Tuesday, September 3, 2019

The Girl From The Coffee Shop 3 Chapter 11

ISANG ordinaryong araw lang iyon para kay Benjamin tulad ng mga nagdaang araw at nagkatao’ng may kliyente si Jeff malapit sa The Forum kaya binisita siya nito. 

“I got call from Maya this morning.”

At iyon lang ang kailangang marinig ni Benjamin para ihinto niya anuman ang ginagawa niya nang mga oras na iyon. “N-nakausap mo siya?” Mula sa laptop ay nagtaas siya ng tingin. 

“Yes,” natatawang tugon nito. Tumayo ito at nagpunta doon sa couch.

Gustong magtanong ni Benjamin ng ‘how is she’ pero pinigilan niya ang sarili. Muntik na niyang makalimutan, galit nga pala siya sa babae’ng iyon at kinasusuklaman niya ang lahat ng tungkol dito.

“Okay naman siya. Milan has treated her well, if you ask me. Naroon lahat ng gusto niya – ang art, ang fashion, ang scenery.”

At ang lalaking ipinalit nito sa kanya, kung p’wede lang niyang idagdag. At muli, nanumbalik ang galit na nararamdaman niya. “Nagpunta ka rito para lang sabihin sa akin ‘yan?”

“Oo. Dahil alam ko na halos mamatay-matay ka na kaiisip kung kumusta na ang Maya mo. Oh well, good news for you…itinanong niya kung kumusta ka na raw,” patuloy ni Jeff.

Muli siyang napaangat ng tingin pero tumungo rin siya agad. “Sabihin mo sa kanya, ayos lang ako at sabihin mo sa kanya na huwag na siyang mag-aksaya ng panahong magtanong tungkol sa akin dahil okay lang ako.”

Tumaas ang kilay ni Jeff dahil alam nito na kabaligtaran ang lahat ng sinasabi niya. Tumayo na ito at kinuha ang kulay pula’ng knapsack. “Bakit hindi ikaw ang magsabi sa kanya n’yan? She arrived a couple of days ago so if you want to see her,” and he handed him a small invitation card. “Make sure to be there.”

Hinayaan muna ni Benjamin na makalabas ng opisina niya ang pinsan bago niya buksan ang ibinigay nito. Imbitasyon iyon mula kay Pam para sa soft opening ng bago nitong coffee shop na From Coffee to Cupcakes (a perfect blend of passion and creativity). Naroon ang lugar kung saan ito gaganapin, at ang oras. At sa ibaba’ng bahagi ng maliit na invitation na iyon ay ang sulat-kamay ni Pam – 

Maya is expecting you.

Agad niyang itinabi ang imbitasyon sa drawer ng kanyang mesa at nagsalin ng scotch sa baso. Mas napapadalas na ang pag-inom niya nitong mga nakaraang araw. Hindi man niya iyon nagugustuhan, alam niyang ang alak na lamang ang nakakatulong sa kanya na kahit paano ay mabawasan ang sakit na nararamdaman.

Ngayong nagbalik na si Maya, hindi niya napigilang naisip kung ano na nga kaya ang itsura ng dating kasintahan ngayon. Does she still have that soft wavy hair which he loved to caress, those striking eyes that always sparkle every time he looked at them and those soft lips that always kept him awake at night?

Tumayo siya at kinuha ang baso ng scotch. Kailangan niyang lumayo sa mesa na iyon at kailangan niyang pigilan ang sariling muling tingnan ang kapirasong papel ng imbitasyon na iyon. Nang naroon na siya sa may bintana ay muli siyang napaisip. Ngayong nagbalik na si Maya, ano nga ba ang mararamdaman niya? 

Dapat wala. Dapat sarado na ang puso niya para kay Maya. Pero bakit gano’n, sa tuwing naiisip niya ito, sa tuwing naaalala niya ang mga nakaraan nila at sa tuwing naiisip niya ang posibilidad ng muli nilang pagkikita ay kinakabahan siya?   Damn, he’s acting like a high school boy who’s crazily excited about his first date. He’s going to see Maya again. After all those miserable years, they’d be seeing each other again.

Oh yes, he’s pretty damned.

~~

AT pagkaraan ng ilang araw ng pakikipagdebate sa sarili, ipinarada ni Benjamin ang kanyang sasakyan sa gilid ng kalsada at nagdadalawang-isip na tumawid. Saglit muna siyang tumayo roon nang makarating siya sa mismong harap ng coffee shop. Marami-rami pa ring tao doon kahit pa palubog na ang araw. Metallic black and white ang kulay ng lobo sa entrance at pati na rin sa loob. Ang pangalan ng shop na gawa sa bronze ay nakalagay sa tabi ng pinto, na may dalawang antique lamps sa magkabilang gilid.

Tama bang pumunta pa siya roon? Ano ang sasabihin niya kay Maya sa oras na magkaharap sila? Baka nga hindi iyon isang magandang ideya. Dalawang taon na rin ang nakaraan at hindi na siya sigurado kung ano ang nararamdaman ni Maya para sa kanya – ah, ano pa bang ‘feelings’ ang sinasabi niya? Wala na itong anumang ‘feelings’ para sa kanya dahil may mahal na itong iba.

Pero ayon kay Jeff, gusto raw siyang makita ni Maya at makausap. Kung tungkol saan man iyon ay sigurado siyang hindi iyon magandang balita.

~~

MAKAILANG ulit nang tumingin si Maya sa entrance ng shop para tingnan ang mga pumapasok at lumalabas. Kanina pa dumating at nakaalis sina Raymond, Jeff at ilan sa mga kaibigan nila at ngayon ay palubog na ang araw. 

“Hindi na darating ‘yon.”

“Sa tingin mo?”

“Sigurado ako,” nakangiting tugon ni Pam habang tinutulungan si Maya na ayusin ang mga coffee cups sa counter. “Galit na galit pa rin ‘yon sa iyo hanggang ngayon, eh.” Kapwa sila nakasuot ng itim na aprons at itim na sombrero, na uniporme nila sa shop. Medyo malaki lang nang kaunti ang apron ni Pam para sa lumalaki na nitong tiyan. 

Inirapan ni Maya si Pam at ang mga naka-display naman na cupcakes ang inasikaso. May ilang customers na dumating kaya ilang minuto rin silang naging busy. Kung ganito ang dami ng customers nila sa araw-araw, baka magkaroon agad sila ng pangalawang branch sa loob ng anim na buwan. 

Matagal na pag-iisip ang ginawa niya bago niya narating ang desisyon na iyon na umuwi. Nakasanayan na niya ang buhay na mayroon sila sa Milan – tahimik, masaya, walang stress. ‘Yung p’wede niyang gawin kahit na ano, kahit kailan, na wala siyang iniisip kung may masasaktan o wala. Pero sabi nga ni Noel, gawin niya kung ano ang magpapasaya sa kanya, puntahan niya ang lugar kung saan alam niyang magkakaroon siya ng tunay na katahimikan ng loob. At sabi pa ni Noel, gawin niya iyon para rito.

Pero paano kung galit na galit pa rin sa kanya si Benjamin at ayaw na siya nitong kausapin kahit kailan? 

“Expected na naman natin ‘yon, mare.” Iyon ang sabi ni Pam. “Kaya dapat, mag-effort ang beauty mo kahit konti. Two years kayong hindi nagkita…at marami kayong dapat pag-usapan. Lalo na ikaw, marami kang dapat sabihin doon kay Engineer.”

Kaya nga siya na ang nagkalakas-loob na ipa-imbita si Benjamin kay Jeff. Ano man ang mangyari, ayaw man siya nitong makita o makausap, ang mahalaga sa kanya ay ang masabi dito ang mga bagay na dapat ay noon pa nito nalaman.

Abala na si Maya sa pagbibigay ng order ng isang lalaking customer nang lapitan siya ni Pam at bulungan. “And speaking of the devil.” Kinailangan pang tumingkayad ni Maya para makita ang bagong dating. At nang makita niya kung sino iyon, naramdaman niya ang pagtalon ng kanyang puso – na kung iisipin ay hindi na tamang mangyari.

Ipinagpatuloy lang ni Maya ang ginagawa na parang wala lang, na para bang wala lang sa kanya na naroon si Benjamin, na muli sila nitong makikita. Pang-lima ito sa pila at kahit pa matagal nang ginagawa ni Maya ang pagtitimpla ng kape at bihasa na siya sa pagba-barista, pakiramdam niya ay magkakamali siya sa ginagawa anumang oras.

Pasimple niya itong tinatapunan ng tingin. Suot nito ang tipikal na isinusuot nito sa opisina at halatang kagagaling lamang nito sa trabaho. Hindi niya maitatanggi na guwapo pa rin ito kahit pa nga masyadong seryoso ang mukha. Nagpatubo ito ng balbas at bigote, na lalo lamang nagpalakas ng dating nito. Abala ito sa cellphone at manaka-naka ang pagtingin nito sa paligid ng café. Alam kaya nito na naroon siya, na siya ang kukuha ng order nito tulad ng dati niyang ginagawa tulad noong unang panahon?

Ang totoo, hindi pa siya handang kausapin si Benjamin at kung p’wede lang iyong ipagpaliban ay gagawin niya pero wala naman siyang pagpipilian kundi maging handa. Tutal, iyon naman ang tanging dahilan kung bakit siya bumalik at nangako siya kay Noel na sasabihin niya ang lahat kay Benjamin – dahil ayon kay Noel, kung mayroon mang may dapat makaalam tungkol doon, si Benjamin iyon at wala nang iba.

“Mochaccino.”

Maraming tumatakbo sa utak ni Maya nang mga sandaling iyon kaya hindi niya namalayan na si Benjamin na ang nasa harap niya. Natigilan siya bigla nang marinig ang pamilyar na malalim na boses na iyon. Seryosong-seryoso ito na nakatayo sa harap niya. Nakatingin rin ito sa kanya na para bang sinasabi’ng – why the hell did you come back? Huminga siya ng malalim bago nagsalita. “W-would you like some cupcakes with your mochaccino?”

“No,” maikli at matigas na sagot nito. 

Ngayon, sigurado na si Maya na may galit pa rin ang dating kasintahan sa kanya. Ni walang ‘hi’ o ‘hello’, or ‘good afternoon’, or ‘how are you’. Ni hindi man lang nito nagawang ngumiti. Oo, ganitung-ganito ang sitwasyon nila noon, maraming taon na ang nakalilipas. Naiabot na niya ang order nito at lahat, hindi pa rin siya nito pinansin. Pagkatapos siya nitong tingnan saglit ay tumalikod na ito, humanap ng bakante’ng mesa at nang makakita ito ng pandalawahang mesa doon sa labas ng café ay naupo na ito. Naupo lang ito doon, na parang wala lang. Tinanaw niya si Benjamin na noon ay abala sa panonood ng malilikot na bata’ng naglalaro sa harap ng café.

At naisip ni Maya, bakit ito pupunta roon kung ayaw siya nitong makita? 

~~

OUR cupcake of the day, blueberry cheesecake. It’s on the house.”

Inilapag ni Maya ang plato na may lamang cupcake, ang order nitong mochaccino at isang baso ng tubig sa mesa. Tiningnan iyon ni Benjamin at pagkatapos ay tumingin sa kanya. Hindi niya alam kung tama bang ngitian niya ito dahil kung pagbabasihan ang paraan ng pagtitig nito sa kanya ay hindi maikakaila na may galit ito sa kanya.

“K-kumusta?” lakas-loob na sabi ni Maya. Nanatili siyang nakatayo sa harap ni Benjamin na para bang naghihintay ng sentensiya.

“Gusto mo raw akong makausap, sabi ni Jeff,” sa halip ay sabi nito.

Ito na, sabi ni Maya sa sarili. It’s now or never. Bakit pa nga ba niya patatagalin iyon? Nilaru-laro niya ang hawak na bilog na tray habang nag-iisip ng tamang simula sa sasabihin. Dapat ay sabihin na niya ang dapat sabihin, pero paano?

Naghintay lang si Benjamin na magsalita siya pero ilang sandali pa ang dumaan ay nanatili lang siyang nakatayo roon, hawak pa rin ang bilog na tray. At sa tingin niya ay wala rin namang balak ang lalaki na magsalita at magsimula ng maaari nilang pag-usapan. Kaya huminga siya ng malalim bago nagsalita.

“H-hindi na dapat ako babalik pero sabi ni Noel – “

Hindi pa man natatapos ni Maya ang sasabihin ay tumayo na si Benjamin. “Pinilit mo akong pumunta rito para lang pag-usapan natin ang asawa mo?”

Agad na naningkit ang singkit nang mga mata ni Maya nang marinig ang sinabi ng kaharap. “Una sa lahat, hindi kita pinilit na pumunta rito. At pangalawa…hindi ko asawa si Noel.”

“Ano?” kunu't-noo nitong tanong.

“Bumalik ako dito dahil kay Noel. Dahil sabi niya, ito ang tama.” Pinilit niyang maging mahinahon dahil nangako siya kay Noel na kahit ano’ng mangyari, hindi niya hahayaang mangibabaw ang galit, inis o pride sa oras na magkita uli sila ni Benjamin. Kung may isang bagay siyang natutunan kay Noel, iyon ay ang pagiging mahinahon sa lahat ng pagkakataon. “Sabi ko sa kanya, hindi ko na kailangang bumalik dahil kaya ko na namang mag-isa…at baka makagulo lang ako sa inyo ng asawa mo pero sabi niya, kailangan mo ring malaman ang totoo.”

“Teka, ano’ng ibig mong sabihin na…hindi mo siya asawa?” lito nitong tanong, na para bang hindi narinig ang mga sinabi niya.

“Hindi naman kami ikinasal.”

“Pero sumama ka sa kanya papuntang Milan, diba?”

“Dahil kailangan kong sumama sa kanya.”

“Bakit?” takang tanong ni Benjamin.

“Dahil may sakit siya…malubha na ang sakit niya noon.”

Hindi alam ni Benjamin kung ano ang magiging reaksyon sa narinig. Sa lahat ng naisip nitong dahilan kung bakit ito nakayanang ipagpalit ni Maya kay Noel, iyon ang hindi nito inaasahan. 

“Hindi sa kailangan kaya ako sumama sa kanya sa Milan. Sa totoo lang, ayaw niya’ng alagaan ko siya pero ginusto kong pagsilbihan siya, gusto ko siyang mahalin hangga’t puwede pa.”

Ang kaninang galit sa mga mata ni Benjamin ay napalitan ng pag-aalala. “Kumusta na siya, okay na siya ngayon?”

Bahagyang umiling si Maya. Sinubukan niyang pigilan ang mga luha. Noel had been a really good friend, the best she ever had. Siguro nga, kung totoo ang soul mates, si Noel ang soul mate niya. He is perfect in every sense of the word and if he only asked her hand for marriage, she would definitely have said yes.

Pero hindi ang tipo ni Noel ang iniisip lang ang sariling kapakanan. Minahal siya nito nang buong puso na handa itong magsakripisyo ng sarili nitong kaligayahan. Kung mayroon itong isang hiling, iyon ay ang kaligayahan niya at alam nitong si Benjamin lang ang makapagbibigay niyon.

“I’m sorry, Maya. Hindi ko alam na-“

Tumangu-tango lang ng bahagya si Maya. “Mabuting tao si Noel. Sobra niya kaming minahal…kami ni Jamie.”

“J-Jamie?”

“Oo, si Jamie…baby ko,” mahina niyang sabi. “Gusto mo ba siyang makita?”

~~

OO at hindi. Oo dahil anak pa rin naman iyon ni Maya kahit paano at hindi, dahil sa mga maraming dahilan. Hindi pa man nakakasagot si Benjamin sa tanong ni Maya ay tumalikod na ito at pumasok sa loob ng café at hindi pa man siya nakakapagdesisyon kung gusto niyang makita ang anak nito o hindi ay nakita na niya ito parating na may tulak-tulak na isang stroller kung saan mahimbing na natutulog ang isang bata. Inilapit iyon ni Maya kay Benjamin, at atubili siyang tiningnan ito.

“Mag-tu-two years old na siya sa susunod na buwan.”

Tiningnan lang ni Benjamin ang bata sa harap niya. This baby was probably the cutest he has ever seen and maybe because of the fact that he has lost his own baby with Nicole, he felt as if he’s longing for one. Baby Jamie has soft curls, pinkish cheeks, fair skin and red lips. He’s just like one of those babies he sees on TV commercials and baby magazines. 

“Sobrang minahal ni Noel si Jamie na parang sarili nyang anak.”

Mula sa bata ay napataas ng tingin si Benjamin. Parang sariling anak?  Nakakunot ang noo’ng muling tiningnan ni Benjamin ang bata. Tumungo siya para tingnan itong mabuti at nakita niyang mahimbing pa rin ang tulog nito. Ang sabi ni Maya, magdadalawang-taon na raw ito sa susunod na buwan…dalawang taon…dalawang taon na mula nang…

“Para siyang tatay niya – ‘yung mannerisms, mga gustong pagkain, pati music na gustong pakinggan. Mabuti na lang, masayahin at pala-ngiti, parang ako.”

Hindi mapigilan ni Benjamin ang mapangiti. Nang muli niyang pagmasdan si Jamie ay gising na ito –noon lamang niya nakita ang pagkakahawig nito sa kanya – ang mabilog nitong mga mata, ang matangos na ilong, ang manipis na labi.

At nang ngitian siya nito ay tuluyan nang natunaw ang kanyang matigas na puso. Nang ilapit ni Benjamin ang kamay ay agad iyong hinawakan ng bata. 

“P’wede ko s’yang buhatin?”

“Oo naman.” Inalis ni Maya ang seatbelt ng stroller at hinayaan si Benjamin na kargahin ang anak. 

“Ano’ng pangalan niya?”

“Benjamin Vincent.”

At lalo lang napangiti si Benjamin sa narinig. Benjamin Vincent, pinagsamang pangalan niya at ng kanyang Tito Victor. “Wow.” Iyon lang ang kaya niyang sabihin sa mga oras na iyon. Gusto niyang yakapin nang mahigpit ang anak, at gusto rin niyang yakapin si Maya. He hasn’t felt like this in his life – alive, happy, certain. Na para bang nawala ang lahat ng pinoproblema niya sa buhay; na kaya na niyang harapin ang lahat ng darating pa, basta nand’yan si Maya.

“Saan kayo ngayon tumutuloy?”

“Doon pa rin sa dati,” sagot ni Maya. Ilang sandali pa ay naglikot na si Jamie at ibinaba iyon ni Benjamin. Hinayaan lang nila itong lumakad-lakad doon at makipaglaro sa iba pang mga bata na naroon sa harap ng café. 

“P’wede ko s’yang dalhin kina Dad and Ninong Vic?”

“Sure, walang problema.” 

Palubog na ang araw at mula sa kinatatayuan nila ay kita ang magandang tanawin na iyon. Manaka-naka nilang tinatapunan ng tingin ang isa’t-isa na tila ba gusto nilang makasigurado na magkasama nga sila nang mga oras na iyon, kapwa nag-iisip kung ano ang iniisip ng isa’t-isa.

“A-are you going to stay here for good?” tanong ni Benjamin. 

Tumango lang ito at ngumiti, ‘yung ngiting matagal na niyang hindi nakikita mula rito. At muli, katahimikan. Maingay ang mga bata’ng naglalaro at ang mangilan-ngilang sasakya’ng dumaraan. Patuloy pa rin ang paglabas-masok ng mga tao sa café at paminsan-minsan ay naririnig nilang tumatawa si Jaime sa di kalayuan. Naroon na si Pam at si Emman para makipaglaro sa inaanak ng mga ito.

“Kung gusto mong bumalik sa Firm, welcome ka ro’n, anytime.”

Sa pagkakataon na ‘yon, umiling si Maya. “Hindi muna siguro ngayon. Ayokong iasa sa iba ang pag-aalaga kay Jamie. Ito muna’ng café ang pagkakaabalahan ko.”

“Thank you, Maya.” Naiintindihan iyon ni Benjamin at masaya siya sa desisyon ni Maya. “For this, for letting me be a part of his life,” sabi pa niya sabay tingin sa anak. 

“Ikaw pa rin ang tatay niya, kahit ano pa ang nangyari. Hindi ko naman mababago ‘yon.” nakangiting sabi ni Maya. 

Hindi alam ni Benjamin na may gano’n pala siyang katangian, na bigla, kaya niyang gampanan ang papel ng isang ama. “I want to be with him everyday. Gusto ko s’yang dalhin sa park, sa beach, anywhere. Can I visit him again tomorrow?”

“Sure.”

“How about the day after that?” This time, he’s looking at her. “…and the day after that?”

Tumango lang si Maya at natawa. “P-pero…okay lang ba ‘yon sa…asawa mo?” 

“She’s in L.A...For good, I think. We’re in the process of divorce. She’s now living with her Italian boyfriend,” sabi ni Benjamin sabay tingin kay Maya. 

“Oh, I’m sorry…” 

Nagkibit-balikat lang si Benjamin. “Para sa amin na rin siguro ‘yon. Our marriage was just that – marriage. Kahit pilitin namin, hindi talaga.” At muli, tiningnan ni Benjamin ang anak na abala sa paglalaro. “How about you stay at The Draft?”

Nagkibit-balikat lang ito at muling ngumiti. “P’wede pa ba?”

Tumango si Benjamin at lumaki ang pagkakangiti. “Ipapaayos ko ‘yung unit bukas na bukas. By next week, you can move. I’ll help you with everything.” 

Benjamin has never felt excited in his life. Na para bang ngayon pa lang talaga nagsisimula ang buhay niya, ang buhay nila ni Maya nang magkasama, kahit pa nga wala pa talagang kasiguraduhan ang tungkol sa kanila ng dating kasintahan. The feeling was incomparable. When he looked at Maya, she was looking at him and as the sun sets in the horizon, they both knew that their lives will never be the same again. That it is the beginning of something wonderful for them and for their son, Jamie.

~~

No comments:

Post a Comment

What's New

The Girl From The Coffee Shop 3 EPILOGUE

KUNG tatanungin kung gagawin ko pa rin ang mga desisyong nagawa ko noon, ang sagot ko, oo. ‘Yung tungkol kay Noel, alam ko na nakatakda i...