"MAYA!"
Ilang beses na pasigaw nang tinatawag ni Noel si Maya pero parang hindi siya nito naririnig. Lumalakas na ang ulan at lahat ng tao ay tumatakbo para humanap ng masisilungan pero patuloy lang si Maya sa paglalakad na tila ba walang pakialam kung mabasa man ito o hindi.
"Maya!" muling tawag ni Noel. Hininto nito ang sasakyan sa gilid ng daan at mabilis nitong tinakbo ang kinaroroonan ni Maya.
Walang tugon mula sa dalaga. At nang lapitan ito ni Noel, hindi maitatago ni Maya ang pag-iyak nito. Humahalo na ang luha ng dalaga sa malakas na patak ng ulan. Wala na sa ayos ang buhok nito at namamaga na rin ang mga mata dahil marahil sa kakaiyak.
"Maya, ano'ng nangyari?" nag-aalalang tanong ni Noel. Inalalayan niya ito sa magkabilang braso pero hindi pa rin ito sumagot at patuloy lang sa pag-iyak at sa paglalakad. At sa tingin ni Noel ay wala nang pag-asang makakuha ng sagot mula dito katulad ng walang pag-asang tumila ang ulan.
Tumingala muna si Noel na para bang nanalangin na humina ang patak ang ulan at pagkatapos ay inalalayan si Maya sa pagtawid hanggang sa makarating sila sa sasakyan niya na nakaparada sa kabilang parte ng kalsada.
"Maya, ano ba ang nangyari, bakit ka umiiyak?" tanong ni Noel nang nakasakay na sila sa sasakyan. Pareho silang basa'ng-basa pero ibinigay niya kay Maya ang dalawang tuwalya na naroon sa upuan sa likuran ng kotse.