makikiayon na yata sa desisyong iyon ang kanyang puso.

~~

NAGMADALI po akong pumunta rito nang matanggap ko ang tawag.”

Ngumiti si Mr. Victor Diestro nang makita si Maya. Nakahiga ito sa malaki nitong kama, may cast ang kanang paa. “Hindi mo naman kailangang magmadali, hija,” natatawa nitong sabi. 

Hindi siya nakarating sa usapan nila ni Noel nang gabing iyon dahil papunta pa lang siya sa opisina nito ay natanggap na niya ang tawag ni Benjamin. Inilapag ni Maya ang dalang isang basket ng prutas at isang bouquet ng bulaklak sa night stand na katabi lamang ng higaan ng matanda. Matagal na niyang hindi nakikita si Mr. Diestro at dahil sa mas dumami na ang puti’ng buhok nito, sa tingin niya ay mas nagmukha itong mas matanda. 

“Ano po’ng nangyari?” 

“Sprained ankle.”

Tumalikod si Maya nang marinig ang boses na iyon. Si Benjamin. Nakatayo ito, nakahilig sa pintuan. May dala itong pulang mansanas na may kagat na. At bigla, parang gustong tumalon ng puso ni Maya – dahil sa inis (at kailangan niyang aminin na dahil na rin sa kaunting kilig) dahil naalala na naman niya ang nangyari noong isang araw sa opisina nito.

“He’s trying to put the painting up the wall. Ayan, nahulog.”

“But I’m fine, really,” sabi ni Mr. Diestro. Umayos ito ng upo doon sa kama. “Thank you for coming, Maya. Kung hindi pa ako naaksidente nang ganito, hindi pa kita uli makikita.”

“Medyo hectic po kasi sa opisina, eh.”

“Tinatambakan ka ba ng trabaho nito’ng si Benjamin?” seryosong tanong ni Mr. Diestro at pagkatapos ay bumaling ito kay Benjamin. “Hijo, pagpahingahin mo naman si Maya kahit minsan.”

“May day-off naman po siya, Tito. Weekends,” sagot ni Benjamin. Lumakad ito palapit sa kanila.

“Madalas po’ng magpatawag ng emergency meetings kapag weekends,” sabi naman ni Maya, na sa matanda nakatingin. “At minsan may mga kailangang puntahang open house.”

Muling kinagatan ni Benjamin ang hawak na mansanas at ngumiti. Napailing na lang si Mr. Diestro.

“So matagal pa talaga ang hihintayin namin bago matuloy ang one-man exhibit mo, ha, Maya?”

“Parang gano’n na nga po. Hindi po ako makahanap ng oras.”

“P’wede naman po siyang mag-leave anytime, Tito,” sabat ni Benjamin.

“Talaga?” Napatingin si Maya sa binata. Kinunutan niya ito ng noo. 

“Yes, of course. That’s in your contract.” Patuloy lang sa pagkain si Benjamin ng hawak nitong mansanas. “And if you need anything for that exhibit, just tell me. I might be of help. I can pull some strings for you.”

Halatang natuwa si Mr. Diestro sa sinabi ni Benjamin, na kabaligtaran ng naramdaman ni Maya. “Narinig mo ‘yon Maya?”

Pinilit umupo ng matanda at agad na umalalay sina Benjamin at Maya. Hindi nila maiwasang magkalapit at magkahawakan ng kamay. Nagkatinginan sila saglit at agad ring nagbaba ng tingin si Maya. 

“So, kumusta naman ang buhay-buhay, Maya?”

“Oh, she’s got a boyfriend, Tito,” sabi ni Benjamin bago pa man makasagot si Maya.

“Talaga? Well…that’s good news, I guess.” Kay Benjamin nakatingin si Mr. Diestro sa halip na kay Maya. “Kailan mo ipapakilala sa’kin ‘yang boyfriend mo, ha, Maya?”

Dating pa lang, sir, hindi pa po boyfriend.”

“Hindi pa?” mabilis na tanong ni Benjamin na para bang hindi makapaniwala. 

Masama ang tingin na ibinato ni Maya sa binata. “Hindi pa,” ulit niya, na nagpakunot sa noo ni Benjamin.

“Sige na, sige na, Maya, I’m letting you go. Gabi na rin at alam kong malayu-layo rin ang biyahe mo. Benjamin, ihatid mo si Evangelista.”

“Yes, Tito.”

“Sir, hindi na po.” Tumayo na si Maya at kinuha ang bag na isinabit niya sa sandalan ng upuan. “Magta-taxi na lang po ako.”

“Maya, sige na. Mukhang mas malakas pa ang ulan at mahirap sumakay ng taxi dito kapag ganitong oras. Please let Benjie drive you home. Sige na, kahit para sa’kin na lang.”

At wala na ring nagawa si Maya kundi pumayag na ihatid siya ni Benjamin.  Tama si Mr. Diestro, lalo pang lumakas ang ulan nang nasa daan na sila. Liban sa malakas na patak ng ulan sa bubong at bintana ng mamahaling sasakyan ni Benjamin ay tanging tunog lang mula sa CD player – Always On My Mind (Michael Buble’) ang kanilang maririnig.

Hindi man sila nakatingin sa isa’t-isa, alam nila na kapwa sila natigilan nang marinig ang kanta na iyon. Madalas sabihin noon sa kanya ng binata na isa iyon sa mga kanta nito para sa kanya, na ang bawat letra sa kantang iyon ay katulad ng damdamin nito para sa kanya.

Mahaba ang naging biyahe’ng iyon at hindi sigurado si Maya kung sinadya ni Benjamin na patugtugin iyon. It just made matters worse. Every melody, every lyrics of each song just reminds her of all things Benjamin. 

Halos makadalawang ulit na tumugtog ang buong CD bago sila nakarating sa tinutuluyan ni Maya. Magkasukob sila sa isang payong hanggang sa pinto ng apartment. 

“Bye,” sabi ni Maya nang naroon na sila sa harap ng pinto. Nakabukas pa rin ang payong ni Benjamin at magkasukob pa rin sila. Tumalikod na siya at inilagay ang susi sa lock ng pinto.

“That’s it? Bye?”

“Benjamin, please.” Humarap si Maya sa binata at tiningnan ito sa mata. Ilang pulgada lamang ang pagitan nila. 

“Hindi mo lang ba ako iimbitahang mag-kape sa loob?” 

“H-hindi.” 

“Bakit, magagalit ba ‘yung boyfriend mo?” matigas nitong tanong.

“Hindi ko siya boyfriend,” halos pabulong na tugon ni Maya. Binuksan niya ang pinto at ang ilaw bago pumasok sa loob. Iniwan niya roon si Benjamin sa labas, nakapayong pa rin. Basa na ang bandang balikat ng damit nito. 

“Hindi pa, pero gusto mo siyang maging boyfriend?” 

“Benjamin, ano na naman ba ang gusto mong mangyari ngayon?” tanong ni Maya. 

“’Yung totoo?” mabilis na balik na tanong ni Benjamin. Lalong lumalakas ang ulan kaya kinailangan nitong lumapit pa sa pintuan ni Maya. “Gusto kita. Gusto kong bumalik ka na sa akin, Maya.”

Kumabog ang dibdib ni Maya nang marinig iyon mula sa dating kasintahan. And she almost let herself believe him. “Umuwi ka na, Benjamin. Late na, please…umalis ka na.” 

“Fine, fine…good night.” At tumalikod na si Benjamin. Pero bago pa man ito humakbang palayo, muli itong lumingon. “P-pero…pakinggan mo muna ako bago ako umalis.”

Nanatili lang na nakatayo si Maya, hinintay ang sasabihin ng binata.

“Huwag naman tayong ganito.” Muling lumapit si Benjamin kay Maya para marinig niya ang sinasabi nito. “Maya, I know you hate me. But please, don’t hate me too much. Kung talagang galit na galit ka sa akin, p’wede bang magkunwari kang hindi kahit minsan? And please, kapag nagkakasalubong tayo sa opisina, p’wede bang ngitian mo ako kahit kunwari lang para naman maramdaman ko na mabuti pa ring akong boss kahit paano? Sinunod ko na naman ang gusto mong gawin ko, hindi ba? I am marrying Nicole…and now, I’m miserable. So please, Maya, make me feel that you see me. That I still exist.”

At sa isang iglap, ngayon lang parang napagtanto ni Maya ang lahat. Totoong pakakasalan ni Benjamin si Nicole, tulad ng gusto niyang mangyari. Dahan-dahang isinara ni Maya ang pinto nang makaalis na si Benjamin. Gusto niya itong papasukin sa loob ng apartment niya, alukin ng isang tasa ng kape at hayaang manatili kahit sandali pero alam niyang kapag ginawa niya iyon ay parang hinayaan na rin niya itong muling manatili sa kanyang buhay.

No comments:

Post a Comment

What' You've Missed