Quote of the Day

The idea of me is better than the reality of me. - Verity

Tuesday, August 2, 2022

Sneak Peek of Tagu-taguan ng Feelings by Tamara Cee






“Kung aagawin ba kita sa kanya, magpapaagaw ka ba?”


EXCERPT:

UY, tumayo ka nga nga diyan. Alas-nuebe na, hindi ka pa ba uuwi?” 

Walang tugon mula kay Liv, sa halip ay nilakasan pa ang volume ng TV. “May magandang horror movie ngayon sa cable, panoorin natin.”

“Sa weekend na lang, puwede? Inaantok na ako,” sagot ni Manolo na tila ba hinang-hina. Naupo ito sa kama at dahan-dahang inihiga ang katawan sa tabi niya. 

“May meeting ako sa weekend. Sige na, please?” Pero wala naman talaga. Ayaw lang niyang manatili sa bahay nila nang mga oras na iyon dahil naglilitanya na naman ang kanyang ina tungkol sa pagiging NBSB niya. Kung ‘yung ibang mga nanay ay namomroblema sa mga anak na babae na maagang nakikipagrelasyon, kabaligtaran ang nanay niya. Minsan tuloy, pakiramdam niya ay napakatanda na niya – o sige na, sa edad niyang beinte-singko na ni minsan ay hindi pa nagkakaroon ng nobyo ay masasabi nga sigurong matanda na. Maayos naman ang trabaho niya at wala naman siyang bisyo - hindi naman siya umiinom, hindi naninigarilyo, at lalong hindi rin naman nagda-drugs. Wala siyang kahit na anong bisyo - ah, oo nga pala, mayroon siyang isang bisyo – si Manolo, na hirap na hirap siyang tanggalin sa kanyang sistema.

Kung tutuusin, napaka-huwaran niyang anak kaya hindi niya maintindihan kung bakit pinagdidiskitahan ng nanay niya ang kanyang love life. Kung p’wede lang niyang sabihin na napakamanhid kasi nitong kasama niya ngayon kaya hanggang ngayon ay NBSB pa rin siya, ay matagal na niyang ginawa.

“Uy Liv, inaantok na nga ako, umuwi ka na.”

“Ang KJ mo talaga, kahit kailan!” Naupo siya at itinulak si Manolo sa kama, na muntik na nitong ikahulog doon. “Noong nagsabog ang Diyos ng ka-KJ-yan, pinakyaw mo lahat!”

“At noong nagsabog ang Diyos ng kakulitan, sinalo mo ng batya!” sagot naman nito.

“Wow, ako pa talaga ang makulit? Sino kaya ang kahit madaling-araw ay tumatawag sa telepono dahil ‘trip’ lang?”

“Noon ‘yon. Nagbago na ‘ko, Liv.”

Tumayo na siya at binato ng unan ang kaibigan. Simula noong nasa high school sila, hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nagbabago. Hanggang ngayon ay para pa rin silang bata sa tuwing magkasama. And that’s actually what she likes about their friendship. 

“Sige, tandaan mo ‘to ha, Callejo. Tandaan mo itong gabi’ng ito kung kailan pinauwi mo ako ng bahay at hindi sinamahang manood ng horror movie. Tandaan mo ito kapag kinailangan mo ng tulong sa kahit na ano dahil wala ka nang aasahan sa akin.”

Bago pa niya talikuran si Manolo ay muli niya itong binato ng unan. Bubuksan na sana niya ang pinto nang bigla siyang hilahin nito sa braso at halos itulak doon sa kama. Sa sobrang gulat ay madali siyang nawalan ng balanse at tuluyan nang napahiga. The next thing she knew, Manolo’s body was on top of her, his face just a couple of inches from hers. 

Tsug, tsug, tsug. 

That’s her crazy heart, beating. Sana lang hindi iyon marinig ni Manolo, na parang imposible dahil sa sobrang lakas no’n. Nakatingin lang ito sa kanya, nakangiti na parang isang anghel mula sa langit. Amoy niya ang paborito nitong cologne, maging ang hininga nitong amoy mouthwash. Bigla tuloy siyang na-conscious dahil hindi pa siya nakakapag-toothbrush nang gabing iyon kaya itinikom niya ang kanyang bibig at ibinaling ang ulo sa kaliwa.

“Ano, feeling mo, hahalikan kita?” natatawang tanong ni Manolo. Nasa ibabaw pa rin niya ito at tila walang balak na umalis roon. 

“Yuck naman, Manolo. Ang kapal ng mukha mo!” pasigaw niyang sabi sabay tulak rito. Naupo siya nang maayos sa kama at inayos ang nagulong mahabang buhok.

“Yuck ka diyan. Aba, ang dami yatang babae’ng gustong matikman ang kissable lips na ‘to!” umupo ito sa tabi niya at ngumuso. 

“Talaga lang, ha? Baka mga babae’ng aso! Ha! Ha! Ha!”

Pinanlakihan siya ng mata ng kaibigan at muli siyang pilit na inihiga sa kama. Pumaibabaw uli ito sa kanya at hinawakan ang magkabila niyang braso para pigilan ang pagwawala niya.
 
“Manolo, ano ba? Pakawalan mo ‘ko kung hindi-“ Baka hindi ako makapagpigil at talagang ma-kiss kita!!

“Kung hindi ano? Hahalikan mo ‘ko?”

“Yuck! Feeling-ero ka talaga eh, ‘no? Mas gugustuhin ko pa sigurong humalik sa palaka kaysa halikan ka!”

“Aba, aba, aba. Naghahamon ka talaga, ha?” Ngumuso si Manolo at pilit inilapit ang mga labi sa labi niya.

Pinilig-pilig niya ang ulo sa kaliwa at sa kanan para iwasan iyon pero lubhang mas malakas ito sa kanya kaya siya rin ang sumuko. “Suko na ‘ko! Ayoko na, Manolo!”

“Anong suko? Walang suko-suko. Kiss muna!”

“Callejo! Kapag hindi ka umalis diyan at hindi mo ‘ko pinakawalan, sisigaw ako!”

“Sige, sumigaw ka. Ano’ng isisigaw mo? ‘Ayyy, si Manolo, ang sarap ng kiss ni Manolo!’” sabi pa nito na pilit pinaliit ang boses.

Naningkit ang mga mata niya at pilit kumawala sa pagkakahawak ni Manolo. At nang makakuha ng tiyempo ay bigla niya itong itinulak at siya naman ang pumaibabaw rito. Nanlaki ang mga mata nito dahil sa mabilis na pangyayari.

Ngayong nagkapalit na sila ng puwesto, napangiti siya. Hinawakan niya ang magkabila nitong braso tulad ng ginawa nito sa kanya at inilapit ang mukha sa mukha nito. Hindi naman ito natinag at ni hindi gumawa ng kahit na ano para lumaban. Ramdam niya ang pagbilis ng tibok ng puso ni Manolo, sa kung anong dahilan ay hindi niya alam. 

“Ano, ha? Akala mo kaya mo ‘ko?”

Unti-unti pa siyang lumapit rito, hanggang sa halos dumikit na ang dibdib niya sa dibdib nito. Mula sa kanyang mukha ay unti-unting bumaba ang tingin ni Manolo sa kanyang dibdib. Napatingin rin siya sa sariling dibdib at ngayon lang niya naalala na V-neck nga pala ang suot niya, at sa posisyon niyang iyon ay kitang-kita hindi lamang ang cleavage niya kundi halos lumabas na mula roon ang pinagkakaingat-ingatan niya. 

Bigla siyang dumiretso ng upo at inayos ang suot na T-shirt. Nang balikan niya ng tingin si Manolo ay kakaiba na ang ngiti nito.

“Wow, Liv. May maipagmamalaki ka rin pala, ha.”

Kung hindi lang masama ay nasampal na niya ito dahil kung ibang tao ang magsasabi sa kanya ng ganoon ay talagang mababastusan siya. Pero galing iyon kay Manolo, kaya alam niyang wala iyong ibang ibig sabihin kundi ang mag-asar lang. Gusto lang nitong pakuluin ang dugo niya at hinding-hindi siya magpapatalo. Ngumiti lang siya at hindi umalis sa pagkakaupo sa kandungan ni Manolo. Nakahiga pa rin ito, nakabalanse ang pang-itaas na katawan sa dalawang siko habang nakatingin sa kanya. 

Pinagsalubong niya ang dalawang kilay at nagkunwaring galit. “K-kanina ang tapang-tapang mo tapos ngayon, ano, naduduwag ka na? Sus, I’m sure hindi ka naman marunong humalik.”

“Oy, ang dami nang nahalikan nito, baka akala mo.”

“Puro ka naman salita e. Ang sabihin mo, talagang hindi ka marunong humalik.”

“At ikaw marunong?” natatawang tanong ni Manolo. “Akala mo kung sino ‘to. Kahit nga yata smack hindi mo pa nae-experience, eh!”

Ngumiti siya nang kimi. “’Yun ang akala mo.”

“Hala, may nakahalik na sa ’yo?” kunut-noong tanong nito sa kanya. Napaupo ito, dahilan para magkalapit ang mukha nila. “Magsabi ka ng totoo, Borromeo, may nahalikan ka na?”

Pero hindi siya sumagot, sa halip ay inilabas lang niya ang kanyang dila para lalo itong asarin.

“Sige, isusumbong kita kay Tita!” pagalit nitong sabi.

“Hmp! Sumbungero!”

“Ano nga? Nakahalik ka na? Eh, wala ka namang boyfriend, ah!”

“Eh, bakit ikaw? Wala ka rin namang girlfriend, ah,” inis niyang tanong rito.

“Lalaki ako, Liv.”

“At por que babae ako at walang boyfriend, wala na akong karapatang humalik? Double standard ‘yan!”

Nanlaki ang mga mata ni Manolo. “Seryoso na, Olivia Borromeo. Ano nga? May nahalikan ka na? Marunong ka nang humalik?”

“Bakit hindi mo i-try?” tanong niya sabay nguso. Pumikit siya kunwari at hinintay ang gagawin ni Manolo. Gusto nito ng asaran ha, p’wes, mag-asaran sila magdamag.

Pero walang ginawa si Manolo. Tahimik lang itong nakatingin sa kanya. “H-huwag na ‘no.  Kapag natikman mo ang halik ko, baka makalimutan mo ang pangalan mo…baka nga pati address mo makalimutan mo e. Baka magka-amnesia ka pa, kawawa ka naman. Tsaka kapag nalaman mo kung gaano ako kasarap humalik, siguradong mai-in love ka sa akin. Eh, sayang naman, ayokong masira ang friendship natin dahil lang sa isang halik..”

“Kapal!” malakas niyang sabi sabay irap.

Mabilis siyang umalis sa pagkakaupo sa kandungan ni Manolo at ibinato rito ang unan. Tumalikod na siya at lumabas ng pinto. Hindi niya alam kung matatawa ba, kikiligin o maiinis rito. Hindi na niya mabilang kung ilang beses na siyang inasar nang ganoon ni Manolo, at kung ilang beses na nitong pinakabog nang sobra-sobra ang dibdib niya. 

Naku, kung hindi siya nakapagpigil kanina, malamang na nahalikan na nga niya ang mga labi nito. God, that feeling when he was top of her! Hanggang ngayon ay nanginginig pa rin ang mga tuhod niya at lahat ng kalamnan! 

At sigurado rin siya na magkakatotoo ang sinabi ni Manolo na tiyak na mai-in love siya rito sa oras na mahalikan niya ito – hindi, dahil sa tingin niya ay matagal na siyang na-in love dito.

~~




No comments:

Post a Comment

Popular Posts