Wednesday, June 17, 2020

Words I Couldn't Say Yet (Chapter 2)

KUNG hindi lang kaarawan ni Lance ay hindi siya papayag sa ‘movie date’ na iyon. Bukod sa baka may makakita sa kanilang ibang teachers o students mula sa language institute, hindi madaling magkunwari na hindi siya naaapektuhan sa mga kabutihang ipinapakita ng binata. Natatakot siya na baka hindi niya kayaning itago ang totoo’ng nararamdaman para sa binata at kung magkataon, tapos na ang maliligayang araw ng puso niya.

Nagkita sila ni Lance alas siyete ng gabi, sa convenience store na malapit sa TOP. Sumakay sila ng taxi patungo sa isang bar and restaurant sa Makati na pagmamay-ari ng isa sa mga kaibigan nito. Napakasimpatiko ni Lance sa suot na light blue long sleeves at itim na slacks, na noon lamang niya nakita dahil parati itong naka-jeans at T-shirt sa klase. Mabuti na lang at naisipan niyang mag-effort na magpalda dahil kung hindi, malamang ay magmukha siyang alalay nito.

“Teacher.” Pagkababa nila ng taxi ay nagulat siya nang ialok ni Lance ang kamay. “This is like a date, diba? So, we can act like a couple, diba? I can hold your hand while we walk and while we watch movie, diba?”

“Ha, ha, Lance, very funny!” natawa niyang sabi, na pilit itinatago ang sobrang kilig na nararamdaman.

Napakamot na lang ang binata sa ulo at sinabayan na siya papasok sa mall. Katabi niya ito habang naglalakad at maagap itong umaalalay sa kanya kapag umaakyat o bumababa sila ng escalator at sa tuwing maraming tao ay nararamdaman na lang niya ang kamay nito sa kanyang likod. Hindi tuloy maiwasan ni Allison na isipin na totoo’ng ‘date’ nga iyon kasama si Lance. Paano ba namang hindi samantalang parang isang ideal boyfriend ito kung umasta. Ito ang bumili ng snacks nila, ito ang bumili ng tickets, ito rin ang nagdala ng kanyang shoulder bag. At habang magkatabing nanonood ng horror movie ay paminsan-minsang nagtatama ang kanilang mga braso at may mga pagkakataon pang bumubulong ito sa kanya para magtanong ng kung anu-ano tungkol sa pinapanood. Kung p’wede lang ay buong magdamag na silang ganoon, magkatabi sa gitna ng dilim pero siyempre, isang oras mahigit lang naman ang pelikula at pagkatapos noon ay balik na siya sa reyalidad.

Pero akala lang pala iyon ni Allison dahil may iba pa palang plano si Lance pagkatapos ng kanilang ‘movie date’.

Biglang bumuhos ang ulan at kahit tumila iyon nang marating nila ang isang bar and restaurant ay hindi nila inaasahan ang mabilis na pagtaas ng tubig. Kapwa pa sila nagulat ni Lance nang pagbukas nila ng pinto ng taxi ay ilang pulgada na ang taas ng tubig baha. Hindi tuloy alam ni Allison kung paano bababa nang hindi nababasa ang sapatos pero bago pa niya tangkaing ihakbang ang paa palabas ay mabilis na bumaba si Lance at patakbong lumigid para salubungin siya.

“Wait, Teacher…I’ll carry you.” Tumalikod ito at tinapik ang sariling balikat. “Just hold tight, arasso?”

Nanlaki ang mga mata niya at umiling. “N-no, no, thanks. I can walk.” Dahil kahit malaki itong tao at alam niyang kayang-kaya siya nito ay nahihiya siyang pumasan rito na parang bata.

Aniyo,” tanggi nito. Hinawakan nito ang isa niyang kamay at halos hatakin siya para lumabas.

Ilang sandali pa bago siya nakapagdesisyon. Kung hindi lang siya nahihiya sa ngingiti-ngiting taxi driver na halatang kinikilig sa eksena at sa mangilan-ngilang tao na nakatingin sa kanila ay hindi siya papayag na ipasan nito. Huminga siya nang malalim at alanganing humawak sa malapad na balikat ni Lance.

“Ready, Teacher? Hana, dul, set!”

Kinailangan pa niyang bumuwelo para lamang makasampa sa likod nito nang maayos. Napapikit na lang siya nang maramdaman ang mainit at malalaking mga kamay ni Lance na humawak sa kanyang alak-alakan. Kung alam lang niyang mangyayari iyon, sana ay nagpantalon na lang siya. Tuloy, hindi niya alam kung makakaharap pa siya sa binata nang hindi namumula ang mga pisngi.

Habang pasan-pasan siya ni Lance, pakiramdam ni Allison ay para siyang isang babae’ng bida sa isang Korean drama. Malamig ang gabi, manaka-naka ang pag-ambon, with matching piggyback ride with her oppa. Pasimple niyang idinikit ang pisngi sa likod nito at bahagya siyang napangiti. Siguro, kung iba lang ang sitwasyon nila, matagal na siyang nahulog rito nang tuluyan.

“Are you okay?” tanong ni Lance sa kanya nang marating na nila ang entrada ng restaurant at maibaba na siya nito.

“Yes, thanks.” Tumango siya at ngumiti pero ang totoo ay nagrereklamo ang puso niya dahil ayaw pa sana niyang matapos ang mala-Koreanobelang eksena nila sa ulan. “How about you, are you okay?” Napansin kasi niya na bahagyang nabasa ang laylayan ng pantalon nito at ilang bahagi ng suot nitong polo.

“I’m fine. I’m very happy tonight because you’re with me.”

Medyo puno na ang restaurant at ang karamihan ay mga magkapareha. The place was subtle, intimate. Maganda at medyo madilim ang loob niyon at nagustuhan niya ang disenyo nito. Bumungad sa kanila ang DJ booth, ang mahabang bar at mga pandalawahang mesa. Huli na para makaiwas si Allison nang hawakan ni Lance ang kanyang kamay papunta sa nag-iisang bakanteng mesa sa di kalayuan. Alam niyang lahat ng mata ay sa kanila nakatutok nang mga oras na iyon dahil kahit sino naman ay mapapalingon sa ka-guwapuhan ng kasama. Hinatak pa nito ang upuan para sa kanya bago ito maupo.

Kung iba lang siguro ang sitwasyon, kikiligin na siya. Pero hindi dahil si Lance iyon, ang dakila niyang Korean student na makulit at puno ng kalokohan. Pero hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit gano’n na lamang ang kaba ng kanyang dibdib nang mga oras na iyon samantalang araw-araw naman niyang nakakasama ang binata.

Si Lance ang um-order para sa kanila, na para bang pinaghandaan talaga nito ang lahat para sa gabing iyon. Fresh squid salad for appetizer, Barbecue Beef Ribs for main course and Caramel-Walnut Torte for dessert. Um-order rin ito ng California Cabernet Sauvignon Red Wine para ipares sa main course.
Napuno ang dinner nila ng manaka-nakang kuwentuhan, tawanan at tuksuhan. Laking pasalamat ni Allison at may kadiliman ang lugar dahil kung hindi, siguradong hindi niya maitatago ang pamumula ng kanyang pisngi. Lance looked so handsome sitting there in front of her. Tiningnan niya ito nang mabuti na noon ay abala sa pagkain ng dessert. Noon, sa panaginip lang niya nararanasan na makasabay sa pagkain ang binata at ni minsan ay hindi niya naisip na magiging malapit siya rito. Pinanalangin ni Allison na sana ay marunong siyang bumasa ng utak ng tao para malaman niya kung ano ang nasa isip ni Lance nang mga oras na iyon.

“Why Teacher?” biglang tanong ni Lance, todo ang ngiti sa mga labi. “Why are you looking at me like that?” Ibinaba nito ang hawak na tinidor at umayos ng upo.

“M-masama ba?” biro niya at ipinagpatuloy na ang pagkain.

“No, hindi masama. I like it because you think I’m guwapo, diba?”

Napailing na lang siya sa sobrang kumpiyansa nito sa sarili. Kung sa bagay, wala naman siyang argumento pagdating sa ka-guwapuhan nito dahil obvious naman. Nang tingnan niya itong muli ay ito naman ang titig na titig sa kanya. “W-wae?” tanong niya kung bakit siya nito tinitingnan.

“Because you are very maganda.”

Sinimangutan niya ito. “Why are you doing this? Why are you so kind to me tonight, huh?” biro niya.
 
Yah, I’m always kind to you, diba?” nakangiti nitong tugon. “Because I told you already, Naneun neoreul man-e joahae...ah it means I like you a lot, really. I want to be your boyfriend. Why don’t believe?”

“Because you have a lot of girlfriends already,” natatawa niyang tugon. Simula kasi nang nakilala niya ito at naging malapit na kaibigan ay hindi na yata niya mabilang sa mga daliri kung ilang babae na ang ipinakilala nito sa kanya – at lahat ng mga ito ay magaganda, matatangkad at walang-wala siya kung ikukumpara sa mga ito.

“If I will be your boyfriend, you will only be my girlfriend. “Yaksokhaeyo…I mean, promise.”

“Impossible.” Umiling siya at uminom ng wine.

“Why? You don’t like me? Many girls like me but why you don’t like me?”

“I already told you.” Nang tingnan ni Allison ang binata ay seryoso lang itong nakatitig sa kanya. "I’m your teacher, you’re my student.”

Napangiti ito sa narinig. “But you also like me, Teacher? You want me to be your boyfriend, diba?” tanong nito na sinabayan pa ng pagkindat.

“It’s...complicated, Lance.”

Aigoo, why complicated?” May mga sinabi pa ito sa salitang Korean na hindi niya maintindihan pero sa itsura nito ay mukhang iritable ito. “I like you, you like me. Why complicated?”

Hindi siya dapat kinikilig pero ramdam niyang parang lalabas na ang puso niya sa kanyang lalamunan. Inisa-isa niya ang nakikita sa mesa para lang magkaroon ng ibang laman ang kanyang utak. Kung bakit ba naman kasi kung anu-ano ang iniisip niya tungkol rito. Napatingin tuloy siya sa baso ng red wine na hawak niya. Marami na ba siyang nainom?

“Teacher, come.”

“Where?” taka niyang tanong.

Tumayo si Lance, kinuha ang kamay niya at hinila siya nito papunta sa tapat ng maliit na entablado. Nagpalakpakan ang ibang tao’ng naroon, dahilan para lalo siyang pamulahan ng pisngi. At nang ilagay ni Lance ang mga kamay niya sa balikat nito at kabigin ang kanyang baywang ay tuluyan nang naghiyawan ang mga tao sa paligid. Gustuhin man, hindi niya magawang tingnan ang lalaki’ng kasayaw. Halos hanggang balikat lamang siya nito at sigurado siya na sa oras na humarap siya rito ay sasakto ang mga mata niya sa mga labi ng binata.

“Look at me,” natatawang sabi nito. Kahit pa nakatungo siya ay alam niyang nakangiti ito. “Why can’t you look at me, Allison?”

Dahan-dahan niya itong tiningala at nakita niya ang maamo at nakangiti nitong mukha. Sa kauna-unahang pagkakataon ay tinawag siya ni Lance sa pangalan niya. Kung hindi kasi ‘Teacher’ ay ‘Teacher Lee’ ang tawag nito sa kanya. Gusto sana niyang itanong kung bakit bigla siya nitong tinawag sa kanyang pangalan pero hindi na siya nagkalakas ng loob. “W-why are we dancing?” sa halip ay bulong niya rito.

“Because I want to dance…with you.”

Pakiramdam ni Allison ay parang hinahalukay ang laman-loob niya sa sobrang kilig. Napa-hay na lang siya sa tuwing tinititigan siya nang ganoon ni Lance. Patuloy lamang sila sa pagsayaw sa saliw ng mabagal na tugtog, na hindi niya maalala kung sino ang kumanta o kung ano ang pamagat. Basta ang alam lang niya ay masarap iyon sa tainga at pakiramdam niya ay para siyang inuugoy sa duyan.

Bakit ba ang bangu-bango mo, Lance?

Wala siyang alam sa mga uri ng pabango ng mga lalaki pero sigurado siyang isang mamahaling klase ang ginagamit ni Lance, na malayung-malayo sa amoy ng iba niyang estudyante na pinaghalu-halo ang amoy ng Soju, sigarilyo at kimchi. Dahil na rin sa bihira lang naman talaga siyang makalanghap ng panlalaki’ng pabango, ang amoy lamang ni Lance ang nakatatak sa kanyang isipan. Napapikit na lamang siya, bahagyang inihilig ang ulo sa malapad na dibdib ng kapareha at hinigpitan ang pagkakakapit sa balikat nito dahil parang unti-unting nanlalambot ang kanyang mga tuhod.

Kaya nga ba ayaw niyang lumalapit rito nang husto at naaamoy ang pabango nito. Kaya nga ba idinarasal niyang sana ay bawas-bawasan nito ang pagiging mabait para wala na siyang dahilan na magustuhan ito. Hay, sana lang, hindi mahalata ni Lance ang epekto nito sa buo niyang pagkatao.

“Are you okay? Are you sleeping already?”

Bigla ang ginawa niyang pag-angat ng ulo, dahilan para tumama iyon sa baba ni Ram. “Aray!” malakas niyang sigaw.

Aigoo, mianhae!” nag-aalala nitong paumanhin sabay hawak sa kanyang magkabilang pisngi. Huminto ang lahat sa pagsasayaw at napatingin sa kanilang direksyon. “Gwaenchanha?”

Tumango siya sa tanong nito kung okay lang siya, kahit pa parang naalog ang utak niya sa sobrang sakit. “How about you, are you okay?” Hinawakan niya ang baba nito at hinimas-himas.

Tumango lamang ito. Nanatili silang nakatayo sa gitna ng karamihan, nakatingin sa mata ng isa’t-isa. Hawak pa rin ni Lance ang kanyang mga pisngi samantalang siya ay hawak pa rin ang puno ng balbas nito. Hindi niya maintindihan pero masarap sa pakiramdam ang aligasgas niyon sa kanyang mga daliri. At bago pa makayanan ng kanyang utak na i-proseso ang mga nangyayari ay kinabig siya ni Lance at niyakap nang mahigpit – na lalo lamang nagpalakas sa kabog ng kanyang dibdib at nagpakirot ng kanyang ulo.

~~

KAHIT ano’ng tanggi ay hindi pumayag si Lance na hindi nito lapatan ng lunas ang natamo niyang bukol sa ulo. Niyaya siya nito sa condo, na ilang bloke lang ang layo mula sa kinainan nilang restaurant.

It was a typical condominium unit with enough space for a single guy like Lance. The beige walls were plain with a few small paintings. Simpleng-simple lang ang living area maging ang kitchen at sigurado siyang ganoon rin ang kuwarto nito.

“Wait here, I will get ice for your head, arasso?”

Hinila ni Lance ang kamay niya at paupuin sa sofa. Ilang sandali lamang ay nakabalik na ito dala ang ice pack at isang tray na naglalaman ng dalawang tasa ng umuusok na kape. Bilang wala na rin naman siyang pagpipilian kundi manatili roon ng ilan pang oras, kinuha niya ang cellphone sa loob ng knapsack at nag-text sa kanyang ina at kapatid para ipaalam rito na mamaya pa siya makakauwi.

“Boyfriend?” Nakakunot ang noo nito nang maupo sa tabi niya matapos mailapag ang tray sa mesa. “You said, no boyfriend, diba?”

Sinimangutan niya ito. “Do you think I’ll be here now if I have a boyfriend?”

“Yeh,” nakangiti nitong sagot. Inilapag nito sa mesa ang tasa ng kape. “Because I’m...” At tumingala pa muna ito para isipin ang tamang salitang gagamitin. “...guwapo and I’m…charming.”

Tinawanan niya iyon at hindi pinansin ang pagpapa-cute nito. “I texted my mom and my sister, I told them that I’ll be a bit late.”

Tumangu-tango ito. Sa halip na simulan ang pag-inom ng kape ay kinuha nito ang bolsa de yelo at ito pa mismo ang nagpatong sa ulo niya.

“I’ll do it,” mahina niyang sabi sabay agaw sa bolsa de yelo. Pero mahigpit ang pagkakakapit nito doon.

“No, let me,” ulit nito.

Ilang pulgada lamang ang layo ng mukha nila sa isa’t-isa at kahit ano’ng pilit niya sa sarili na ibaling sa ibang direksiyon ang kanyang paningin ay hindi niya magawa, dahil parang na-batubalani siya ng mga mata nito. Kung ano ang ikinatahimik ng paligid ay siya namang ikina-ingay ng kanyang puso. Inihanda na niya ang sarili sa susunod nitong gagawin – pipikit siya at hihintayin ang pagdampi ng mga labi nito sa mga labi niya.

Pero siyempre, alam naman niyang imposible ‘yon.

Walang anu-ano’y mabilis na tumayo si Lance at may kung anong hinanap sa shelf. Bumalik ito, hawak ang isang maliit na kahon na iniabot sa kanya bago muling naupo. Atubili niyang binuksan ang kahon at nakita sa loob ang isang simpleng toggle clasp wheat link silver bracelet. Binawi nito ang kahon sa kanya, inilabas ang bracelet mula roon at kinuha ang kanyang kaliwang kamay.

Habang ginagawa iyon ni Lance ay hindi na naman niya ito napigilang titigan. Mas guwapo talaga ito sa malapitan, pansin niya. Makinis ang kutis ng binata at wala yatang pores ang mukha nito. Mas mapula rin ang mga labi nito kaysa sa inaasahan niya. Hindi rin nakaligtas sa kanyang mga mata ang maliit na hikaw nito sa kaliwang tainga at dahil sa sobrang lapit niya rito ay lalo niyang nalanghap ang pabango nito kaya naman hindi niya napigilang mapapikit.

“When I saw it in the mall last night, I remembered you,” sabi nito matapos maisuot sa kanya ang bracelet.

“Why?” taka naman niyang tanong. Bakit, mukha na ba siyang bracelet ngayon?

“Because!” nakangiti nitong tugon, na parati nitong sagot sa tuwing tinatanong niya ito ng ‘bakit’.

“T-thank you.” Wala sa loob na napahawak siya sa kanyang dibdib dahil pakiramdam niya ay lalabas mula roon ang kanyang puso. Kung bakit ba naman hindi pa rin ito umaayos ng upo at bakit nakatitig pa rin ito sa kanya?

“Allison...” Inayos nito ang ilang hibla ng kanyang buhok at hinimas-himas ang parte’ng may bukol, habang mataman nakatitig sa kanyang mga mata. “Does it hurt?”

“Just a little.”

Aigoo,” nakasimangot nitong sabi sabay patong ng bolsa de yelo sa ulo niya. “Mianhae. You got hurt because of me.”

He’s sorry and it’s written all over his pretty face. “I’m fine, don’t worry.” Ngumiti siya at biglang may naalala. Kinuha niya ang bag at kinuha ang maliit na kahong regalo sa binata. “Ah, before I forget…happy birthday. I’m sorry...this is all I can give you.”

Nagliwanag ang mukha ni Lance, lalo na nang buksan nito ang kahon at makita ang laman niyon. “Wow! You didn’t need to give me anything, but thank you. It’s perfect!” eksaherado nitong sabi na para bang isang mamahaling bagay ang natanggap nito mula sa kanya.

“It’s just a blue necktie, Lance.”

Aniyo, this is...perfect! I will wear this tomorrow.”

“Going somewhere tomorrow?”

Yeh,” malungkot na sagot ni Lance. Ibinalik nito ang necktie sa kahon at tiningnan siyang mabuti. “I’m going back to Korea tomorrow.”

“T-tomorrow?” Biglang nawala ang ngiti niya.

Mianhae. Today is not really my birthday. I really just want to be with you because...I have to go back to Korea to take care of some important things there.”

Akala ni Allison ay nagbibiro lamang ito pero nang tingnan niya ito ay seryoso lamang itong nakatitig sa kanya. Yumuko siya para itago ang nangingilid na mga luha. Sa maiksing panahon nilang magkakilala ay marami na silang napagsamahan at alam niyang higit pa sa pagkakaibigan ang nararamdaman nila sa isa’t-isa, na pilit lang nilang pinaglalabanan dahil sa sitwasyon – siya bilang English teacher nito at si Lance bilang estudyante niya, sila na nagmula sa magkaibang bansa, may magkaibang buhay at magkaibang paniniwala.

Aigoo, don’t cry,” anito, sabay hawi sa hibla ng kanyang buhok na humalagpos sa kanyang pang-ipit.

“I-I’m not crying,” pagsisinungaling niya.

Nang magtangkang hawakan ni Lance ang kanyang pisngi ay umiwas siya. Gusto na niyang humagulgol pero hindi p’wede. Dahil sa lugar, sa oras at dahil na rin sa sitwasyon. Wala naman dapat na rason para iyakan niya ang pag-alis ni Lance dahil estudyante lamang naman niya ito at alam naman niya sa simula pa lang na darating rin ang panahon na kakailanganin nitong lumipat ng ibang English teacher o ng ibang language institute.

Tulad ngayon. Pero hindi ito lilipat ng ibang guro o ng ibang language institute. Babalik na ito sa Korea at alam niyang malaki ang posibilidad na hindi na niya ito muling makikita pa. Kaya hindi dapat siya umiyak nang ganoon pero paano ba niya mapipigilan ang kanyang mga luha?

“Will you miss me?”

“O-of course,” mahina niyang tugon, na nagpangiti rito.

“I will miss you too. I will come back for you as soon as I can. Promise.”

Natawa siya sa sinabi nito. Alam naman niyang imposible kung ano ang mayroon sila dahil sa napakaraming bagay at ayaw niyang umasa sa mga pangako nito. Malayo ang agwat nila sa buhay – tipong mula Earth hanggang Mars, ganoon. Kaya hindi niya dapat pinag-aaksayahan ng oras ang umasa.

Wae? Why laughing?” taka nitong tanong. “I’m serious.”

“Don’t promise anything, okay? If you come back, good but if not, that’s fine. I will understand,” pagsisinungaling niya.

Aniyo,” sabi nito sabay iling. Bigla nitong hinawakan ang mga kamay niya na labis niyang ikinabigla.

Kita niya sa mukha nito ang pagka-irita, at alam niya ang ibig sabihin niyon – marami itong gustong sabihin na hindi nito masabi. Pero kahit ano’ng klaseng pagsimangot pa yata ang gawin ng binata ay hindi pa rin nawawala ang ka-guwapuhan nito. Napapikit tuloy siya at napailing. Dapat, simula ngayon ay kalimutan na niya ang lahat-lahat tungkol dito – mula sa maliit nitong mga mata, sa manipis at mapulang labi, hanggang sa kabaitan nitong ipinakita sa kanya.

“Ah, I’m stuffy! I want to say to you...” Yumuko ito, tumayo, lumakad-lakad at muling naupo sa tabi niya. “Aish...why so difficult?” reklamo nito sa sarili. “Just...wait for me. I will call you, e-mail you. I will be back, I promise. And when I come back, we talk about us...arasso?”

~~

Related posts:


No comments:

Post a Comment

What' You've Missed