Quote of the Day

The idea of me is better than the reality of me. - Verity

Thursday, May 14, 2020

Ground Level (Ang Iba't-ibang Level ng Aking Makulay na Buhay Pag-ibig)

Bakit nga ba tayo nagmamahal kung ang hatid naman nito ay sakit na masahol pa sa pakiramdam ng pinutulan ng kamay at paa, gamit ang isang mapurol na kutsilyo at pagkatapos ay pipigaan ng kalamansi? Mas higit pa siguro do’n kung ang dahilan ay isang taong labis mong minahal, kapantay ang langit at mga bituin.

Kung gayon ay bakit tayo nagmamahal? At ang masaklap pa do’n ay ang mapipili mong mahalin ng lubos ay ‘yung mga taong hindi karapat-dapat mahalin o kaya ay ‘yung mga nilalang na imposibleng makaramdam ng pagmamahal sa ‘yo. Dalawang bagay lang ‘yan - masokista ka at ang ideya mo ng kaligayahan ay ang labis na pagdurusa, o tanga ka lang talagang pumili ng mamahalin.

Napagnilayan ko na ang bagay na ‘yan at aminado ako, doon ako nakakategorya sa tanga’ng pumili ng mamahalin. Kahit na madalas ay pakiramdam ko ay kulang na lang ay paghiwa-hiwalayin ang buo kong katawan, heto pa rin ako, walang kadala-dalang magmahal.

Ilang beses ka na bang na-inlove? ‘Yun bang tipong nakakawindang na pagmamahal? ‘Yun bang kahit ano ang sabihin ng ibang tao, wala kang pakialam, basta ikaw, nagmamahal, tapos. ‘Yung tipong kahit suntok sa buwan na mahalin ka niya o pansinin man lang, ayos lang basta mahal mo siya. ‘Yung tipong kahit may mahal siyang iba at imposibleng mahalin ka niya, kahit anong hirap at pasakit, kakayanin mo, dahil nagmamahal ka.

Ako, maraming beses nang na-inlove. Iba’t-ibang level nga lang. Para sa ‘kin kasi, naniniwala ako na iba-iba ang level ng pag-ibig. Pero iba’t-ibang level man, ang bottom line, nagmahal ako. Sige, para sa lubos mo’ng ikauunawa, iisa-isahin ko.

Level 6: Attracted to love
Level 5: Experimental love
Level 4: Crazy, spontaneous and out of this world love
Level 3: Foolish love
Level 2: Ideal great love
Level 1: First love

Level 6. Attracted to love. Ito ang level na madalas mangyari. Attraction na maaaring humantong sa bolahan, sa ligawan, o sa magandang pagkakaibigan. Hanggang do’n lang. ito siguro ‘yung nasa pagitan ng infatuation at pagiging in love. Damdami’ng ang hatid ay tuwa, saya at sandaling kalungkutan. Damdaming hindi nagtatagal. Tulad marahil ng iba’t-ibang mukha na iyong nakakasalamuha sa pagsakay at pagbaba sa elevator. Ang iba’y tumatatak sa isip, ang iba’y madaling makalimutan. Pero anu’t-anuman, tulad sila ng iba’t-ibang mukha na sumasakay at bumababa ng elevator na magiging parte na ng kasaysayan ng elevator na kailanman ay di na mababago.

Level 5. Experimental love. Ito ang love na nakakaguilty. Aaminin ko, na-guilty ako pagkatapos ng lahat. Pasens’ya na sa kanya, di ko sinasadyang saktan s’ya at sana ay masaya na s’ya sa kung ano man ang buhay n’ya saan man s’ya naroon ngayon. Sa tingin ko, may dahilan kung bakit hindi naging maganda ang kuwento namin. Dahil kung hindi ko pinagdaanan ang level na ito, hindi ako natuto. Malaki talaga ang naitulong sa ‘kin ng Biology class namin noon sa high school. Salamat sa science teacher namin, dahil sa kanya, napahalagahan ko ang konstekto ng pag-eeksperimento.

Level 4. Crazy, spontaneous and out of this world love. Malinaw ang deskripsiyon nito. crazy, spontaneous at out of this world. Crazy dahil walang pakialam, spontaneous dahil bigla at hinid pinag-isipan at out of this world dahil sa mga pangyayaring kahit sa panaginip ay hindi ko inakalang posibleng mangyari. Pero anu’t-anuman, isa itong bahagi ng aking buhay pag-ibig na hindi ko maaaring malimutan. At nagpapasalamat pa rin ako sahil sa mga naidulot nito sa akin.

Level 3. Foolish love. Hindi lang ang feelings ko ang foolish dito, pati ‘yung minahal ko, foolish din. Minsan, iniisip ko kung masaya na nga kaya talaga siya ngayon, o nagpapanggap lang s’yang masaya at ayos lang ang lahat dahil wala na naman talaga siyang pagpipilian kundi ang magpanggap na ganoon na nga. Wala ‘yong halong galit o anupaman, naisip ko lang. Dito ‘ko umiyak di lang dahil sa sakit na dulot ng pag-ibig niya, kundi dahil din sa pride at reyalisasyon kung gaano talaga ako Katanga at hinayaan ko ang sarili ko na mapunta sa gano’ng sitwasyon. Kung babalikan, naisip ko, siguro naiwan ko kung saan ang utak ko, o siguro, nag-hybernate ang mga braincells ko nung mga panahong ‘yon. Pero kahit nagkagano’n, hindi ko maaaring itanggi na sobra ko s’yang minahal. At sobra rin akong naging tanga.

Level 2. Ideal greal love. Ito ‘yung pakiramdam na s’ya na ang tadhana ko. Maging sino man s’ya, ano man s’ya, mahal ko s’ya. Sabi nila, you’ll only have your great love twice. Sa tingin ko at pag-aanalisa sa aking makulay na buhay pag-ibig, nakilala ko na ‘yung dalawang ‘yon. Pero s’yempre pa, para sa ‘kin, habang ako’y humihinga, hindi ako nawawalan ng pag-asa. Alam ko, makikilala ko pa rin ang pangatlo, pang-apat o kahit panlimang great love ng aking buhay. sana lang, wala pa ‘ko sa Home for the Aged ‘pag nangyari ‘yon.

Level 1. First love. ‘Di ko na siguro kailangang ipaliwanag ang level na ito. Lahat naman tayo, may first love. Taga-ibang planeta lang siguro ang wala no’n. at ang sabi nga, first love never dies. Para sa ‘kin, totoo ‘yon. Para sa karamihan, totoo rin ‘yon. ‘Yung iba, nag-de-deny lang dahil sa mga kasalukuyang ka-relasyon. Pero kahit saang anggulo mo tingnan, totoo ‘yon. Sabi nga sa The Notebook, - “The first time you fall in love, it changes your life forever and no matter how hard you try, the feeling never goes away.” Tamaan sana ng kidlat ang hindi sumang-ayon. Tumagos sa ‘kin ‘yang mga salitang ‘yan hanggang buto nang mabasa ko. Maraming taon na ang nakalipas at hanggang ngayon, hindi nagbabago ang epekto no’n sa ‘kin.

May dahilan kung bakit kinailangan kong magsimula sa level 6. Ang pag-ibig para sa ‘kin ay parang pag-akyat sa isang gusali sa pamamagitan ng elevator. ‘Yon ang metapora ko sa pag-ibig. Na kahit gaano kataas ang marating mo, kahit ilang palapag ang akyatin mo, sa huli, wala kang ibang pagpipilian kundi ang bumaba. Doon sa level 1. Hindi magkakaroon ng level 2, ng level 3, o level hanggang langit kung wala ang level 1. Ang ground level.

Bilang konklusyon, ang mga level na ito ay masasabi kong nakatulong sa ‘kin upang pagnilayan at pagtimbang-timbangin ang mga pangyayari sa aking buhay pag-ibig. May mga katawa-tawa, mga di kapani-paniwala, mga nakakagulat, nakakahiya, nakakabaliw, nakakainis, nakakamangha, nakakatuwa at kadalasan ay nakakaiyak na yugto at tagpo na mananatili sa ‘kin habang buhay.

Masalimuot ang magmahal. Alam ko ‘yon. pero heto pa rin ako. Nagmamahal. Gano’n talaga. Kahit pa alam kong iiyak lang ako at masasaktan sa huli, tuloy pa rin ako.

Tanga kasi ako. ‘Yun lang ‘yon.

Kung bibilangin ko kung ilang beses akong nasaktan, madali lang. Pero kung ang pag-uusapan ay kung gaano ako nasaktan sa mga panahong nasaktan ako, wala na, mata ko na lang siguro ang walang latay.

Post script:
Mahigit sampung taon na mula nang maisulat ko ito, nahukay lang sa baul. Hindi ko alam kung matatawa, maiiyak o mahihiya ako sa mga pinagsususulat ko dito. Patunay na noon pa man, ma-drama na 'ko magsulat hahaha!

~~

No comments:

Post a Comment

Popular Posts