Quote of the Day

The idea of me is better than the reality of me. - Verity

Monday, May 25, 2020

Words I Couldn't Say Yet (Chapter 1)

SAENG-IL chuka hamnida, saeng-il chuka hamnida...saranghaneun, Teacher Allison, saeng-il chuka hamnida!”

Nagulat si Allison nang makita sa kanyang harapan si Lance, hawak ang isang maliit na chocolate cake na may nakatusok na mahabang kandila sa gitna. Maganda ang pagkakangiti nito na lalong nagpaliit sa maganda nitong mga mata. Tuwang-tuwa pa itong kumanta na para bang ito ang may kaarawan. Pauwi na siya noon at nasa lobby na ng TOP Language Institute nang sumulpot sa harap niya si Lance, dala ang cake. Kasing pula na ng pisngi niya ang suot niyang blouse dahil alam niyang nasa kanila ang lahat ng mga mata ng naroon, mapa-estudyante man o guro.

“Make a wish and blow the candle, Teacher!”

Ilang sandali pa siyang natulala bago nagawang hipan ang kandila. Naupo si Lance sa mahabang upuan na gawa sa kahoy, inilapag ang cake sa pagitan nila at inabot sa kanya ang apat na makakapal na libro’ng nakatali ng kulay pulang ribbon.

“Here,” nakangiti nitong sabi. “For your cooking.”

Tiningnan ni Allison ang mga libro na pawang mga cookbooks – Korean Dishes for the Soul, Healthy Kimchi Recipes, Basic Korean Cooking, Korean Food in a Nutshell. Alam ni Lance na hilig niya ang pagluluto at nag-volunteer pa nga ito na turuan siya ng mga Korean dishes para sa balak niyang itayong restaurant balang-araw. Ang totoo, hindi alam ni Allison kung matatawa siya, matutuwa o maaawa sa kaharap. Gusto niyang maluha dahil talagang na-touch siya sa ginawang iyon ng estudyante pero paano niya sasabihin rito na hindi naman niya talaga kaarawan? Pumasok siya kaninang umaga na suot ang bagong bili niyang blouse na kulay pula at nang nakita iyon ni Lance, tinanong agad siya kung birthday ba niya nang araw na iyon. Umo-oo siya kahit pa hindi, dahil gustung-gusto niya itong inaasar. Hindi naman niya inaasahan na seseryosohin iyon ni Lance. Hindi raw ito pumasok sa huling klase para bilhin ang cake at mga libro at ngayon, hindi na niya mabawi ang biro dahil hiyang-hiya na siya rito.

Hindi si Lance ang una niyang estudyante pero ito ang unang lalaki na nakapukaw ng kanyang interes. Guwapo ito, matangkad, magandang magdala ng damit at simula nang tumapak ito sa TOP Language Institute ay binansagan na agad itong ‘eye candy’. Pero tahimik ito, suplado at hindi palakaibigan. Kaya naman nang maging estudyante niya ito at naging malapit sila sa isa’t-isa ay hindi naiwasan ang usap-usapan na may namamagitan sa kanilang dalawa.

Ngayon, mahigit limang buwan na rin niyang estudyante si Lance at sa buong panahon ng pagiging part-time ESL tutor doon ay si Lance ang naging pinakamalapit niyang Korean student. Dahil na rin siguro sa pareho silang beinte-uno ay marami silang bagay na napagkakasunduan. Bukod sa mabait ito, masarap rin itong kasama at parati itong nakapagpapangiti sa kanya. Aminin man niya o hindi, si Lance na lang ang dahilan niya para manatili sa Language Institute na pinagtuturuan dahil habang tumatagal ay hindi niya nagugustuhan ang pamumulitika ng mga kasamahan niya roon. Naroong may naririnig siyang paborito raw siya ng mga lalaking estudyante, na nakikipagmabutihan raw siya sa ilan sa mga ito. Kasalanan ba niyang madali siyang makagaanan ng loob ng mga iyon? Kasalanan ba niya kung natutuwa ang mga ito sa paraan ng pagtuturo niya?

Mabuti na lang, parating nariyan si Lance para palakasin ang kanyang loob. Minsan nga, hindi niya maiwasang isipin na baka higit pa sa pagiging kaibigan ang tingin nito sa kanya – dahil masyado itong mabait, masyadong maalaga. Pero sigurado naman siyang hindi siya ang tipo nitong babae dahil hindi naman siya matangkad, hindi naman siya mestiza at lalong hindi siya kasingganda ng mga naikuwento nito sa kanya na naging girlfriends nito.

Simple lang si Allison kumpara sa mga madalas na makitang kasa-kasama ni Lance. Oo nga’t maraming nagpapahiwatig ng paghanga, wala naman sa mga iyon ang nagpapahayag ng pagkagusto man lang sa kanya. Madalas ngang sabihin sa kanya ng mga kaibigan, kasalanan rin naman niya dahil para siyang may inilagay na invisible wall sa pagitan niya at ng mga lalaki kaya walang nangangahas na lumapit. Maganda rin naman siya, may appeal rin naman, pero hindi lang talaga siya mahilig mag-ayos. Parating nakapusod ang mahaba niyang tuwid na buhok at effort na sa kanya ‘yung mag-lipstick at kung hindi nga lang kailangan sa trabaho ay hindi siya mag-aabalang mag-makeup. Hindi rin siya mahilig sa mga magagandang damit at sapatos at sapat na sa kanya ang simple’ng T-shirt at pantalon. Iyon ba ang sinasabi nilang ‘invisible wall’? Dahil kung iyon nga, wala na siyang balak na buwagin pa iyon. Pero kung si Lance ang dahilan, titibagin niya ang pader na iyon, agad-agad!
Natawa siya sa naisip. Napaka-imposible naman yata na magkagusto ang isang tulad ni Lance sa isang tulad niya. She’s simply way out of his league. Ang tipo ni Lance ay ‘yung mga napapanood niya sa mga Koreanobela – matangkad, maputi, matipuno, simpatiko. Kung baga, pang lead character ang dating. At siya lang naman ang tipo’ng pang-extra lang, ‘yung pamparami ng crowd, ‘yung dumadaan sa likod ng mga bida sa eksena.

~~

GOOD afternoon, Teacher! Bogoshipo!”

Naupo si Lance sa upuan sa harap niya at tinanggal ang suot na itim na sunvisor. Kinuha nito ang kanilang Basic English book, ang electronic dictionary at ang kulay asul nitong notebook at inilagay ang mga iyon sa ibabaw ng kuwadrado nilang mesa at saka maingat na inilagay ang malaking asul na backpack sa ilalim nito. Mataman lang itong nakatingin sa kanya habang hawak ang electronic dictionary.

“What happened, Teacher?” nakangiti nitong tanong.

“Why?” Kumunot rin ang noo ni Allison at umayos ng upo. Bilang maliit lamang ang man-to-man room nila, ilang pulgada lang ang pagitan nila at hindi maiwasan ang manaka-nakang pagdaiti ng kanilang siko. Ramdam rin niya ang init na nagmumula sa katawan ng binata kahit pa nga malakas ang air conditioner ng kuwarto.

“You look...” binuksan nito ang e-dictionary at may pinindut-pindot roon. Kumunot saglit ang noo nito bago ngumiti. “Eye-catching?” sabi nito pero umiling itong muli. “Striking...no, no.”

Lihim na napangiti si Allison at naramdaman ang pag-init ng mukha. Hindi niya inaasahan na mapapansin nito ang kaunting pagbabagong ginawa niya nang araw na iyon. Pinagupitan kasi niya ng hanggang balikat ang dating hanggang likod na buhok at sa halip na ipusod ay hinayaan niya iyong nakalugay. Naglagay rin siya ng kaunting foundation at lipstick sa kauna-unahang pagkakataon. Hinintay niya si Lance na mahanap ang salitang angkop sa gusto nitong sabihin habang pinipigilan ang sariling kiligin. Sa wakas ay ngumiti ito at inilapag sa harap niya ang e-dictionary, kasabay ng pag-ayos rin ng sarili nitong upuan para tumabi nang kaunti sa kanya.

“Glowing, Teacher. You’re glowing.”

Lalong namula si Allison sa narinig pero hindi niya pinahalata na kinilig siya sa sinabi nito. “Thank you for the compliment but we’re still going to have the exam, Lance.” Umiiling-iling niyang ibinalik ang dictionary sa binata at bahagyang inilayo ang upuan rito.

“Yeah, I know,” natatawa nitong sabi. “But why very beautiful today, Teacher? Because of boyfriend?”

“I have no boyfriend,” iiling-iling niyang tugon. Ibinigay niya kay Lance ang papel na naglalaman ng examination na ginawa niya kagabi. Ipinaliwanag niya ang mga dapat gawin pero parang wala itong anumang naiintindihan dahil nanatili lang itong nakatitig sa kanya.

“Why no boyfriend, Teacher?”

“Why are you asking?” Nanlaki ang mga mata niya sa tanong na iyon. Aba, siya rin hindi niya alam!

“Because...just curious!” nakangiti nitong sabi. Inilapag ni Lance ang papel sa mesa at muli siyang tinitigan na para bang siya na ang pinakamagandang babae’ng nakita nito. “Teacher very smart...very nice...always smiling...very beautiful! Why no boyfriend?”

Parang gusto nang tumalon ng puso ni Allison pero umiling lang siya at pinigil na mapangiti. Iniwasan rin niyang tumingin rito dahil natatakot siyang mabasa nito ang kanyang damdamin nang mga oras na iyon.

“Teacher, what do you like in a boyfriend?”

Sa simula ay umiling siya pero alam niyang hindi siya titigilan nito. Tumingala siya sa kisame at saka sumagot. “He must be nice…” simula niya. “…and fun to be with.”

“I am nice, I’m fun to be with, diba, Teacher? Can I be your boyfriend?”

Yes! “Why?” gulat niyang tanong.

“Because!” Yumuko ito at binuklat-buklat ang notebook tsaka muling humarap sa kanya. “Joahaeyo....Teacher,” ulit nito, mas mabagal at mas seryoso. “Really, joahaeyo...can I be your boyfriend?”

Sinasabi ni Lance na gusto siya nito kaya yumuko na lang siya para itago ang mas namula pang mga pisngi. “N-no. You are my student,” mariin niyang sabi na para bang mas kinukumbinsi ang sarili kaysa sa kausap.

“If you are not my teacher, can I be your boyfriend?” muli nitong tanong.

“Let’s start the exam, now, Lance,” sa halip ay sabi niya. Seryoso ang itsura ni Lance nang magtanong ito at kaunti na lang talaga ay mapapa-oo na siya.

Nagkibit-balikat na lang si Lance at hinarap na ang papel sa harap nito.

~~

NAKAHINGA nang maluwag si Allison nang hindi na muling binuksan pa ni Lance ang paksa tungkol sa kawalan niya ng nobyo. Bihira na rin itong magbiro sa klase nila dahil na rin siguro alam nito na may pinagdaraanan siya nitong mga nakaraang araw. Makailang beses na siyang lumiban sa pagtuturo dahil kailangan niyang alagaan ang Nanay niya na lumubha pa ang depresyong pinagdaraanan.

Simula nang pumanaw ang kanilang ama’ng seaman noong nasa high school pa lamang siya ay siya na lamang ang tanging inaasahan ng ina na tumulong tumaguyod sa kanilang pamilya. Simpleng maybahay lamang ang nanay niya at nang mamatay ang kanilang tatay ay gumuho ang mundo nito. Hindi nito nakayang tanggapin ang katotohanan na sila na lamang ng kapatid na si Abby sa mundo at kailangan nilang magtulungan para mabuhay. Hanggang sa hindi na rin nito kinaya ang hirap ng kalooban at sumuko na ang katawan nito sa sakit at depresyon.

Kaya naman kahit mahirap ay hindi siya sumuko sa pagtuturo, kasabay ng pagpa-part time niya sa fast food para maituloy ang kinukuhang crash course sa culinary arts kahit pa paunti-unti para lamang matupad ang pangarap para sa pamilya. Minana niya ang galing sa pagluluto sa ama kaya naman kahit hindi pa siya nakakatapos sa kursong HRM ay sinubukan na niyang magtrabaho sa iba’t-ibang restaurants at catering services kung saan nila kinukuha ang pang-araw-araw nilang gastusin.

Bogoshipo, Teacher! Good afternoon!”

Katulad ng dati, malaki ang ngiti ni Lance nang pumasok sa kuwarto. Isang pilit na ngiti ang itinugon niya, na agad namang napansin ni Lance. Sabado noon, wala dapat silang klase pero nag-request si Lance ng special class dahil hindi raw ito makakapasok sa Lunes na darating.

“Are you okay?”

Tumango siya. “Please sit down. Let’s start the class.”

Sumunod naman si Lance at naupo na. Pero sa halip na libro at notebook ang ilabas mula sa backpack ay laptop ang kinuha nito. Sa pagkagulat ay hindi na siya nakakibo at pinanood na lang niya ang pagaayos nito ng laptop at pagkabit ng earphones nito roon.

“What are you doing?” taka niyang tanong.

“Movie day today, Teacher.”

Magrereklamo pa sana si Allison pero naalala niya na matagal na nga pa nga pala silang hindi nakakapag-‘movie day’, na kasama sa syllabus ng Language Institute. Si Lance na ang nagtabi ng mga gamit niya bago nito iurong ang upuan para makatabi ito sa kanya. Walang anu-ano ay inilagay nito ang kanang earplug sa kanyang tainga. Napatingin tuloy siya rito, na kanina pa pala nakatitig sa kanya.

“Ready, Teacher?” bulong nito.

Marahan siyang tumango at hinayaan lang niya itong mas lumapit pa para hindi matanggal sa tainga nila ang pinagsasaluhang earphones.

Be still, my heart, sabi ni Allison sa sarili dahil pakiramdam niya ay mas malakas pa yata ang tibok ng puso niya kaysa sa tunog mula sa nakasalpak sa kanyang kanang tainga. Literal na magkadikit ang kanilang braso at kulang na lang ay akbayan siya nito para magmukha silang magkasintahan. Amoy na amoy niya ang paborito nitong pabango at ramdam niya ang paminsan-minsang paghugot nito ng hininga.

Isang oras at mahigit silang nanatiling ganoon, tahimik, magkatabi, halos magkadikit ang mga pisngi. Sa buong panonood ng Shrek ay pinigilan ni Allison na lingunin ito dahil sigurado siyang sa pisngi nito magla-landing ang mga labi niya. Pigil rin niya ang paghinga dahil pakiramdam niya ay unti-unti siyang nahihipnotismo ng amoy ng pabango ng binata. Gusto na sana niyang ihilig ang ulo sa malapad nitong balikat pero siyempre, hindi naman ‘yon maari.

“You liked it, Teacher?” tanong nito nang matapos ang pelikula.

Yes, I like you. “Y-yeah, it’s very nice,” nakangiti niyang sagot nang hindi ito nililingon. “I’ll be expecting your 500-word essay about the movie next week, understand?”

Yeh, yeh.” Tumangu-tango lang ito habang inaayos ang earphone. itinabi na nito ang laptop sa backpack pero nanatili ang upuan nito sa tabi niya kaya sa halip na makahinga nang maluwag ay lalo yatang nanikip ang dibdib niya. Ang lapit-lapit ng mukha nito sa kanya habang nagsasalita, na sa sobrang lapit ay halos makita na niya ang sariling repleksyon sa mga mata nito kaya hindi niya napigilang mapangiti.

“There, just always smile, Teacher. I like seeing you smile. Are you okay now?” may himig pag-aalala nitong tanong.

Muli siyang ngumiti. “I’m always okay.”

“No, not today. I know you’re not okay.” Sa wakas ay tumayo na ito at ibinalik ang upuan sa dati nitong puwesto. Tumingin ito sa suot na relo bago binuhat ang knapsack. “Hmm…Teacher, how about a real movie date?” nakangiting tanong ni Lance sabay kindat pa. “It’s my birthday next week, please, have a movie date with me.”

~~

No comments:

Post a Comment

Popular Posts