Quote of the Day

The idea of me is better than the reality of me. - Verity

Sunday, July 10, 2022

(Bad) Trip to Banaue

KUNG balak mong bumisita sa napakagandang bulubundukin ng Banaue, isang bus lang mula Maynila, siyam na oras. Simple’ng-simple. Kung matino kang nilalang, gano’n ang gagawin mo. Pero kung ikaw ay tulad kong medyo wala sa katinuan, maaari mong subukan ang ginawa kong paglalakbay. Mas exciting.

Kumuha ako ng 4pm trip patungong Baguio. Anim na oras. Victory Liner. Maganda ang bus. Mababait ang driver at kundoktor. Cute pa ang nakatabi ko. Sobra akong excited. S’yempre pa, first time ito. At first time rin na biyahe ko’ng mag-isa. In-estima ko, anim na oras- alas diyes, nasa Baguio na ‘ko. Ilang oras kaya mula Baguio hanggang Banaue?

Ang biyahe kong ‘yon, biglaan. Wala na ‘kong oras para mag-isip at mag-research kuing paano nga ba ang papuntang Banaue. At medyo may ka-engotan din, akala ko, tipong mula Angono hanggang Taytay lang ang distansya mula Baguio sa Banaue. 

Habang sakay ng malamig na bus, ninamnam ko ang tanawin sa binatana. Ang saya ko pa nung pagbaba ko ng bus- nilanghap ko ang malamig na simoy ng hangin. Masigla akong sumakay ng taxi-

“Manong, sa terminal po ng bus pa- Banaue?"

Ngumiti lang si Manong driver. Sabi n’ya, “Pupunta ka ng Banaue ng ganitong oras? Sa’n ka ba galing?”

“Sa Maynila po,” sabi ko.

“Diba, may deretsong b’yahe pa- Banaue do’n? Dapat ‘yun na lang ang sinakyan mo.”

Di ko lang masabi, engot po kasi ako.

Ha, ha, ha, napuntahan na namin ang lahat ng terminal na bumibiyaheng Banaue pero sawi. Advice ni Manong, either balik ako ng Maynila o magpalipas ng gabi sa lodge. Pero mabibitin ako sa budget kung magapapalipas pa ‘ko ng gabi sa lodge. Ayoko rin namang bumalik ng Maynila dahil kasubuan na at kahihiyan na ‘yon. Kaya gumawa ako ng paraan. Tinawagan ko ang aking friendly friend at nagpa-resque. Buti na lang, may kaibigan s’yang may bahay sa Baguio at doon ako pinatuloy. Problem solved. Nakalibre ako ng lodging. Alas dos na yata kami ng umaga nakauwi dahil sa bagong salta sa lugar, may mga bagong kaibigang dapat pakisamahan. Nagkayayaan muna sa Chowking bago tuluyang pumack-up.

Alas dos y media, sinubukan kong matulog. Sa sobrang lamig, pinahiram ako ng electric mattress, pero anak ng tinapa, lalo akong hindi nakatulog dahil sa pakiramdam ko ay niluluto ako ng buhay sa sobrang init.

Kaya hindi rin ako nakatulog.

Alas tres. Alas kuwatro. Alas singko y media, buhay pa rin ang diwa ko. Siguro dahil na rin sa sobrang excitement. Alas sais y media nang sumuko na nag diwa ko sa antok. Pero anak ng tinapa uli, alas s’yete ng umaga, kailangan ko nang pumunta sa terminal ng van pa-San Jose. Kaya wala rin akong itinulog. Pakiramdam ko, parang humihiwalay na ang kaluluwa ko sa katawang tao. Pero ayos lang, Inisip ko na lang ang naghihintay sa’kin doon sa Banaue. 

Tuloy ang (mis)adventure. Sinamahan ako ng bagong kaibigan sa terminal ng van. Hindi ko napigilang humanga sa tanawin doon sa Baguio na noon ay sa TV at sa pelikula ko lang napapanood. Kakaiba pala talaga kapag sa totoong buhay na.

Heto ang plano. Sasakay ako ng van papuntang San Jose. Mula San Jose, sakay ako ng bus pa- Solano. Mula roon, sasakay ako ng bus o kaya ay jeep papuntang Banaue. Tapos. Happy ending. Paulit-ulit ko ‘yong sinabi sa sarili ko. San Jose. Bus pa-Solano. Jeep pa-Banaue. Simpleng-simple.

Eksaktong alas siyete y media ng umaga ako nakarating sa terminal ng van. Sabi ko, siguro alas-otso ang biyahe nito. Ayos lang. Maghihintay ako habang ninanamnam ang malamig na simoy ng hangin. At ang pag-asa ko ay katulad ng magandang sikat ng araw.

Alas otso. Ako pa lang ang pasahero ro’n. Ayos lang. Baka naghihintay ng iba pang pasahero. Antay pa ulit ako. Alas otso y media. Ako pa rin. Wala yatang gustong pumunta ng San Jose ng mga oras na ‘yon. Pero ayos lang. Alas nuebe y media. Napansin kong wala pa ring ibang pasahero maliban sa sarili ko. Gusto ko nang isipin na na-gu-good time ako ng mga tao ro’n at may mga kamera sa paligid ko. Alas diyes. May dalawang tong dumating dala ang maraming gulay. Ayos. Nagkaroon ako ng pag-asa. Alas onse y media. Sa awa ng Diyos, nadagdagan na kami ng isa. Alas dose. At ng ilan pa. Ala una. Natawag ko na ang lahat ng santo. At sa wakas, dininig din ang panalangin ko. Nakaalis din kami, alas dos ng hapon. Totoo, alas dos ng hapon.

Anak ng pating. Kung alam ko lang na gano’ng katagal ang paghihintay na gagawin ko, eh di sana, naglibot muna ako sa Burnham, sa Botanical Garden, sa Camp John Hay at kung saan-saan pa.

Hay, kaysarap pakinggan ng ingay ng makina ng sasakyan. Sa wakas. After 48 years. Isipin mo ‘yon, alas siyete y media ng umaga hanggang alas dos ng hapon. Nakaupo ako ro’n, para akong tanga. Nakanta ko na ang lahat ng kantang alam ko, naisip ko na ang lahat ng maiisip ko, naisumpa ko na ang lahat ng dapat isumpa. Sa totoo lang, asar na ‘ko sa buhay nang mga oras na ‘yon. Pero nang magsimula na nag biyahe, lahat ng inis ko ay parang bulang nawala.

Ang lupit ng tanawin sa Kennon Road. Kahit halos magka-buhul-buhol ang bituka ko at magkanda-suka-suka, ayos lang. Hinding-hindi ko ‘yon ipagpapalit kahit kay Papa Piolo. Ang salitang makapigil-hininga, noon akala ko, salita lang, Totoo pala. Gano’n ang Kennon Road.

Tipong tour of Luzon ang ginawa kong ‘yon, ayon na rin sa driver ng van na nasakyan ko. Lahat yata ng lalawigan sa Luzon ay nadaanan namin- Pampanga, Tarlac, Pangasinan, bago ko natunton ang San Jose. Sa Nueva Ecija.

Hindi ko naisip na mararating ko ang lugar na ‘yon sa buong buhay ko. Nang nag-iisa. Ako ang unang sumakay sa van at ako rin ang huling bumaba ro’n. Dalawang oras pa ang lumipas nang marating ko ang San Jose. Sumakay ako ng tricycle at hinatid ako sa terminal ng bus na di ko na maalala ang sign board kung sa’n papunta, Tuguegarao ba o Cabanatuan, ewan ko. At wala na ‘kong pakialam, basta dadaan ‘yon ng Solano.

Antay uli ako ng mahigit tatlumpung minuto bago muling nagpatuloy ang aking makulay na paglalakbay. Nagsimula nang mas lumamig ang hangin, habang paakyat na ng paakyat sa bulubundukin na kung saan ay hindi ko alam. Nagsimula nang gumanda ang mangilan-ngilang maliliit na rice terraces. Malupit. Sobrang lamig ng hangin na tila simoy Pasko ang humahampas sa aking mukha’t katawan. Mababa ang mga ulap, at bigla kong napagtanto na totoo palang sa Banaue ang punta ko.

Di kapani-paniwala.

Saan nga ba ang Solano, naisip ko. Sa totoo lang, wala akong ideya, basta ako, biyahe lang. Ni hindi ko na naisip kung tama ba ang daang tinatahak ko, o kung ano nga ba ang kahihinatnan ng lahat ng ‘yon. Basta ako, sige lang, biyahe lang.

Naramdaman kong malapit na ‘kong bumaba ang magsimula nang lumubog ang araw. Sinabi ng kundoktor sa akin na malapit na raw akong bumaba. Alas siyete na ‘yon ng gabi. Nagtanong ako kung saan ang sakayan ng bus patungong Banaue. At tila lahat ng nakasakay do’n sa bus ay namangha. Ang iba ay natawa. Akala yata, nagbibiro lang ako.

“Naku ineng, wala nang bumibiyaheng jeep sa gabi.”

Kung ganito ang maririnig mo, kakabahan ka na diba? Siyempre. Pero ako, hindi. Nagtanong agad ako kung ano ang p’wedeng alternative. Masyado akong positive.

“P’wede kang bumaba sa susunod na bus stop. Mas safe do’n. Do’n ka maghintay ng bus pa- Banaue. May 24 hours karinderya ro’n. Sa Bagabag."

Bagabag. Pangalan pa lang ng lugar, kakaiba na. Tila may naghihintay na kung anong hindi kaaya-aya sa lugar na ‘yon. Ilang beses kong inulit sa isip ang pangalan ng lugar na ‘yon. Bagabag. Bagabag. Bagabag.

Nakakabagabag.

Pero wala naman akong ibang pagpipilian. Bumaba ako sa Bagabag at doon sa 24hours karinderya nagpalipas ng oras at ng sama ng loob. Alam mo na siguro ang sumunod na nangyari.

Tama. Wala akong nagawa kundi ang maghintay sa walang kasiguruhang pagdaan ng bus pa- Banaue. Ayon sa prediksyon ng mga tao ro’n, alas diyes raw ng gabi. O ala-una ng umaga. Gusto ko nang matawa. Wish ko lang, nagbibiro sila. Pero hindi. Wala akong nagawa kundi maghintay sa walang kasiguruhang pagdaan ng bus pa- Banaue.

Ayos lang sana ‘yung paghihintay. Tanggap ko na ‘yon. Pero ‘yung lowbat ang cellphone ko at hindi ko ma-contact ang aking kaibigan...itago na lang natin sa pangalang River, aba, sobrang parusa na yata ‘yong ng langit. At ang malupit pa, ayaw akong payagang mag-charge doon sa 24 hours karinderya.

Bad trip. Bagay talaga ‘yong pangalan ng lugar sa kanila. Tama ang pakiramdam ko na may naghihintay na kung anong di kaaya-aya sa lugar na lang ‘yon. ‘Yun na yata ang pangalawa sa pinakamababang yugto sa aking buhay. at ano ‘yung pang-unang pinakamababang yugto sa buhay ko? Ha, ha, akin na lang ‘yon.

Nakakabagabag talaga. Pero hindi pa rin ako sumusuko. Hindi ako basta-basta sumusuko. Naghintay ako hanggang ala-una. Walang bus na dumaan. Muli akong nagtanong kung anong oras ang sumunod na daan ng bus. Alas singko y media raw. Gusto ko na sanang lakarin mula roon hanggang Banaue. Pero ayos lang, pagsubok lang ito ng Diyos.

Kahit anong pilit ko’ng umidlip, di ko magawa. Ang daming tumatakbo sa utak ko. Ang dami kong iniisip. Ang dami kong inaalala. Sa kabila ng pagod, ng antok at ng inis, di ko magawang umidlip. Isang libro ni Nicholas Sparks at musika ni Michael Buble’ ang tanging karamay ko ng mga oras na ‘yon. Pakiramdam ko, nag-iisa. Sawi.

Iniisip ko kung dapat ko na lang tigilan ang kalokohan ng ‘yon at bumalik na lang ng Maynila. Iniisip ko kung ano nga ba ang kahihinatnan ng biyahe ko na ‘yon. Iniisip ko kung nasa tama pa ba akong pag-iisip. 

At dumaan ang mga oras na tila walang hanggan. Ala-una. Alas dos. Alas tres y media. Alas kuwatro. Alas singko y media. At walang paglagyan ang tuwang naramdaman ko nang mamataan ko ang isang bus na parating. At ang sign board- BANAUE!  S’yempre, masaya at masigla ko ‘yong pinara! 

Pero tuluy-tuloy lang ito sa kalsada.

Bad trip.

At ang mas bad trip pa ro’n, iyon na ang huling bus pa-Banaue na dadaan sa araw na ‘yon. At wala nang susunod pa.

Wala na. Sa totoo lang, kahit ako, naaawa na sa sarili ko. Walang tulog. Walang pahinga. Walang kausap. Walang pag-asa. Wala na ‘ko sa sarili ko.

At tuluyan nang nilamon ng liwanag ang dilim. Napakasarap ng simoy ng hangin. Napakagandang araw para simulan. Pero para sa ’kin, isang trahedya. Lalo na nang masaksihan ko ang pagbangga ng isang malaking trak sa isang maliit na lumilipad na ibon, at ang pagpanaw nito. Trahedya. Tila isang masamang pangitain. Naisip ko, may mas malupit pa bang pangyayari na tatalo sa mga pangyayari ng nagdaang araw? Muli, naisip ko nang sumuko. Pero hindi ako basta-basta sumusuko. Ngayon pa.

Sabi nga, pagkatapos ng dilim, palaging may kasunod na liwanag. Habang nagdarasal ng isang himala at nagpapanggap na ayos lang ang lahat, may isang anghel na bumaba mula sa langit. Si  Nanay Rose. Tingin ko sa kanya noon, isang napakagandang anghel. Hulog ng langit para sagipin ako sa masalimuot na pangyayari’ng ‘yon. 

Taga-Banaue si Nanay Rose. Pauwi na s’ya, dala ang kanyang mga panindang daing na isda. Isasabay raw niya ako sa jeep papuntang Lagawe, at mula roon ay sasakay raw ako ng isa pang jeep papuntang Banaue. Hay, para akong patay na muling nabuhay. Nagbalik na ang kaluluwa ko sa katawang tao. Salamat kay Nanay Rose, kung hindi dahil sa kanya, di ko alam kung ano ang kahihinatnan ko ro’n. Siguro, nasa Bagabag pa rin ako hanggang ngayon, nababagabag.

Ibinigay pa n’ya sa ‘kin ang cellphone number n’ya, sakaling di ko raw makita ang mga kaibigan sa Banaue o kung anuman, tawagan ko lang daw s’ya at handa n’ya akong tulungan. Pambihira. May gano’n pa palang nilalang sa panahon ngayon.

Halos dalawang oras ang biyahe sa jeep pa-Lagawe na tila kaybilis dahil sa sobra akong naaliw sa ganda ng tanawin. Pinahatid pa ako ni Nanay Rose sa driver sa terminal ng jeep pa- Banaue. Muli, salamat kay Nanay Rose.

Nakarating ba ako sa destinasyon ko? Oo naman, alas nuebe na yata ng umaga nang opisyal akong makatapak sa pinagpalang lupa ng Banaue. Sa lahat ng napagdaanan ko, ng matagal na paghihintay, ng lahat ng kamalasan, sa wakas, narating ko na rin ang Banaue. Pagkalipas ng isang daang taon.

Dito na ba nagtatapos ang pakikipagsapalaran ko? Hindi.

Dahil pagdating ko do’n, panibagong pagsubok na naman ang nangyari. Pagbaba ko ng jeep, sumakay ako ng tricycle at nagpahatid sa halfway Lodge kung saan naroon ang aking mga kaibigan.

“Hi there! Where are you going?”

At inglesero si manong driver. Sa kabila tuloy ng pagka-badtrip ko, hindi ko mapigilang mapangiti. “Sa Halfway Lodge po,” sabi ko.

Ngumiti si manong. “I see, okay. Are you a tourist?”

Ngumiti rin ako at tumango.

“First time in Banaue?”

Muli akong tumango. Naisip ko, laking Amerika siguro si Manong. Marami pa s’yang sinabi at tinanong na di ko na maalala kung ano. Pagkalipas ng dalawang minuto, nasa Halfway Lodge na kami.

Oo, dalawang minuto. Sana, naglakad na lang ako, diba?

Mainit ang sikat ng araw noon pero malamig ang hangin. Mas lalong naging malupit ang tanawin kung saan ako naroon. Akala ko, Kennon Road na ang pinakamalupit pero mas malupit ang Rice Terraces. Parang postcard. Kaya hindi ko magawang maghinagpis at magdamdam. Kahit pa mukha akong galing sa giyera sa Iraq, ayos lang.

Pagdating ko sa Halfway Lodge, nilapitan agad ako ng isang masayahing babae na malamang ay ang manager ng lugar. Agad kong ipinagtanong ang aking mga kaibigan.

“Naku, kaaalis lang kaninang alas siyete,” nakangiti nitong tugon.

Ngumiti lang din ako. Siguro, nag-sight-seeing. ‘Yon ang huli kong natanggap na mensahe mula sa kanila. “San po nagpunta?”

“Sabi nila, sa Hapao. Mga isang oras mula rito.”

Hapao Rice Terraces. Isa rin sa mga tourist destinations doon. Mabilis ang naging pag-iisip ng utak ko. Maaari ko silang hintayin do’n, o p’wede ko silang puntahan kung saang lupalop ng mundo man ang Hapao na ‘yon.

“Eh anong oras po ang balik?”

“Ay, nag-check out na sila kanina. Uuwi na raw yata.”

Alam mo na siguro ang naramdaman ko nang mga oras na ‘yon. Walang kaparis na hinagpis. Kailangan ko na bang sumuko? Siguro, kung matino akong tao, sa Baguio pa lang, tinigilan ko na ang lahat. Pero hindi ako basta-basta sumusuko. Dahil sa may charge na ang cellphone ko (salamat sa Halfway Lodge), p’wede ko nang i-text ang aking kaibigan "na itago na lang natin sa pangalang River".

At pa’no kung nakauwi na nga sila sa Maynila? Ayos. Mag-isa kong lilibutin at aakyatin ang buong Banaue. Pero mabuti na lang at wala pang isang minuto ay tinawagan na ako ng aking kaibigan "na itago na lang natin sa pangalang River". Hintayin ko raw sila, susunduin nila ako doon, sa loob ng limang minuto.

At wala nang pagsidlan ang aking kaligayahan nang makita ko silang parating. Daig ko pa ang nanalo sa lotto!

Hay. Dito na ba nagtatapos ang kabaliwan ko? Siyempre, hindi. Iyon pa lang ang simula. Marami pang nangyari pagkatapos no’n. Pero talaga namang hindi ko malilimutan ang biyahe kong ‘yon sa buong buhay ko. Hindi ko malilimutan ‘yung mga taong nakilala ko sa Baguio, na nagpatawa at nagpasaya sa ‘kin. Na hindi nagdalawang isip na tumulong at ituring akong kaibigan sa una pa lang naming pagkikita...Si lolo na inabot na isang daang ton bago nakababa ng bus doon sa gulayan sa Baguio, na sinundo ng kanyang mahal na asawa...Ang driver ng van pa-San Jose na naikuwento na yata sa ‘kin ang buong life story n’ya. Ang Kennon Road...Solano at s’yempre pa, ang paborito ko sa lahat na bayan ng Bagabag.

‘Yung ibong munti na hanggang ngayon ay naaalala ko pa rin at nagdudulot ng lungkot paminsan-minsan...Si manong tricycle driver na malupit mag-English. At s’yempre pa, si Nanay Rose. Sabi ko sa kaya, dadalaw ako lapag naligaw uli para muling makapagpasalamat. At patatayuan ko s’ya ng monumento balang araw.

Siguro, sasabihin mong puro kamalasan ang nangyari sa buong biyahe ko pa-Banaue. Puro katangahan at mga maling desisyon. Pero wala akong pinagsisisihan sa mga ‘yon. Dahil kung hindi ako naging medyo baliw at kung hindi ko nagawa ang mga maling pagpapasya, hindi ko mararanasan ang mga pangyayaring naranasan ko. Hindi ko madaraanan ang Kennon Road. Hindi ko makikilala si Nanay Rose. At siguro, hindi ako magiging kung sino ako ngayon.

Talaga namang hindi ko malilimutan ang biyahe kong ‘yon habang ako’y nabubuhay. Tulad ng 


No comments:

Post a Comment

Popular Posts